Giyera kontra droga, tagumpay!

November 14, 2019

MAINIT na pagbati ang nais nating iparating kay Maj. Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar, chief director staff (CDS), ng Philippine National Police (PNP).

Ang magiting na heneral ay nagdiwang ng ika-54 na kaarawan noong nakalipas na Miyerkules.

Hiling ng mga nakakakilala kay Guillor, sana ay maitalaga na ito bilang Chief PNP ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Speaking of Gen. Eleazar, bigyang-pansin natin ang kanyang naging deklarasyon na sa kabila ng mga isyu hinggil sa ninja cops at narco cops ay buo ang kanyang paniniwala na nagtatagumpay ang administrasyon sa giyera kontra droga.

Hindi rin naman nagsalita ang heneral para lamang ika nga ay ‘mema’ o may masabi lang dahil inisa-isa nito ang kanyang mga batayan sa deklarasyon.

Una, milyun-milyong drug users na anya ang sumuko at sumailalim sa rehabilitation program sa iba’t-ibang lugar ng bansa.

Tama naman ang pahayag ni Eleazar na kung walang giyera kontra droga, hindi mabibigyan ng ikalawang pagkakataon ang mga drug user.

Bukod sa mga user, ipinagmalaki rin ng magiting na heneral na libu-libong pushers ang kanilang nasakote na kung wala ang kampanya kontra droga ay  tiyak mas marami pang inosenteng sibilyan na mabibiktima.

In short, ayon nga kay Eleazar ang giyera kontra droga ay unti-unti kung hindi man tuluyang natapos ang pagkalat ng droga sa iba’t ibang panig ng bansa at kung hindi sa kampanya ay tiyak na mayorya ng populasyon ay maituturing nang zombies.

Ikalawang punto, naibaba ng giyera kontra droga ang crime volume ng 60% sa unang 39 na buwan ng Duterte administration kasabay ng paggiit na priceless na maituturing ang maayos na peace and order situation dahil tiyak na mas maraming investment ang papasok sa Pilipinas.

Ikatlong punto, binigyang-diin ng heneral ang gumagandang ekonomiya dahil sa malawakang infrastructure program bunsod ng peace and order na hindi mangyayari kung magulo ang sitwasyon sa Pilipinas.

Ikaapat, barometro rin anyang maituturing ang patuloy na popularidad ni Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal ng bansa na nangangahulugan lamang na mas masaya ang publiko sa kampanya.

At ikalima, ang mas malawak anyang pagbabalita hinggil sa mga ninja cop at abusadong mga pulis ay nangangahulugan na mas maraming bulok na miyembro ng PNP na ang nalalagas sa organisasyon.

Ipinunto rin ni Eleazar na nabulgar din naman na ang malawakang drug trade ay nakokontrol ng mga drug lord na nasa BuCor.

Pinatotohanan anya ito ng pahayag ng iba nilang nasakote na nagtuturo sa mga inmate bilang source ng kanilang produkto.

Subalit sa pagpasok anya ni BuCor Director Gerald Bantag ay nalilinis na ang NBP.

Ipinagmalaki rin ng heneral na sa kanyang panahon sa National Capital Region Police Office ay nagpatupad siya ng bagong sistema sa kanilang anti-drug campaign na palalawigin anya sa buong bansa upang matiyak na liliit na ang mundo ng ninja cops.

Kasama sa bagong sistema na tanging mga miyembro ng Drug Enforcement Units ang magsasagawa ng drug operations at tanging ang DEU chief at unit commanders ang magrerekomenda ng mga miyembro ng DEU.

Responsibilidad naman ng unit commander at DEU chief na pag-aralang maigi ang background ng kanilang mga tauhan, kabilang ang lifestyle at community relations checks.

Hindi naman tatanggapin bilang miyembro ng DEU ang tauhang may kaugnayan sa  drug personalities.

At ang pinakahuli ay ang pagpapatupad ng one strike policy laban sa DEU at ang anumang procedural violation ay posibleng maging dahilan ng pagsibak sa DEU chief at sa kanyang unit commander.

Sa ganang akin, tulad ng konklusyon ni Guillor, hindi na dapat gawing isyu kung tagumpay o hindi ang giyera kontra droga dahil kung tutuusin ay hindi pa tapos ang laban.

Nag-uumpisa pa lamang ang lahat at nangangailangan ito ng pagtutulungan at pagkakaisa ng bawat sektor, malaki o maliit ka mang bahagi ng lipunan.

Kung nais nating maging tahimik ang bansa at malipol na ang droga, tama na ang pagtuturuan at simulan na ang pagtutulungan.