‘Good work,’ Department of the Interior and Local Government-Philippine National Police!

January 04, 2019

SA ganang atin, nararapat lang ang mga “papuri” na “inaani” ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng liderato ni Chief PNP, Oscar ‘Oca’ Albayalde.

Bagaman nga totoong marami pa ring ‘internal problem’ ang PNP, partikular na sa isyu ng korapsyon, ‘incompetence’ at mga ‘police scalawag’ at ‘Ninja cops’ na patuloy na sumisira sa mga isinusulong na reporma ng liderato ni Chief PNP Oca, hindi rin naman dapat isantabi ang magagandang ‘accomplishments’ ngayon ng PNP, tama ba kasamang Non Alquitran?

Una na rito ang “mapayapang pagdiriwang” nating lahat ng Pasko at Bagong Taon (maliban na lang sa trahedyang dulot ng bagyong ‘Usman’ at ang isang insidente ng ‘bombing’ sa Mindanao). Kumbaga, ‘generally peaceful’ ang ating naging selebrasyon, hindi ba, mga kabayan?

Partikular sa ‘Metro Manila’ na siyang ‘barometer’ ng ‘peace and order situation’ ng ating bansa, wala nang nagulat sa ulat ni NCRPO director, Guillermo Eleazar na patuloy ang “pagbagsak” ng insidente ng krimen sa Metro Manila.

Translation? Nakatutulong ito upang bigyan ng positibong imahe ang ‘Pinas sa labas ng bansa, ganun yun, mga kabayan.

At siyempre, ang higit na “nagpabango” ngayon sa PNP sa ating mga kababayan ay ang “mabilis” na pagkaresolba sa kaso ng pamamaslang noong Disyembre 22, 2018, kay Ako Bicol partylist representative, Rodel Batocabe.

Kung “susumahin,” mga kabayan, hindi umabot nang 10 araw ang isinagawang imbestigasyon ng PNP sa kaso ng pamamaslang kay Batocabe bago nila ito ganap na nalutas kung saan ang lumabas ngang ‘mastermind’ ay itong si Daraga, Albay mayor, Carlwyn Baldo.

Translation pa ulit mga kabayan? Habang lahat tayo ay abala sa ating mga personal na gawain at sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, may mga operatiba ang PNP na “isinakripisyo” ang kani-kanilang mga ‘personal affairs’ para sa interes ng hustisya.

At gusto nating maniwala na ginawa nila ito hindi dahil umabot sa P50 milyon ang ‘reward money’ na inialok ni Pang. Digong at nang mga kasamahan ng mambabatas sa Kongreso.

Bagkus, mas gusto nating paniwalaan na ang mabilisang aksyon, ayon pa nga kay Chief PNP Oca, ay upang “patunayan” ang muling pag-iral ng ‘rule of law’ sa ating lipunan, tama ba, mga kabayan?

At siyempre pa rin, kung mayroon pang dapat pasalamatan sa patuloy na gumagandang imahe ng PNP, walang iba kundi itong ating kaibigan, si DILG secretary, Eduardo Año, sino pa ba?

Bagaman nga hindi mahilig “magpapogi” sa media si Sec. Ed, ang “resulta” ng kanyang mga naging aksyon at desisyon, kasama na ang kanyang ‘exemplary leadership’ ang dapat maging “panuntunan” ng madla kung bakit sa loob lang ng isang taon niyang pamumuno ngayon sa DILG, “nadarama”at “nakikita” na nating lahat ang mga positibong pagbabago sa mga ahensiyang nasa ilalim nito, partikular na sa PNP. At bakit naman hindi magiging “inspirado” ang PNP sa paggampan ng mga trabaho nito sa kasalukuyang administrasyon samantalang palaging nakasuporta sa kanila si Sec. Ed, aber?

Pansinin na sa nangyaring pang-aabuso ng pamilya Garin sa isang pulis sa Iloilo City kamakailan, hindi nag-aksaya ng panahon si Sec. Ed sa pagkastigo sa kanila at pagtitiyak na masampahan sila ng mga kaukulang kasong kriminal. At kasehodang ‘powerful and influential political family’ ang mga Garin!

Kumbaga, sino bang pulis ang hindi “magsisipag” sa trabaho kung “alam” nila na ‘all the way’ ang suporta sa kanila ng kanilang, “boss” ang kalihim ng DILG -- basta siyempre “tama” ang kanilang ginagawa!

Pansinin na “kung” nangyari ang pang-aabuso ni Cong. Richard Garin at ng kanyang erpat, si Guimbal mayor, Oscar Garin, dito kay PO3 Federico Macaya sa administrasyon ng mga Dilawan, walang dapat magtaka kung “ngising aso” pa ngayon ang mga ito, hihihi, ayy, huhuhu!

Sa dalawang nabanggit na insidenteng tinalakay natin mga kabayan, “malinaw pa sa sikat ng araw” ang “mensahe” ni Sec. Ano sa ating lahat -- “tapos” na ang panahon ng pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan, partikular sa hanay ng mga mayor, gubernador at mga kongressman, kaya, yeheyy!

Kaya, sa mga “nananawagan” para naman sa “hustisya” dito kay Richard ‘Red’ Santillan na pinaslang ng mga pulis-Calabarzon sa ilalim ni RD Ed Carranza noong Disyembre 10, huwag “masiraan ng loob,” hane?

Naniniwala kasi tayong wala na talagang lugar ngayon sa DILG at PNP ang mga abusado at kriminal sa loob ng gobyerno.

Abangan!!!