Gaano kahanda si Juan sa ‘Big One?’

HINDI na biro ang nagaganap na sunud-sunod na lindol sa America, Japan, Indonesia, China at sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Hindi tayo alarmista pero dapat siguro ay maging triple pa ang gawing ‘information campaign’ ng pamahalaan para mapaghandaan ang kinatatakutang Big One o ang lindol na tatama sa bansa sa Magnitude 7.2

Kahapon, lumabas  sa social media ang diumano’y dalawang major faults/trench ang binabantayan sa Pilipinas na kapag gumalaw ay maaaring makaapekto sa malaking bahagi ng Luzon region, kasama na ang Pangasinan.

Sa FB post ng DWCM Aksiyon Radyo Pangasinan, kinumpirma umano ng Phivolcs sa lalawigan na anumang oras ay maaaring gumalaw ang West Valley Fault at maaaring madamay  ang San Manuel Fault Line kung saan nakatayo ang San Roque Dam.

Isa ito sa pinaghahandaan ngayon ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council dahil bukod sa lindol, may banta rin ng tsunami sa 14 na coastal town sa lalawigan sakaling gumalaw ang Manila trench ng West Philippine Sea.

Sinabi ni Avenix Arenas, spokesperson ng PDRRMC, pinakaapektado ang mga lugar sa Bulacan, lalo na ang Metro Manila paitaas sa Southern Luzon na sumasakop sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Dahil dito, kailangan aniya ang matinding paghahanda dahil base sa pag-aaral, 32 talampakang taas ng tsunami ang maaaring magkaroon sa anim hanggang walong magnitude na lakas ng lindol.

Puspusan ang ginagawang pagsasanay ngayon ng Pangasinan upang maging seryoso sa paghahanda bukod pa sa pagbili ng mga karagdagang hydraulic equiptment.

Noong nakalipas na Huwebes ay niyanig ng magnitude 6.4 na lindol ang Southern, California, USA, at nasundan pa ito ng magnitude 7.1 noong Hulyo 6. Maigi na lamang at walang naiulat na namatay sa dalawang magkasunod na lindol dahil ang tinamaan dito ay ang ilang probinsiya sa katimugang bahagi ng California.

Gayunman, ilang lugar ang nasunog likha ng mga damage na linya ng kawad ng kuryente. Kitang-kita rin sa mga naglabasang larawan sa balita ang malalaking bitak ng lupa na sanhi ng malalakas na lindol na tumama sa Amerika sa mismong kasagsagan ng pagdiriwang nila ng 4th of July celebration.

Noong July 7 matapos ang unang ‘California quake’  ay niyugyog ng lindol ang Sulawesi Island sa bansang Indonesia. Nagdulot ito ng matinding ‘panic’ at takot sa naturang bansa. Napilitang ilikas ang 130 pasyente sa isang ospital sa Ternate City, Indonesia.

Bago nito ay nagkaroon na rin ng malakas na lindol sa hilagang-kanluran ng bansang Japan kung saan ay nagkaroon ng pitong ‘reactors’ sa kalapit na Nigata Nuclear Plant dahil sa ‘abnormalidad’ ng operasyon nito. Dalawang linya ng ‘bullet train’ din ang sinuspinde ang operasyon para silipin kung malaki ang naging damage nito o wala.

Umabot sa 11 katao naman ang nasawi at 122 ang sugatan nang yanigin ng magnitude 6.0 lindol ang probinsiya ng Changning sa Yibin City na bahagi ng katimugan ng China.

At dito sa atin sa Pilipinas ay magkakasunod na pagyanig ang nangyari sa Agusan del Sur, Davao Occidental at Surigao del Sur kung saan ay umabot sa magnitude 5.5 hanggang magnitude 6 ang lakas ng lindol.

Noong nagdaang Abril ay 18 nating kababayan ang nasawi sa pagbagsak ng  Chuzon Supermarket na may apat na palapag sa Porac, Pampanga. Ito’y matapos umatake ang magnitude 6.1 na lindol sa Luzon kung saan  umabot sa 282 kababayan natin ang nasugatan sa nasabing trahedya.

Matapos ang naturang insidente ay niyanig din ng magnitude 6.1 na lindol ang Eastern Samar at Zambales.

Ang mga pangyayaring ito ay nakababahala lalo’t ang Pilipinas ay malapit sa tinatawag na Pacific Ring seismic faults, tulad ng bansang Taiwan, New Zeland at Japan.

Ang 100 kilometro kahabaan ng West Valley fault mula Bulacan hanggang Laguna ay sadyang delikado sa atin lahat sakaling dumating ang kinatatakutang Big One na hindi natin alam kung kailan ito aatake.

Sinabi ng Phivolcs sakaling makaranas ang Metro Manila at kanugnog na lalawigan ng magnitude 7 na lindol, posibleng higit sa 40,000 katao ang masawi at maraming ari-arian ang maaaring masira, base na rin sa resulta ng kanilang Risk Analysis Project na isinagawa noon pang taong 2014.

Walang duda ang ipinapakitang sipag ng pamahalaan at iba pang mga concerned agencies sa pagsasagawa ng ‘earthquake drill’ at ‘fire drill’ sa bansa.

Pero para sa atin, kulang pa ito.

Hindi tayo dapat mag-focus lamang sa tinatawag na ‘duck, cover and hold’ na paghahanda kundi dapat ay silipin  ng national at local government ang iba pang mahahalagang preparasyon sa kinatatakutang trahedya.

Isama dapat dito ang pagsuri sa mga ‘stractural integrity’ ng bawat gusali; ang mga poste ng kuryente, ang linya ng tubig, tibay ng ating mga dams, mga oil depots at marami pang iba.

Dapat nga, sa mga oras na ito ay sa ‘grassroots level’ na ang ginagawang ‘information drive’ ng LGU’s para tukuyin ang mga lugar na bahagi ng tinatawag na West Valley Fault at Marikina Fault.

Hindi lamang sa website ito dapat nakapaskil kundi i-idenfity ito isa-isa sa bawat barangay kung sakop ba ang kanilang kabahayan ng mga naturang ‘fault.’ Gamitin ang social media, mga grocery store, simbahan, karinderya, sari-sari store o iba pang lugar parang maging ‘medium’ at ‘venue’ sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon.

Tuwing eleksiyon, may tinatawag tayong ‘election hot spot.’

Bakit hindi natin paigtingin  ‘on a grass roots level’ ang ating ‘information drive’ para naman matukoy ang mga West Valley Fault at Marikina Fault ‘hot spot’ nang malaman nila kung ang kinatitirikan ba nilang lupa ay delikado masyado sakaling magkaroon ng lindol.

Sa pamamagitan nito, maipapaliwanag natin sa ating mga kababayan ang mga kalaaman tungkol sa lindol at magkaroon ng kanya-kanyang paghahanda alinsunod sa kanilang bawat sitwasyon.

Maaaring gawin ito hindi para manakot ng ating kababayan, kung hindi para magkaroon ng mas malalim na kaalaman sa mga dapat gawin ng taumbayan sakaling dumating ang kinatatakutang Big One.