Ginawang liwasan ng basura ang Rizal Park

December 31, 2018

ISANG Maginhawang Bagong Taon!

Sa paggunita natin sa araw ng Kamatayan ni Rizal ngayong ika- 30 ng Disyembre, mahiya naman kayong magpipiknik sa Rizal Park sa pamilya Rizal na dumanas ng napakadilim na Pasko nung 1896 at malungkot na bagong taon nung 1899.

Ang basura at kalat na iniwan ng mga nagpiknik sa paligid ng monumento ni Rizal sa Luneta nito lang Pasko 2018 ay nagpapakita ng kahinaan ng core values ng pamilyang Pilipino. Kung sisikat ang araw,   tiyak mauulit ang basura at kalat na ito sa bagong taon 2019.  

Ang pagtatapon ng basura at kalat sa tamang lalagyan ay isang mahalagang bagay na nagpapakita ng pagmamalasakit sa kalikasan at pagpapanatili ng kaayusan ng daigdig na ipinagkatiwala sa ating lahat ng Panginoong Diyos.  Simple lang naman ang dapat gawin pero bakit  hindi magawa? Hindi ba  magbabaon lang naman ng isang bag na lalagyan ng basura ang bawat pamilya na magpi-picnic sa Luneta at dadalhin ito sa trash bin ng Rizal Park. Senyales ba ito ng katamaran? Hindi ba maliwanag na  kawalan ito  ng pakundangan sa kapwa?

Ang Rizal Park Administration na nasa pangangasiwa ng Dept. of  Tourism at pinamumunuan ni NPDC Executive Director Penelope D. Belmonte,   ay dapat magpaliwanag bakit nagmistulang Liwasan ng Basura ang Rizal Park.  May sapat bang mga recycling trash bins sa mga piling lugar sa liwasan? May sapat bang mga malinis na toilet sa paligid ng Liwasan? May mga Park attendants ba na pinapaaala sa mga nagpipiknik na itapon sa mga trash bins ang kanilang basura?

Ang Kagawaran ng Edukasyon  ay may malaking tungkulin at responsibilidad na itanghal at palaganapin ang 16 “civic at ethical principles” na pinag-utos pa ni Pangulong Manuel L Quezon sa kanyang Executive Order No 217 (Agosto 19, 1939). Kabilang sa listahan ang pananampalataya sa Diyos; pag-ibig sa bansa na tahanan ng iyong mga kababayan at pinagmumulan ng iyong kaligayahan at kabutihan at may pangunahing tungkulin kang ipagtanggol at kung kinakailangan, ay mamatay para sa bansa;  igalang ang Saligang Batas at sumunod sa batas na pinapatupad ng iyong pamahalaan na pinapangalagaan ang iyong kaligtasan at mapayapang buhay; magbayad ng buwis; pangalagaan ang halalan at igalang ang pasya ng mayorya; mahalin at igalang ang mga magulang at paglingkuran sila;  maging makatotohanan at tapat, makatarungan at matulungin, magalang at matuwid sa pakikisalamuha sa kapwa; mamuhay ng simple at maging matipid; magpugay sa mga bayani; magsipag at huwag umiwas sa trabaho; umasa sa sariling sikap para sa iyong pagunlad at kaligayahan; magtrabaho ng maayos at may sigla at manatiling masinop at pulido magtrabaho at huwag ipagpaliban bukas ang maaaring gawin ngayon; tumulong sa iyong  pamayanan dahil bahagi ka ng lipunan, tangkilikin ang mga yari sa Pilipinas at ng mga Pilipino; gamitin at itaguyod ang likas yaman ng Pilipinas.

Dati, ang mga bagay na ito ay nasa subject na Good Manners and Right Conduct o GMRC ngunit ito ay  nilusaw ng DepEd at kinalat sa ibang asignatura tulad ng Araling Panlipunan, Reading at Language. Sa aking palagay, dito na nagumpisa ang paghina ng pagpapanday ng core values sa isip at diwa ng batang Pilipino.

Ang National Service Training Program o NSTP na nagtuturo at sinasanay ang mga estudyante sa Kolehiyo ng pagmamahal sa Diyos at Bayan ay huli na dahil ang edad ng College students ngayon ay 17-18 taon gulang na.  Ang tamang asal at pag-uugali na hindi nakuha sa magulang ay mahirap ng isaksak sa isip at puso ng mga estudyante.

Kulang na kulang din ng ayuda ang iba’t ibang simbahan sa pagtuturo ng tamang asal at ugali. May Sunday School ang mga Protestante at Katekismo ang Katoliko  subalit ang pokus ay hindi tamang pag-uugali.  Maraming bata walang life verse na nakadambana sa kanilang mga  puso.

May nabasa rin akong post sa FB mula sa isang dating basurero na ibinubunyag ang kawalan at kakulangan ng  pamahalaan lokal ng isang lungsod sa Metro Manila para mapangalagaan ang kalusugan ng mga basurero na walang sapat na gwantes, bota, over-alls, para hindi masugatan at maimpeksyon at magkasakit sa mikrobyo mula sa basura na kinokolekta nila. Sa totoo lang, lahat ng basurero kulang ng mga gamit na ito. Kulang din sa pahinga at suweldo ang karamihan ng basurero. At ang pinakamahalaga, walang pinapatupad na Solid  Waste Management Plan ang mga LGU. Nagpapabaya ang DENR at DILG sa pagkastigo sa mga mayor ng mga lungsod at bayan sa buong Pilipinas.  Lahat hakot lang nang hakot ng basura. Ayaw daw mag-recycle ng basura ang taong bayan. Babalik ulit tayo sa inumpisahan natin: kawalan ng core values ng Pilipino.

Atin  tandaan  na ang kaunlaran ng bansa ay nakasalalay sa pambansang kilos ng taong bayan. Para maganap ito, kailangan palakasin at linangin sa mga bata ang core values na  nasa listahan ni Quezon. Huwag umasa sa mga mayor at iba pang pulitiko na ang alam lang ay magbigay ng panis na hamon at grocery bag na ang laman ay instant noodles, sardinas, at  limang kilong bigas   tuwing Pasko. Maawa tayo sa mga anak at apo natin na magmamana ng Pilipinas na winawasak ng mga pulitikong ibinoboto ng mga botante tuwing subasta, este halalan pala.