Home>Editorial>Opinion>‘Game of the Generals’ sa Customs?

‘Game of the Generals’ sa Customs?

TALAGANG ang bilis ng panahon. Hindi na natin halos namalayan dahil sa dami ng ating trabaho para sa National Press Club ay malapit na naman pala ang anibersaryo nito.

Ngayong Oktubre 29, ay isa na namang makasaysayang araw para sa NPC sa pagdiriwang nito ng kanyang ika-68 anibersayo.

Opo, 68 na po ang NPC na kinikilala sa larangan ng pamamahayag sa bansa bilang isa sa “pinakamatanda”—at patuloy na pinakamalaking samahan ng mga propesyunal na mamamahayag sa Pilipinas.

Kaya naman sa kabila ng mga limitasyon na mayroon tayo dulot ng pandemya, nararapat pa rin na bigyan natin ang okasyon ng kahit simpleng selebrasyon.

Isa na dito ay dahil sa gitna ng pandemya, hindi tumigil ang pamunuan ng NPC na patuloy na magsilbi sa hanay ng mga mamamahayag at maging sa publiko.

Pero bago ang lahat, nais muna nating batiin ang lahat ng mga bagong opisyal ng NPC na bumubuo ng ‘Interim Board’ sa pangunguna ng inyong lingkod.

Umasa po kayo na ipagpapatuloy natin ang ating nasimulan at pag-iibayuhin pa ang ating serbisyo. Isang pagsaludo naman sa naging pamumuno ni NPC immediate past president, Rolly ‘Lakay’ Gonzalo.

Sa pagsalubong natin sa nalalapit nating anibersaryo, naglatag na ang ating pamunuan ng mga ilang aktibidad para dito.

Unang-una, magkakaroon tayo ng feeding program kung saan target natin ang 4,000 katao na mabiyayaan nito sa nasasakupan ng komunidad sa paligid ng NPC sa Intramuros, Maynila.

Nais na nating kaagad na pasalamatan si dating Candaba, Pampanga mayor, Engr. Danilo Baylon, sa kanyang walang sawang pagsuporta sa NPC.

Inaabangan din natin ang nalalapit nating oath-taking kay Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta.

Kaya naman nais din nating pasalamatan si Manila Mayor Isko Moreno at si “kapatid” na Cesar Chavez para sa kanilang pagkakaloob ng libreng ‘COVID test’ para sa lahat ng mga opisyal ng NPC sa Ospital ng Maynila—kung saan lahat ay negatibo ang resulta.

Salamat din sa pamunuan ng ‘OsMa’ sa kanilang propesyunal at makataong serbisyo sa lahat ng mga pasyente at kumukuha ng COVID test sa kabila ng panganib na dala nito sa kanila mismong kalusugan.

Request” kasi ng tanggapan ni CJ Peralta na mag-COVID test muna ang liderato ng NPC bago niya isumpa, ehek, manumpa, sa kanya.

Kung madadalaw naman kayo sa NPC ay talaga namang abalang-abala ang ating House Committee sa pamumuno ni Director Joey Venancio sa paglilinis, pagkukumpuni at pagpapaganda ng ating makasaysayang gusali, bilang bahagi ng preparasyon para sa ating “anib.”

At sa nalalapit nating anibersaryo, ipagdiriwang natin ito ng simple dahil sa pandemya.

Bagaman, bibigyan natin ng pagkilala ang lahat ng mga grupo at indibidwal na nagmalasakit at “umalalay” sa NPC sa kasagsagan ng ‘lockdown’ dahil sa tulong nila, nagawa rin nating ayudayan ang higit 400 kasapian ng NPC.

Kahit sa ganitong bagay man lang ay maibalik naman ng NPC sa kanila ang ating sinserong pasasalamat!

***

Mayroon bang ‘Game of the Generals’ d’yan sa Aduana?

Ito ang tanong ng ilang mga miron, dahil sa tagal “lumabas” ng papel ng ilang mga consignees na palaging “natitipuhan” ng ilang mga “bosing” dyan na “paglaruan.”

Alam natin na walang alam sa ganitong diskarte ng ilan niyang mga kapwa-heneral at mga tauhan niya ngayon, si ex-AFP chief at Customs Commissioner Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero.

Hmmm. Kamakailan lang ay muling binigyan ng kapangyarihan ng Senado at Kongreso si Pang. Rody upang mapahigpit pa ang laban sa ‘red-tape’ at “pagtuturuan” sa mga ahensiya ng gobyerno.

Mainam siguro na itong Bureau of Customs ang una niyang “sampolan,” tama ba, ARTA director general, Atty. Jeremiah Belgica?

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight