Gandang mga lumang simbahan sa Pampanga, ibalik

ILAN sa mga binabalik-balikan ng mga turista sa bansa ang mga lumang gusali lalo na ang mga matatagal nang simbahan.

Maipagmamalaki natin sa lahat ang mga antigo nating mga simbahan na hindi nabuwag sa paglipas ng panahon.

Kaya naman kaisa tayo sa panawagan ni Senador Sonny Angara sa gobyerno at ang pribadong sektor na magtulungan  upang maibalik ang mga napinsalang lumang simbahan sa Pampanga.

Ito ay matapos salantain ng magnitude 6.1 na lindol ang lalawigan kamakailan na ikinasira ng mga simbahan na aniya’y itinuturing na “national treasure.”

Sinabi ni Angara na dapat munang isantabi ang kanya-kanyang paniwalang pangrelihiyon sa mga ganitong pagkakataon, sapagkat yaman ng Pilipinas ang dapat pahalagahan sa ngayon.

Binigyang-diin na ang mga lumang simbahan na ilang siglo nang nakatayo sa iba’t ibang panig ng bansa, ay mga pamana ng kasaysayan na dapat pang masilayan ng mga susunod na henerasyon bilang paalala sa nakalipas na kultura at tradisyon ng Pilipinas.

Una na ring nagpahayag ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na pakikiusapan nito ang Malacañang na magpalabas ng pondo o kaya’y ibilang sa 2020 national budget ang alokasyon para sa restorasyon ng Pampanga heritage churches.

Ayon sa mga ulat, 24 na heritage churhes o mga lumang simbahan sa nasabing lalawigan ang napinsala dulot ng malakas na lindol.
Kabilang sa mga ito ang Santa Catalina de Alexandria sa Porac, San Agustin sa Lubao,

Metropolitan Cathedral ng San Fernando, Holy Rosary and Archdiocesan Shrine of Christ Our Lord of the Holy Sepulcher sa Angeles City, Saint James the Apostle sa Guagua, Santa Rita de Cascia sa Santa Rita, at ang Santa Monica sa Minalin.

Maging ang National Commission for Culture and the Arts, ayon kay Angara, ay mayroon ding ilalaan na pondo para sa mga napinsalang istruktura, alinsunod sa isinasaad ng iniakdang batas ni Angara, ang RA 10066 o ang National Cultural Heritage Act.

Kaugnay pa rin nito, nanawagan ang senador sa pribadong sektor na makibahagi sa mas pinabilis na rehabilitasyon at restorasyon ng mga nasirang simbahan.

Batay anya sa heritage law, kabahagi rin sa mga insentibo ang mga pribadong sektor dahil sa kanilang solidong pagsuporta sa pangangalaga at restorasyon ng national cultural treasures, base sa isinasaad ng Conservation Incentive Program ng NCAA.

Kung nais nating lumakas ang turismo ng bansa dapat lamang na mamuhunan tayo sa mga historical places upang mas marami ang dumayo rito.