GMRC na for adults only

October 25, 2019

NAGTATAKA naman ako kung bakit biglang nawala sa curriculum ang GMRC o Good Manners and Right Conduct na dati naman ay bahagi ng aming edukasyon sa elementarya.  

Pasintabi, walang kinalaman sa isyu natin ang family feud ng mga Barreto, bagama’t puwede nga rin palang may kinalaman.

Isinusulong ngayon sa Kongreso na gawing mandatory sa grade one hanggang grade three ang GMRC para raw maibalik ang mabuting asal ng mga kabataan.

Kung ako ang masusunod, mula grade one hanggang grade 6 ang GMRC subject dahil yan ang formative stage ng mga estudyante.

Pero sa isang banda, palagi kong sinasabi na ang tahanan ang unang paaralan ng ating mga anak. Ang bahay at mga taong gumagalaw sa loob nito ang buhay na asignatura para sa tamang asal ng mga bata.

Totoo ang mga sinasabi ng mga matatanda, ibang klase na ang mga kabataan ngayon. Hindi rin natin maibunton ang sisi sa pagkawala ng GMRC dahil kung mayroon mang unang nawalan ng modo sa usaping ito, iyon ay ang mismong mga magulang din.

Kung magkakaroon tayo ng imbentaryo ng karakter, madidiskubre natin na mas malaki ang impluwensiya ng mga magulang na masama ang ugali sa naging asal ng kanilang mga anak.

Totoong minsan malilito ka, parang chicken and egg theory  na hindi mo malaman kung sino ang mas naunang masama ang ugali, iyong anak ba o iyong parents na nagpalaki sa kanila.

Minsan, maririnig mo, bakit kaya nagkaganyan ang batang yan samantalang napakabait ng mga magulang nyan. Ito iyong normal na ang bata ay naimpluwensiyahan lang nang lumabas sa tahanan.

Pero palagi kong sinasabi, kung matibay ang pundasyon o moog ng kabutihan ng asal ng mga taong gumagalaw sa loob ng bahay, tiyak na tiyak ito, 100% ay  magiging mabuting bata ito at hindi agad matatangay sa sama ng mundo.

Fine tuning o konting hasa na lamang ang GMRC subject para mas maging makinis ang ugali ng isang batang nagmula sa maayos na environment.

Iba rin kasi ang kasanayan ng isang bata na galing sa mabuting kaugalian sa loob ng tahanan kapag isinalang mo pa sa GRMC subject, tiyak na valedictorian sa bait.

Sa basic na lang tayo natin pag-usapan, kung ang mga magulang ay nagtatapon ng basura kung saan-saan, makalat sa bahay, burara sa mga gamit, aasa ba tayo ng isang batang masinop ang kanyang magiging produkto? Puwede rin itong mangyari pero, 1 is to 1 million ang ratio.

Kaya iyong mga nagmamalaki na sila’y millenial at know-everything mentality, huwag nyong paandaran ang mga taong old school na inyong nadadaanan dahil kahit pagsama-samahin pa ang ugali at diskarte nyong lahat, hindi pa rin kayo uubra sa kanila.

Ang mga old school, sa tingin lamang nagkakaintindihan na. Lahat ng krisis, lahat ng hirap na inabot ay naka-survive nang wala pang computer, walang internet, walang mga MRT at walang flat o smart tv. Karuwahe lang buhay na! Kitam, hindi nyo alam kung ano ang karuwahe! Kariton iyon na hatak ng kalabaw or kabayo para makapagbiyahe ng kalakal.

Nakakalungkot nga lang dahil ang modern technology na lamang ang armas ng ibang kabataan kaya hindi na marunong makipag-kapwa tao.

Kaya nga kung gagawing mandatory ang GMRC, puwede bang pakibilisan at kung maari ay maglagay din ng GMRC for adults only para maturuan naman ang mga matatandang wala pinagkatandaan.

Sabi nga, hindi ka makapagtuturo ng mabuting asal kung ikaw mismo ay walanghiyang tao!
allanpunglo@gmail.com