Good move, Police Regional Office-4A chief Gen. Ted Carranza!

NAGLABAS ng pahayag si Police Regional Office (PRO) 4-A director Chief Supt. Edward ‘Ted’ Carranza para sa pamilya ni Richard Santillan at Gessamyn Casing na kapwa napatay sa legitimate police operation noong Disyembre 10 ng nakalipas na taon.

Ang pahayag ay para hikayatin ang pamilya’t abogado ng mga ito na sumali sa isinasagawang imbestigasyon ng Regional Internal Affairs Service ng Region 4-A upang matiyak na walang bahid dungis ang isinasagawang imbestigasyon kung nagkaroon ba ng ‘excessive use of force’ sa pagkamatay ni Santillan at umano’y girlfriend nitong si Casing.

Tiniyak ni Carranza na walang magaganap na ‘whitewash’ sa imbestigasyon at hindi sila makikialam sa hiwalay na probe, lalo’t binigyang-diin ng opisyal na hindi siya mangingiming disiplinahin ang mga pulis sakaling mapatunayang nagmalabis ang mga ito sa tungkulin.

“I invite the family of Mr. Richard Santillan and Ms. Gessamyn Casing, including their respective counsels to participate in the investigation being conducted by the Regional Internal Affairs Service 4A. This police unit is an independent investigating body which has the motu propio power to determine if there were violations committed during the incident by our operatives,”  ani Carranza sa text message na ipinadala nito sa media.

“RIAS is currently in the process of summary dismissal proceedings, identifying liabilities and determining the pieces of evidence that will warrant the filing of criminal or administrative charges if proven that there was indeed negligence on the part of our policemen. In the spirit of transparency and cooperation, I encourage their families to join us,” sabi pa ni Ted.

Sa ganang akin, magandang move ito para sa heneral.

Patunay ito na walang itinatago ang kanilang tanggapan hinggil sa nasabing operasyon na pilit binibigyang kulay ng ilan.

Si Santillan ay walong taon nang bodyguard ni Atty. Glen Chong, isang election lawyer na kumakandidato ngayon sa pagka-senador.

Ani Chong, sinadyang patayin si Santillan dahil sila ang nasa likod ng pagsiwalat sa umano’y malaganap na dayaan noong 2016 presidential elections likha ng Smartmatic.

Ang ganito kabigat na akusasyon ay nangangailangan din ng mabigat na ebidensiya.

Hindi natin masisisi kung sobra ang pagmamahal ni Chong kay  Santillan. Kahit sino sa atin ay magluluksa kung mawalan ng minamahal.

Kaya nga bilang pagpapakita ng matinding pagkadismaya sa nangyaring police operation, kabi-kabila ang inilalabas sa social media ni Chong.

Karapatan ito ng abogado at taong bayan na ang huhusga kung papaniwalaan ba siya o hindi.

Dahil kandidato si Chong sa pagka-senador ngayon, hindi malayong marami sa atin ang nagdududa na maaaring nagagamit nito ang Santillan case para mapag-usapan siya sa social media -- bagay na dapat timbangin ng abogado kung totoo ito o hindi.

Sa mga social media post ni Chong, masyadong maganda ang pagkakagawa nito. Animo’y gumamit pa ito ng ‘production staff’ para maging malinis ang delivery ng kanyang ‘video,’ bagay na mga professional ‘technical staff’ lamang ang makagagawa.

Sa ginawang paghikayat ni Carranza sa pamilya nina Santillan, magandang simula  ito upang magkaroon ng ‘tamang forum’ na bubusisi kung nagkaroon ba ng iregularidad sa police operation.

Bilang abogado, alam ni Chong na ang isang pormal na imbestigasyon lamang ang tamang lugar para mabusisi ang lahat ng kanilang karaingan.

Sa panahon ngayon na maraming ‘fake news’ ang naglalabasan sa social media, ang isinasagawang imbestigasyon ng RIAS ang matatawag naging ‘credible’ para makalkal ang puno’t dulo ng Santillan case.

Ang pagsali ng kanilang pamilya ay pagpapakita rin na desidido silang magkaroon ng hustisya. Kung duda naman ang pamilya ni Santillan sa nasabing imbestigasyon, mahalagang magsampa na sila ng pormal na reklamo laban sa pulisya upang mawala ang agam-agam na ‘pinagsasamantalahan’ ni Chong ang Santillan case para magamit niya sa ‘libreng pangangampanya.’

Hanggang sa kasalukuyan, nanindigan  ang Rizal Police Provincial Office na lehitimo ang kanilang isinagawang operasyon. Nanlaban umano sina Santillan kaya napilitan ang mga alagad ng batas na sila’y paputukan matapos tumakas sa ikinasang police checkpoint sa Westbank Floodway, Bgy. San Andres, Cainta, Rizal.

Nabatid na ang Toyota Fortuner (NOF 845) na minamaneho ni Santillan ay pag-aari umano ni Chong. Tatlong taon itong hindi nakarehistro na siya rin sanang gagamiting dahilan ng pulisya upang parahin sila ng ating kapulisan.

Ngunit sa halip tumigil, tumakas papalayo sina Santillan hanggang sa manlaban nang makorner ng mga kagawad ng pulisya, ayon na rin sa inisyal  report ng PRO-4A.

Maaaring hindi direktang sangkot si Santillan, pero sinisiguro ng kapulisan na ang ‘alleged girlfriend’ nito na si Casing ay miyembro ng tinatawag na Highway Boys na pasimuno ng highway robbery at drug trafficking, hindi lamang sa lalawigan ng Rizal kundi gayundin sa Pasig, Marikina at Bulacan province.

Ang kanilang pinuno ay si Barry na nakatakas nang mangyari ang operasyon.

Congrats chief  PNP at NCRPO chief

Habol ko na rin ang pagbati at papuri sa tambalan nina PNP chief Director General Oscar Albayalde at NCRPO chief Director Guillermo Eleazar.

Naging mapayapa kasi ang nakalipas na Traslacion sa Poong Nazareno na tumagal ng 21 oras.

Tulad ng dati, security nightmare ito sa ‘intel community’ dahil kahit saan at kahit kailan, nakaamba ang banta ng terorismo.

Saludo tayo sa galing, husay, sipag nina Albayalde at Eleazar. Siyempre, hindi rin magiging matagumpay ito kung wala ang mahusay na koordinasyon ng buong puwersa ng NCRPO, gayundin ang ilang tulong mula sa Philippine Army, Philippine Coast Guard, Metro Manila Development Authority (MMDA), Bureau of Fire Protection, Philippine Red Cross at iba pang volunteers.

Muli, congratulations Chief Oca and Gen. Eleazar!