Gobernador sa Mindanao, nangingikil ng 14%

December 26, 2018

HINDI ko masisi sina Pangulong Duterte at Budget Secretary Ben Diokno kung bakit masyado silang mahigpit sa pagpopondo ng mga proyekto.

Marami kasing pulitiko ang sobrang takaw sa katiwalian  at garapal sa paghingi ng komisyon sa mga project.

Tulad halimbawa ng isang gobernador sa Mindanao na parang lider ng Kuratong Baleleng at Paracale gang bank robbery groups sa pagiging tulisan.

Ayon sa ating source, ginagarapal ni gobernador ang mga nakalinyang bidding sa kanyang nasasakupan kahit na mga national project.

Ang style ni gob, kapag hindi nagbigay sa kanya ng 14% ang mga existing bidder, guguluhin niya ang proseso.

Una, magpapasali siya ng mga kaibigan niyang kontraktor na nagmula pa sa planetang Mars para kausapin siya ng mga legitimate contractor.

Ang mas matindi, ginagamit ni gob ang mga “nasa itaas” para perhuwisyuhin ang mga bidder.

Tinatakot pa ni gob ang mga bidder na ipapa-black list sa kanyang koneksiyon sa DPWH kapag hindi siya binigyan ng 14%.

Dati nang raket ito ni gob kaya maraming kontraktor ang nagbabalak na sagasaan siya ng backhoe kapag nakitang tumatawid sa highway sa Mindanao.

Madaling makilala si gob dahil kung hindi “nasa itaas” ang kanyang bitbit sa name dropping, isasangkalan naman niya ang kanyang tatay sa kanyang extortion activities.

Ang balita natin, si gob ay malapit nang sapakin ni Mayor Sarah dahil nakakarating sa alkalde ang kanyang mga kalokohan.

Sa ngayon, kumakandidato si gob sa ibang posisyon at ito ang ginagamit niya sa pangingikil dahil kailangan daw niya ng campaign funds.

* * *

Ganyan din ang ginagawa ng isang halimaw na kongresman sa Metro Manila naman.

Para lang makadaan sa kanyang lugar ang isang national project, kailangan munang bigyan siya ng P30 milyon ng kontraktor.

Sugapa rin ang kongresman na ito. Kung tutuusin, makikinabang ang kanyang mga kababayan sa road project dahil papadali ang paglabas at pagpasok sa kanilang lugar pero pinahihirapan niya ang kontraktor at ang DPWH para masimulan ang proyekto.

Dahil sa katakawan ni kongresman, nabalam na nang husto ang proyekto na magpapapabilis sana ng kalakalan at transportasyon sa kanilang lugar.

Clue, masarap sapatusin sa mukha si tongresman!
allanpunglo@gmail.com