Golden Wheel Award, iginawad ng Rotary Club kay Sen. Bong Go!

February 10, 2020

TODO paghanga at pasasalamat ang nais iparating ni Bagong Henerasyon (BH) Partylist Rep. Bernadette Herrera kay Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go nang magtalumpati matapos personal na tanggapin ang iginawad na ‘Golden Wheel Award’ ng Rotary International kamakailan.

Si Herrera, district governor ng Rotary International District 3780, ay nagbigay-pugay sa kabaitan at kababaang-loob na ipinakita ni Go sa lahat ng Rotarians at ating mga kababayan.

Isang ‘international service organization,’ ang Rotary ay samahan ng mga negosyante, professional at matatagumpay na indibiduwal na may adhikaing magbigay ng tulong sa mga nangangailangan, kabutihang loob at kapayapaan sa buong mundo.

Iginagawad naman ang Golden Wheel Award sa mga non-Rotarian member na may ganitong uri rin ng layunin, gawain at adbokasiya tulad ng bagitong senador. Si Rotary Club of Sta. Mesa Lt. Gov. Robert Nazal ang nag-nominate kay Go para sa naturang parangal na pinagtibay ng buong Rotary International District 3780.

“Aside from his charm that made us all awake and smile, the senator was able to update us on what he has been doing in the Upper Chamber, including the progress of some of his priority measures,” ani Herrera.

Aniya, isa si Go sa mga produktibong miyembro ngayon sa Mataas na Kapulungan na ang lahat ng isinusumiteng panukalang batas ay tunay na malaking tulong sa mga kababayan nating mahihirap.

“Senator Go is one of the best and rare examples of individuals who value “service above self.”

Inihalimbawa ng magandang kongresista ang Malasakit Center Act ni Go na tunay na malaking tulong sa mga salat nating kababayan na maysakit.

Ang Malasakit Center Program ay nag-aatas sa lahat ng hospital na nasa ilalim ng Department of Health na magkaroon ng ‘one-stop shop’ o iisang lugar at magkakalapit na ‘assistant desk’ ng DSWD, PhilHealth, PCSO at DoH. May 73 Malasakit Center na ngayon sa Pilipinas at patuloy pa itong pararamihin sa mga darating na araw sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Senator Go is no doubt an epitome of an Action Man, ready and willing to serve, inside or outside the legislature building. He doesn’t promise, he delivers,” dagdag pa ni Herrera.

Sa kanyang talumpati, inamin ni Go na ‘nahihiya’ siyang tumanggap ng ‘ganoong uri’ ng parangal  dahil ginagawa lamang niya ang trabaho bilang isang tunay na public servant.

Mahigit 20 taon siyang nakasama ng Pangulong Duterte simula nang alkalde pa lamang ito sa Davao City.

“From being a relatively unknown individual serving a city mayor, I was thrust into a position of serving the country’s most powerful leader and our beloved nation,” he said, adding that he now has greater responsibilities to fulfill as senator of the republic,” ani Go sabay sabing siya na rin ang boses ngayon ng mga kababayan sa Senado.

Bukod sa Malasakit Center Act, isinusulong na rin ni Go ang pagbuo sa bagong  Department of Disaster Resilience,  Department for Filipinos Overseas, ang Solo Parents Welfare Act, at  siyempre ang walang humpay na paglaban sa ipinagbabawal na gamot, kriminalidad at korapsiyon sa pamahalaan.

“Gusto naming hindi na maging problema ang pagpapagamot ng mga mahihirap. Gusto naming labanan ang droga, korapsyon at kriminalidad. Gusto naming mabigyan ng magandang kinabukasan ang susunod na henerasyon,” he said.

Hinikayat ng senador ang mga Rotarians na wag magsawang tumulong at wag magsayang ng sandali upang kalingain ang mga kababayang nangangailangan ng tulong.

“Meron lang akong gustong sabihin, English po nakasulat sa aking speech pero tatagalugin ko po ito. Minsan lang tayo dadaan sa mundong ito kung ano pong kabutihan o tulong ang ibibigay natin sa ating kapwa tao gawin na natin ngayon dahil hindi na po tayo babalik sa mundong ito,” sabi pa niya.

Sa pagbibigay parangal kay Go, muli kong naisip na dapat talaga ay itigil muna ang pamumulitika at sa halip ay unahin na lamang ang pagtulong sa mga nangangailangan nating kababayan saka mag-ambag ng makabuluhang gawain para sa ikauunlad ng bayan.