Fuel Marking Program, layong supilin ismagling ng produktong petrolyo

June 16, 2019

MAGKAKAROON na ng police powers ang Bureau of Customs (BoC) upang epektibong maipatupad ang fuel marking system sa bansa.

Ito ay nakapaloob sa binubuong implementing rules ng fuel marking program ng Department of Finance.

Kasama ring mabibigyan ng police powers ang Bureau of Internal Revenue.

Sa ilalim ng draft rules, may kapangyarihan ang BoC at BIR na inspeksyunin ang lahat ng pinaghihinalaang smuggled oil.

Ang draft rules ay ilalabas bilang joint DoF-BoC-BIR circular.

Ang BoC at BIR, ang dalawang pinakamalaking revenue collecting agencies, ay nasa ilalim ng DoF.  
Ayon sa proposed guidelines, ang pinakamalapit na BoC o BIR opisyal sa kinalalagyan ng pinaghihinalaang smuggled oil ang siyang magsasagawa ng inspeksyon.

Ang mga tauhan ng BoC o BIR “may effect the search and seizure of the petroleum products found to be unmarked, adulterated or diluted.”

Ang joint venture na SGS Philippines, Inc at Switzerland-based SICPA ang magsasagawa ng fuel marking sa loob ng limang taon.

Pero dapat isalin ng SICPA at SGS ang technological know-how sa mga tauhan ng BoC at BIR.

Ang fuel marking program ay naglalayong matigil na ang ismagling ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Napakalaki ng nawawalang pera na dapat sanang pumasok  sa kaban ng gobyerno dahil sa patuloy na oil smuggling.

Sa ngayon, ginagawa lahat ni BoC Chief Rey Guerrero ang kanyang magagawa para matigil ang ismagling at lahat ng mga  panloloko sa Aduana.

Sa tingin ng marami, malilinis ni Commissioner Guerrero ang Aduana bago bumaba sa puwesto si Pangulong Rody Duterte sa Hunyo 30, 2022.

Tiyak ‘yon!  

***

Hindi talaga lulusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mga kontrabando, lalo na  mga iligal na droga.

Maliban sa mga “eagle-eyed” na tauhan ni NAIA-Customs District Collector Mimel M.  Talusan, nandiyan ang mga X-Ray machine at drug-sniffing dog.

Noon ngang Miyerkules, isang Indonesian ang inaresto ng mga otoridad dahil sa pagdadala ng  cocaine na nagkakahalaga ng P8.7 milyon.

Sinabi ni Talusan na nakita sa check-in luggage ni Agus Burhan, 62, ang cocaine.

Nabisto ng mga sniffing dog ang cocaine nang magsagawa ang mga otoridad ng random checks sa mga bagahe ng  pasahero.

Sinabi ni Burhan, na galing ng Doha, Qatar, na ang bagahe ay padala lamang at naglalaman daw ng mga regalo.

Nabatid din ng mga otoridad na nag-stopover pa si Burhan sa Madrid, Spain. Galing siya ng Lima, Peru,  kung saan daw niya nakuha ang bagahe.

Congrats muli kina Collector Mimel at kanyang mga tauhan!

***

Nagsimula na ang tag-ulan sa bansa.

Kawawa naman ang mga batang wala man lang pantakip sa ulo kung umuulan.

Ito ang mga anak ng mga mahihirap sa kanayunan na pursigidong mag-aral.

Ang mahirap pa nito, karamihan sa kanila ay kailangang maglakad sa mga kalsadang lubog sa tubig-baha.

Delikado ang maglakad sa mga tubig baha, dahil pwede silang magkasakit ng nakakamatay na leptospirosis.

Sana bigyan pansin agad ito ng mga otoridad, lalo na ng mga lokal na opisyal.

Kung hindi niyo maayos ang mga dinadaanan ng mga bata, bigyan niyo man lang ng kapote, payong at bota ang mga kawawang bata.

Diyan niyo ipakita ang malasakit sa mga anak ng mga bumoto sa inyo noong nakaraang eleksyon.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)