Home>Editorial>Opinion>Good job IATF and task force COVID shield!

Good job IATF and task force COVID shield!

PITONG buwan na tayong sumailalim sa ‘community quarantine’ likha ng pandemyang COVID-19.

Totoo, noong una’y maraming nagrereklamo dahil sa biglaang pagbabago sa ating pamumuhay – labas pa ang tunay na katotohanang mas marami ngayon ang hirap sa buhay.

Madalas, puro atake at batikos ang nakukuha ng pamahalaan dahil sa palpak umano nilang paghawak sa sitwasyon.

Pero kung nanamnamin nating mabuti, kahanga-hanga ang hirap, pagod, trabaho at sakripisyo ng mga namumuno sa pamahalaan, partikular na ang mga bumubuo ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases at siyempre ang Task Force COVID Shield na pinamumunuan ni Philippine National Police (PNP) deputy chief for operations Maj. Gen. Guillermo ‘Guilor’ Eleazar.

Dakila ang ginagawa nilang pakikipagsagupa sa COVD-19 na inilalagay sa panganib hindi lamang ang kanilang personal na kalusugan kundi kapakanan na rin ng kani-kanilang pamilya dahil posibleng sa bawat pag-uwi nila sa kanilang tahanan ay bitbit na rin nila ang mapamuksang coronavirus.

Wala pa tayong nakikitang liwanag kung kalian matatapos ang delubyo ng COVID-19.

Hangga’t walang bakuna, ang buong mundo ay nananatiling nasa panganib dahil sa pesteng virus.

Pero ngayon pa lang, maigting ang ating pagsaludo sa lahat ng frontliners. Mula sa doktor, nurse, medtech, iba’t ibang hospital workers, teller sa bangko, mga nagtatrabaho sa palengke’t grocery, media at iba pang tinatawag na ‘essential workers’ ng bansa.

Pulutong na pagpupugay din ang dapat nating ibigay sa mga namumuno ng IATF sa pangunguna nina Defense Sec. Delfin Lorenzana, Chief Implementor Carlito Galvez; DILG Sec. Eduardo Ano; ang masipag at articulate na si Sec. Vince Dizon ng BCDA, lahat ng Cabinet secretaries, at siyempre pati ang mga miyembro ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Diinan natin ang papuri sa ating kapulisan at kasundaluhan. Lalo na kay Gen. Eleazar na hindi natin alam kung natutulog pa ba ito sa gabi dahil kahit hatinggabi, personal itong nag-iinspeksiyon sa lahat ng checkpoints.

Lahat ng panayam sa media ay pinaunlakan nito – umaga, tanghali at gabi — maipabatid lamang ang mahahalagang impormasyon na dapat malaman ng ating mga kababayan.

Mabuti na lang at hindi nagkakasakit ang napakasipag na heneral!

Marami na tayong nakakausap na sundalo at pulis. Bukod sa pagmamahal sa bayan at siyempre ang sinumpaang tungkulin, isa sa pinaghuhugutan nila ng inspirasyon ay ang ipinapakitang dedikasyon sa trabaho ni Gen. Eleazar.

Kaya para sa kanila, masarap namnamin ang hirap ng kanilang trabaho dahil mayroong isang matinong opisyal na nagtitimon ng tunay na malasakit sa bayan.

Sa pinaka-latest na datus ng PNP website kahapon ng umaga, umabot na sa 6,408 ang pulis na tinamaan ng COVID-19. Ang aktibo sa bilang na ito ay 755; 20 na ang namamatay at 5,633 naman ang nakarekober.

Dahil sa ipinakitang performance ng IATF at Task Force COVID Shield, naniniwala tayong malaking kontribusyon kaya lalo pang tumaas ang approval at trust ratings ng Pangulong Duterte dahil kahit may pandemiko, nasa tamang daan ang paghawak ng pamahalaan sa mapanganib na sitwasyon.

Sa pinakahuling Pulse Asia Survey, ang dating 87 percent na approval ratings noong nagdaang Disyembre ay naging 91 percent pa ngayon. Ang dating December trust ratings na 83 percent ay 91 percent din ngayon.

Patunay na kahit punung-puno ng reklamo’t anomalya sa Department of Health at Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth), natatabunan ito ng maayos na trabaho ng IATF at Task Force COVID Shield.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large