‘Giyera’ na ng simbahan at ng administrasyon

December 19, 2018

NANGHIHINAYANG tayo kay Cardinal Luis Tagle.

Noong mga panahong naghahanap ang Vatican ng bagong Pope, kasama si Cardinal Tagle sa sinisipat kung potensiyal na maging lider ng mahigit isang bilyong Romano Katoliko sa buong mundo.

Siya na lang sana ang tinitingnan kong potent force ng simbahan na makapagtutulay sa estado at ng buong kaparian.

Hindi ko rin naman siya masisi dahil alam ko ang matinding pressure sa kanya ng kaparian na tumayo at magsalita laban sa Duterte administration.

Isinulat ko sa nakaraang kolum na humudyat sana ng pagkakasundo ng simbahan at ng Pangulong Duterte ang unang tunog ng Balangiga bells na naibalik sa atin ng American government matapos ang mahigit isandaang taon.

Pero mukhang masama ang impluwensiya kay Tagle ng unang tunog ng batingaw dahil mas matinding banat ang kanyang pinakawalan laban kay Pangulong Duterte. Bagama’t hindi pinangalanan ni Tagle, hindi maikakailang ang Presidente ang kanyang pinatamaan sa pagiging “bully” na gamit ang kapangyarihan.

Dito ko hinahanap kung epektibo ba talaga ang turo ng simbahan na “batuhin mo ng tinapay ang sinumang pupukol sa iyo ng bato.”

Naghihintay akong manguna ang simbahan sa pag-abot ng kamay ng kapayapaan sa Malacanang pero mukhang wala silang plano para rito.

Inaakusahan nilang bully ang Pangulo pero nakalimutan nilang tumingin sa salamin. Ang kasalanan ng simbahan kung uugatin ay nagsimula sa 2016 presidential elections.

Palibhasa’y iba ang kanilang kandidato, inupakan nila si Duterte gamit ang buong puwersa ng simbahan. Tinawag ng simbahan na killer at evil si Duterte sa kainitan ng kampanya.

Bukod sa pagsasalita ng laban kay Duterte sa mga homily, naglagay pa ng mga tarpaulins sa mga simbahan na sinasabing huwag boboto sa demonyo.

Puwede mo namang gabayan ang mga botante nang walang insultuhan o name calling. Kaya nga sinagot ni Duterte ang propagandang ito ng simbahan.

“Sabi ng mga pari, huwag nyo raw ako iboto dahil demonyo raw ako. Sundin nyo sila para hindi kayo mapunta sa impiyerno,” ito ang mga sinasabi ni Mayor Digong sa kanyang mga kampanya bilang sagot sa kaparian.

Kahit hindi natin sabihin, alam ng lahat kung sino ang kandidato ng simbahang katoliko noong mga panahong iyon.

Alam ng simbahan na mag-iiba ang political landscape ng bansa kapag si Duterte ang naging Pangulo. Alam nilang hindi madidiktahan si Digong. Pagkatapos ng 1986 People Power Revolution, naging dalawa na ang palasyo ng bansa. Iyong Malacañang sa ilog Pasig at ang Arcbishop’s Palace sa Mandaluyong.

Nabigyan ng matinding kapangyarihan ang yumaong si Cardinal Sin kaya maraming polisiya ng estado ang nagmumula sa Palasyo ng Arsobispo.

Ito ang hindi nangyari sa panahon ni Duterte dahil hindi ito kayang diktahan ng kahit sino, lalo na ng simbahan.

Sa pahayag na ito ni Cardinal Tagle laban kay Duterte, nagdedeklara na sila ng giyera. At umaasa tayong hindi sa destabilisasyon mauuwi ang word war na ito at sa halip ay maghanap na lang sila ng bagong kandidato sa 2022 na magbabalik ng karisma nila sa susunod na Pangulo.

Iyon ay kung hindi magiging Pangulo si Mayor Sarah.
allanpunglo@gmail.com