Home>Editorial>Opinion>Frontliners Day sa Marso 15

Frontliners Day sa Marso 15

LUNGSOD ng Caloocan ang kauna-unahang nagdeklara ng petsang ito!

Angkop at napapanahon ang pagkilala sa naturang petsa dahil Marso 15, taong 2020 nang unang ideklara ang ‘quarantine protocol’ sa Metro Manila hanggang sa ipatupad na ito sa buong bansa.

Sa umpisa’y maraming reklamo, kalituhan, takot at pangamba. Hindi naman talaga natin alam kung kailan tayo mahahawaan ng sakit na COVID-19.

Hindi rin natin alam kung paano pa tayo makapamumuhay ng normal at paano pa tayo makapaghahanapbuhay ng maayos.

Maraming pamilya na ang nangulila dahil namatayan sila ng kaanak bunsod ng COVID-19.

Mayorya sa atin ay lalo pang naghirap dahil kung hindi nagsara ang pinapasukang kompanya, tinanggal sila sa trabaho. Napilay ang sektor ng transportasyon at naapektuhan ang regular na eskuwela ng mga bata.

Hanggang ngayon lugmok ang ekonomiya ng bansa.

Salamat sa mga matatapang na ‘medical frontliners’ dahil kung hindi sa kanila, baka lalo pang dumami ang namatay na kababayan nating nagkasakit ng COVID-19.

Salamat din sa lahat ng essential workers na kung hindi sa kanila, baka tuluyan nang magkawindang-windang ang pang-araw-araw nating pamumuhay.

Kaya nga sa pagkakataong ito, una kong sinasaluduhan si Councilor Vince Hernandez, president ng Sangguniang Kabataan Federation sa lungsod, na pangunahing may-akda ng Frontliners Day.

Kung sino pa ang milenyal na konsehal, siya pa ang unang nakaisip na dapat magkaroon ng pormal na pagpupugay sa lahat ng frontliners na pinagtibay ng Sangguniang Panglungsod ng Caloocan nito lamang nakalipas na Miyerkules.

Co-author ni Hernandez sina Councilor Enteng Malapitan at Majority Leader Ed Aurelio sa pagsusulong ng Proposed Ordinance No.11-146 Series of 2021 o “an Ordinance declaring March 15,2021 and every year thereafter as Caloocan City frontliners day providing funds therefore and for other purposes.

Bilang principal author, ako po ay lubos na nagpapasalamat sa aking mga kasamahang konsehal. Salamat din sa ating butihing Mayor Oscar “Oca” Malapitan na nagbigay ng suporta sa panukalang ito,” pahayag ni Hernandez.

Alinsunod sa ordinansa, magkakaroon ng pagdiriwang ang lungsod tuwing ika-15 ng Marso bilang “Caloocan City Frontliners Day”.

Ilan sa mga itinuturing na frontliners ang doctors, nurses, hospital staff; pharmacists, drug store attendants; barangay officials at employees, health workers, social workers, at tanods; police at military personnel, security guards, traffic enforcers; supermarket store staff, market vendors, food establishments and services; motorcycle delivery riders; City government officials at employees; emergency response personnel; employees at staffs ng mga hotel establishments na ginamit bilang isolation/quarantine facilities; bank tellers, managers, at employees; media personnel; waste and garbage collectors; at iba pang mga nagbibigay ng essential services.

They are ‘pandemic heroes.’ This pandemic will definitely end, but their heroism will and should remain in our hearts,” sabi pa ng konsehal.

Nakasaad sa ordinansa ang pagbuo ng program committee mula sa mga kinatawan ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation, City Health Department, City Disaster Risk Reduction and Management Office, Cultural Affairs and Tourism Office, Business Permit and Licensing Office, Barangay Secretariat, at City Youth Development Office.

Pangunahing tungkulin ng komite ang bumuo ng plano, maghanda at ipatupad ang lahat ng mga aktibidad na may kinalaman sa Frontliners Day Celebration.

Isinusulat ko ang artikulong ito kahapon ay nagpatawag na ng pulong si City Administrator Engr. Oliver Hernandez para maging makulay at makasaysayan ang gagawing pagunita, pagdiriwang o pagkilala sa ating mga frontliners sa darating na Marso 15.

Patunay na ang pamahalaang lungsod ng Caloocan, sa pangunguna nina Mayor Oca Malapitan at Rep. Along Malapitan, mahalaga at kinikilala ang napakalaking ambag ng ating mga frontlibers ngayong pandemya.

Sana gayahin ng iba pang pamahalaang lokal o ng national government mismo ang pagdiriwang ng Frontliners Day ngayong Marso 15.

Ako mismo ay sumasaludo sa lahat ng frontliners sa ating bansa at sa buong mundo!

Snappy salute po sa inyo, mga ate at kuya na frontliners!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large