Home>Editorial>Opinion>‘Frontliners’ din ang media

‘Frontliners’ din ang media

NGAYON na dumating na ang unang ‘batch’ ng mga bakuna sa bansa para sa COVID-19, inaasahan na mauuna ang ating mga health workers na mabakunahan bilang mga frontliners. Tama naman at wala tayong nakikitang mali sa hakbang na ito dahil ang ating mga health workers ay talagang malaki ang nagiging sakripisyo at masasabi nating “buwis-buhay” sa pagharap nila sa pandemya.

Higit sa sino man, sila ang talagang dapat mauna para sa bakuna. Dahil bawat may tamaan ng COVID-19 ay sa kamay nila bumabagsak. Kaya naman maraming salamat sa inyong sakripisyo.

Gayunpaman, nais nating pasalamatan ang naging pahayag ni Senator Bong Go sa kaniyang pagnanais na maisama ang mga taga-media para mabakunahan bilang ang mga ito ay masasabi rin nating mga frontliner ngayong pandemya.

At sumasang-ayon tayo dito.

Bilang Pangulo ng National Press Club (NPC), hinihintay na lang natin ang pormal na kumpirmasyon mula sa kanyang kampo— uso na nga kasi ang ‘fake news’ sa ngayon—bago naman maglabas ng pormal na reaksyon dito ang ating samahan.

Hindi rin naman kasi maikakaila na may pandemya man o wala talagang buwis-buhay na rin ang ginagawang trabaho ng mga nasa media.

Sa tuwing dumadating ang mga sakuna, naririyan tayo, mapa-bagyo, lindol, pagbaha at iba pang natural na kalamidad.

At siyempre, nasasabak din tayo sa mga maseselang mga coverage gaya ng mga buy-bust operations, pag-cover sa gera, at iba pang mga delikadong sitwasyon.

At siyempre pa rin, nakatatanggap din tayo ng pananakot mula sa mga nakakabangga natin. Araw-araw, gabi-gabi, iyan ang buhay ng media. Masasabi nating kasama na sa trabaho natin ang panganib.

Lalo pa ngayong may pandemya ay nagiging mas ‘vulnerable’ tayo na mahawa ng sakit na ito. Nariyan na nagpupunta tayo sa mga ospital at nakikipag-usap sa publiko maihatid lamang natin ang mga balitang kanilang kakailanganin sa pang-araw-araw at kung paano malalampasan ang ganitong pandemya.

May responsibilidad tayo na maghatid ng mahahalagang impormasyon na magiging kapaki-pakinabang para sa publiko.

At hindi natin lubos na magagawa ito kung mananatili tayo sa ating mga bahay. Kailangan nating lumabas at “makipagsapalaran” makakuha lamang ng balita.

Kaya naman saludo tayo sa mga kapatid natin sa hanapbuhay na bagamat peligroso ang panahon ngayon ng pandemya, ay talagang pinipilit pa rin nating maituloy ang ating tungkulin na makapagbalita.

Alam ng lahat kung gaano kahirap ang maghanap ng balita ngayong pandemya lalo na’t limitado ang galaw ng lahat.

Sa ganitong diwa, nakikita ni Senator Bong Go ang kalagayan ng media kaya niya nasabi na tayo din ay maituturing din na mga frontliner.

Kaya nagpapasalamat tayo na kahit sa ganitong mga pahayag ay nakikilala din ang sakripisyo nating mga nasa media.

Hindi ba nakakagaan ng loob na sa kabila ng mga paghihirap natin ay may nakakapansin ng ating mga paghihirap?

Hindi natin maitatanggi na tayo rin ay nangangailangan ng bakuna.

Bagamat naiintindihan natin ang ating pangangailangan, naiintindihan din natin ang sitwasyon ngayon na limitado pa rin ang bakuna (at darating na bakuna) ngayong buwan kaya naman mauunawaan natin kung talagang uunahin ang ating health workers.

Alam naman natin na ginagawa ng gobyerno ang lahat sa ngayon upang magkaroon ang lahat ng bakuna.

Meron lang talagang kailangang mauna. Tatanggap tayo kung mayroong bakuna para sa atin sa media pero hindi tayo makikipag-agawan lalo na sa ating mga kapatid na health workers.

Gayunpaman, tumitindig din tayo kasama ni Senator Bong Go na tayo din sa media ay frontliners.

May pangangailangan din na tayo ay maproteksiyunan laban sa nakakahawang sakit na ito upang maipagpatuloy natin ang ating serbisyo para sa publiko na makapaghatid ng napapanahon at mahahalagang balita.

Publication Source :    People's Tonight