Home>Editorial>Opinion>Go cashless na tayo sa expressways!

Go cashless na tayo sa expressways!

SA ayaw at sa gusto natin, ipapatupad na ng gobyerno ang totohanang cashless at express transaction sa ating mga tollways.

Matagal na nating isinusulong ang ganitong sistema sa ating mga expressway na kadalasan ay nagiging sanhi ng mahaba at matinding pagsisikip ng mga sasakyan dahil palabas at papasok sa Metro Manila ang abutan ng pera at suklian.

Pirmado na ni Transportation Secretary Art Tugade ang kautusan sa lahat ng toll management, toll regulatory office at mga concerned agencies para simulan na ang sistema ng centralized at cashless tollways.

Ibig sabihin, lahat ng ating mga sasakyan ay dapat naka-RFID o Radio Frequency Identification na bago matapos ang taon. Ito iyong sistema na wala kang aabutan ng cash at wala na ring magsusukli sa iyo sa tollbooth maliban sa robotic/mechanized toll bar.

Karaniwan, iyong pagsusukli or palitan ng cash na 15 seconds ay nagdudulot ng hanggang 20 cars na nakabuntot sa iyo sa expressways. Kapag mamalasin ka pa, iyong P54 toll fee, mag-aabot ng P1,000 ang driver, yari ka na sa suklian at bilangan pa lang ng barya.

Kung minsan, may mga estupidong driver na kung kailan nasa tapat na siya ng tollbooth, doon pa lang hahanapin ang kanyang tiket, or worst, doon pa lang maghahanap ng barya na pambayad. Hindi lang ba maisip na ihanda na lahat, exact payment at tiket habang malayo pa. Ok lang kung walang barya pero iyong maghahagilap pa lang ng pera, talagang sasakit ang ulo mo kung ikaw na ang kasunod niya. Daming ganyang ogag sa expressway.

Mukhang ready naman ang Metro Pacific Tollways Corporation or MPTC sa sistemang ito dahil mismong si Rodrigo Franco ng CEO at Pangulo ng kompanya na ang nagbigay ng katiyakang susunod sila sa memorandum ni Sec. Tugade.

Ang MPTC ang namamahala sa North Luzon Expressway, Subic- Clark Expressway at Manila-Cavite-Laguna Expressway.

Tiyak naman na suportado rin ito ng kompanya ni Ramon S. Ang na may hawak naman ng SLEX at mga Skyways.

Kailangan na ng triumvirate unity ng toll corporation, gobyerno at ng publiko kung gusto nating magbago ang pigura ng ating mga expressways. Pinababagal ng primitibong sistema ang ating buhay kaya dapat tayong makiisa na rito kung gusto natin ng maginhawang biyahe.

Lalo na kapag panahon ng holidays gaya ng Christmas season, Undas, Holy Week,summer at long weekend, malaking problema nating lahat ang mga super highways na sobrang sikip pagdating sa mga toll gates.

Hindi naman mahirap magpa-reload ng mga RFID cards ngayon dahil kahit sa 711 at iba pang convenience stores ay puwede na. Siguro isa sa dapat ipatupad din ng toll management ay puwede na ring magkapabit ng mga toll stickers kahit sa mga mall parking para hindi na mag-aabala pang huminto sa highways ang mga gustong magpa-RFID.

Ngayong panahon ng COVID, hindi na rin safe para sa mga driver at toll booth teller na mag-usap or mag-abutan ng sukli.

Go cashless na tayong lahat, mabilis na, ligtas pa!

allanpungl@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV