Gen. Eleazar: Mataas ang kredibilidad

ISANG liham mula sa isang pamilya na umano’y inabuso ng mga pulis ang natanggap ng National Press Club (NPC), kamakailan.

May petsang Mayo 20, nakasaad sa 3-pahinang sulat ang detalye kung paano “winalanghiya” ng mga pulis ang pamilya Gacusan, kung saan bukod sa iligal umanong pinasok ang kanilang bahay (walang search warrant) ng 6 na hindi nakilalang pulis (dahil walang uniporme at natatakpan pa ang mga mukha) noong Abril 10, pinagnakawan pa sila ng halos P100,000 salapi, bukod pa ang kanilang mga cellphones. Sa nasabing halaga, ang P30,000 ay inutang pa sa isang kooperatiba at gagamitin sana sa panganganak ng asawa ni Jaymark Gacusan, na siya palang “target” ng mga pulis.

Ang siste, “isinasabit” ng mga parak sa iligal na droga si Jaymark at ang kanilang ginawang sapilitan na “pagbitbit” sa kanya sa presinto—na “sinamahan” na rin nila ng pagnanakaw sa bahay ng mga Gacusan— ay “tipikal” na gawain na mga pulis-kriminal na alam ng kahit sinong ‘police reporter.’

Ayon pa rin sa liham ni Mrs. Lolita Gacusan, ina ni Jaymark, “tinaniman” ng mga pulis ng iligal na droga si Jaymark sa loob mismo ng kanilang bahay at pagdating ni Jaymark sa istasyon ng pulis ay “pinalo” siya ng baril sa ulo, “hinigpitan” ang kanyang posas hanggang magdugo ang kanyang braso habang “pinapaamin” na isa nga siyang drug pusher.

Aniya pa, dahil, sa dinanas na police brutality, “umamin” na lang si Jaymark na siyang gustong mangyari ng mga pulis.

At nang “umamin” na si Jaymark, “hiningan” siya ng P100,000 para naman pauwiin na ng mga pulis.

At siyempre pa, alam na natin ang sumunod na eksena kapag hindi “nakapagdeliver” ang isang drug suspect—sasampahan siya ng kaso ng mga pulis, bagay na siyang nangyari kung saan ang pagsasampa ng kaso ay inaprubahan ni Prosecutor Raymond Lledo noong Abril 12, dalawang araw matapos “maaresto” si Jaymark.

Kung nabasa naman ninyo ang kolum na ito, DILG secretary Ed Año at PNP chief, Gen. Oscar Albayalde, “pakibungkal” lang sa inyo-inyong ‘inbox’ sa inyong mesa dahil pinadalhan din kayo ng kopya ng reklamo.

At ‘yun nga lang, dear readers, bagaman alam natin na hindi kunsitidor sa mga abusadong pulis, “malamang” na hindi maaksyunan nitong ating kaibigan si NCRPO director, MGen. Guillermo Eleazar, ang nasabing reklamo na siya ang ‘original addressee.’

Dangan kasi ang kasuklam-suklam na insidenteng ito, kasamang Rod Vega ng DZBB, ay nangyari hindi sa nasasakupan ng NCRPO, bagkus, sa Bgy. San Jose, Montalban, Rizal, na ang nakakasakop ay ang Calabarzon Police Office (PRO4-A) sa ilalim ni BGen. Edward Carranza.

Oh yes, Atty. Glenn Chong, d’yan na naman sa lalawigan ng Rizal— kung saan na-torture-murder ng mga pulis ni Carranza ang iyong kaibigan na si Red Santillan noong Disyembre— naganap ang insidenteng ito.

At kung bakit kahit ‘out of jurisdiction’ na ni MGen. Eleazar ang Calabarzon eh, sa kanya pa rin humihingi ng tulong ang ating mga kababayan na inaabuso ng mga pulis, eh, simple lang ang kasagutan—”napakataas” kasi ng kanyang kredibilidad!

Kumbaga, para sa ating mga kababayan, isang modelo ng tapat, mahusay at propesyunal na pulis si Gen. Eleazar na alam nilang puwedeng pagkatiwalaan.

Para naman kay Gen. Carranza, pulos “salto” at kahihiyan na lang yata ang alam na “ipunin” ng opisyal na ito, tsk,tsk,tsk!

Baka naman gusto mong bigyan ng kahihiyan ang principal backer mo na si Chief PNP Oca kaya andyan ka pa rin sa puwesto, BGen. Carraza, sir?

Magpakitang-gilas ka naman sa insidenteng ito, bosing, at alamin ang katotohanan sa hinagpis ng pamilya Gacusan laban sa mga pulis mo (na naman).

And yes, CHR chairman, Chito Gascon, may kopya rin kayo ng reklamo at baka rin gusto ninyong “umepal” sa pangyayaring ito? “Swak” ito sa ‘mandate’ ninyo, hindi ba?

At sa ngalan ng parehas na pamamahayag—bagaman nga wala na tayong “sampalataya” dito kay Gen. Carranza, ang “batang sarado” ni ‘Narco PNP General Marcelo Garbo (ayon mismo kay PDU30)—bukas pa rin po ang pitak na ito sa inyong panig.

Abangan!