Ginawa tayong tambakan ng basura ng South Korea

November 11, 2018

Matagal nang tambakan o dumping ground ang Pilipinas ng mga surplus materials galing sa ibang bansa lalo ‘yung mula US at iba pang mauunlad na bansa. Ngunit ngayon, mga basura na mula ibang bansa ang itinatambak sa atin!

Ilang taon lang ang nakararaan, mga basura mula bansang Canada ang dumating sa Pilipinas. Nakapaloob ito sa maraming container van. Hanggang ngayon, hindi pa naibabalik ang mga basurang ito sa Canada kahit na may pangako si Canadian Prime Minister Justin Trudeau na aasikasuhin nila ito. “Pampapogi” lang pala!

Ngayon naman ay South Korea ang nagpadala ng tambak na basura sa ating bansa na karamiha’y plastik ayon sa balitang pantelebisyong Bandila ng ABS-CBN.  Sinabi pa rin ng balita na dumating ang mga basura noong July 21, 2018 sa Mindanao International Container Port, Tagoloan Misamis Oriental sakay ng barkong MV Affluent Ocean.

Ang laman ng mga van ay misdeclared ayon sa Bureau Customs. Mga plastic flakes ang deklarasyon ngunit ayon sa BOC ay naglalaman ang mga van ng mga nabubulok at hindi nabubulok na  basura. Ibig sabihin ay hindi plastic flakes lamang ang laman nito. Basura talaga!

Binatikos ito ng Ecowaste Coalition at sinabing hindi pa nga nalulutas ang mga basurang itinambak sa atin ng bansang Canada, narito naman ang mga basura galing South Korea.

Hiniling ng grupong ito na dapat ay agad ibalik ang mga basurang itinambak sa ating bayan sa South Korea dahil kung hindi ay matetengga na naman ito tulad ng mga nangangamoy sa baho na basura ng Canada sa lupain ng Pilipinas. Nanawagan ang grupo sa mga awtoridad ng bansa na tutulan ang ganitong mga iligal na gawain ng importasyon at magkaroon na ng ban sa plastic waste imports.

Puno na ng plastik ang ating kalupaan at karagatan at ngayon ay ginagawa pa tayong tambakan ng basura mula sa ibang bansa. Ang mga plastik ay tiyak na mapupunta sa mga katubigan ng bansa at kakainin ng mga isda, ayon pa rin sa grupo.

Ang mga plastik na ito kapag nakain ng mga isda ay  hahantong sa ating pamilihan, kusina, at mga tiyan ng tao na tiyak na magbubunga ng sakit at kamatayan. Kamatayan sa mga isda at tao ang magaganap.

Ibalik ang mga basura ng Sokor sa  Sokor hiling ng EcoWaste. Nakagagalit at hindi ito katanggap-tanggap, dagdag nito.

Napakabait ba ng Pilipinas upang bastusin at insultuhin tayo ng ibang mga bansa at gawin tayong tambakan ng basura? O nakikita ba ng mga bansang ito na mapagmahal tayo sa sariling mga tambakan ng basura at hanggang ngayon kahit may batas pangkalikasan na tulad ng RA 9003 ay hindi pa to ipinasasara?

Nakalulungkot na maraming mga delubyo na ang dumaaan sa Pilipinas at isa ang basura sa mga dahilan nito ngunit parang may kalyo na ang damdamin at isipan ng ilang namamahala sa bansa na tila patuloy pa ring binabale-wala ang suliraning ito.

Wala namang maliit na delubyo. Kaya nga delubyo ang tawag sa mga suson-suson, patong-patong, malalalaking sakuna, kalamidad ang tumatama sa ating bayan.

Tandaan nating ang kapabayaan natin sa Pilipinas ay nagdadagdag sa paglala ng global warming at climate change.

Magbago na kayo!  (bangonkalikasan@yahoo.com)