Good Manners and Right Conduct (GMRC)

HINDI lang mga kabataang estudyante ang dapat matuto ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education Act kundi mga magulang na rin mismo.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, base sa niratipikahan ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso, makakatulong ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang, gayundin  maging ang komunidad sa pagtuturo sa GMRC at Values Education.

“Hindi natin pwedeng iwan rin lang ito sa ating mga guro at eskwelahan, kasama po ang komunidad at mga magulang,” sabi ni Gatchalian.

Iginiit nito na kumilos ang mga mambabatas na ibalik ang GMRC bunsod ng paglabnaw nito at ito ay naihalo sa ibang subjects sa eskuwelahan na hindi  nabigyan ng gaanong importansya sa pagtuturo.

“Ngayon kasi, sa dami ng impluwensyang natatanggap ng isang bata, lalo na sa social media, nakaaapekto ito sa asal at pag-uugali ng ating mga kabataan. Minabuti ng ating mga mambabatas na ibalik ito at gawing core subject sa ating basic education, sa elementary at high school,” aniya pa.

Sinasabing ngayong darating na pasukan ay mag-uumpisa nang isama sa curriculum ang GMRC sa mga kindergarten hanggang Grade 6 na dating itinuturo sa paaralan.

Habang mula sa Grades 7 hanggang Grade 10, ay palalawigin ito sa values education at pagdating naman sa Grades 11 and 12, ito naman ay ihahalo sa ibang subjects dahil ang bata ay may sapat nang kaisipan.

“Importante ring matuto sa ating mga kabataan ang tinatawag nating values kung paano maging mabuting mamamayan, kung paano mahalin ang ating bansa at yung iba’t iba pang values gaya ng pagmamahal, respeto sa kapwa at nasyonalismo,” dagdag ng senador.

Sa ganang akin, tama ang punto ni Gatchalian.

Ang GMRC at tamang pag-uugali ng bawat kabataan ay hindi lamang dapat ipanday sa bawat eskuwelahan. Sa halip, maraming aspetong dapat ikonsidera upang maging epektibo itong maituro sa bawat mag-aaral.

Umpisa sa ating mga tahanan, ituturo ng mga magulang at ilang nakatatanda sa loob ng bahay ang tamang asal, mula sa pagrespeto sa matatanda, sa kapwa at kahit na rin sa mga alagang hayop.

Ika ‘nga sa matandang kasabihan na “ang mga maling nakikitang ginagawa ng matatanda ay nagiging tama sa mata ng mga bata.”

Mahalagang magpakita ng magandang halimbawa ang bawat magulang at malaking bagay ding sila ang magturo ng tamang asal at pag-uugali.

Kasabay ng pagtuturo rito ay ang pagpapalakas sa paniniwalang espirituwal na dapat ay sama-samang gawin ng isang buong pamilya.

Malaking tungkulin din ang dapat ibigay ng komunidad dahil alam nating lahat na malaking impluwensiya ang mga nakikitang kaganapan sa ating paligid, kapitbahay at mundong ginagalawan.

Maging ang paglilinis sa ating kapaligiran, pagtatapon ng tama sa bawat basurahan at pag-respeto sa mga alituntuning pambarangay ay bahagi ng tinatawag na GMRC dahil dito makikita kung paano mahuhubog sa kabataan ang pagdisiplina sa sarili.

Inaaayos na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) sa pagbabalik ng GMRC at umaasa tayong sakaling maipatupad sa lalong madaling panahon ay makatulong ito sa paghubog ng mabuting kaisipan at pag-uugali ng ating kabataan.

Lalo’t nasa henerasyon na tayo ng social media ngayon na kahit ang masasamang salita – Ingles o Tagalog man – ay pangkaraniwan na ring naririnig at napapanood ng ating mga kabataan.

At sa bawat oras at panahon, napakahalaga ang mabuting gabay ng bawat magulang!