Guanzon, kinalampag sa poll protest sa Maguindanao

February 27, 2020

UMAAPELA sa Commission on Elections si Mayor Alfizzar Angas na mag-isyu ng desisyon sa election protest na inihain ng kanilang kalaban at natalong mayoralty candidate noong May 2019 polls.

Sa radio interview, sinabi ni Mayor Alfizzar Angas na nalilito na ang kanilang mga kababayan  sa Sultan sa Barongis sa nilikhang kontrobersya ng inihaing protesta ni dating Maguindanao Board Member Mamatanto Mamantal.

Si Mamantal ay naunang kinatigan ng regional trial court sa kinukuwestyong 2,080 boto sa dalawang barangay doon.

Kinontra  ito ng mga abogado ni  Angas at humirit ng Temporary Restraining Order sa Comelec noong December 2019.

Nitong Feb. 18, 2020, nagtapos na ang ibinigay ng Comelec na 60-araw  injunction sa inisyung writ of execution ng korte.

Si Mayor Angas, ang nanalong vice-mayor noong May elections.  Noong nakaraang taon lamang siya humalili bilang alkalde nang yumao ang tiyuhing si Mayor Ramdatu Angas dahil sa malubhang karamdaman.

Ang alkalde ngayon ay 27-taong gulang pa lamang at kung bibilangin ang kanyang edad nang mangyari ang malagim na Maguindanao massacre noong November 23, 2009; ay 17-anyos pa lamang siya.

Sinabi nito na kahit isa sa kanyang mga kaanak ay walang nasangkot sa naturang masaker.

Umaasa si Mayor Alfizzar na reresolbahin ni Comelec First Division head Comm. Rowena Guanzon ang nasabing usapin.

“Sana po maresolba na agad ni Comm. Guanzon sa lalong madaling panahon ang kaso dahil ang naapektuhan po ay ang mga residente ng Sultan sa Barongis. Nalilito po ang taumbayan sa inisyung writ of execution ng korte na hinarang ng TRO. Pero nagtapos na po ang TRO ay wala pang desisyon hanggang ngayon,’” dagdag ni Mayor Angas

Sinabi naman ni Atty. Ronald Torres, abogado ni Mayor Angas, umaasa sila na papanig si Guanzon sa katotohanan base sa merito ng kaso.

Sa ginanap na hearing nitong Enero, labis umanong napahiya si Mayor Angas sa di inaasahang tanong ni Comm. Guanzon na  umanoy wala namang kinalaman sa election protest.

Tinanong kasi ni Guanzon kung sangkot ang alkalde sa second wave ng mga suspek sa Maguindanao massacre na nangyari noong Nov. 23, 2009.

Giit ni Angas, wala syang kinalaman dito dahil 17-anyos pa lang sya noon at nag-aaral pa siya sa Far Eastern University (FEU) sa Manila nang mangyari ang karumal- dumal na krimen.

Dahil dito, umaasa ang kampo ni Mayor Angas na maging mabilis, resonable at matalino base sa merito ang ilalabas na desisyon ng tanggapan ni Guanzon.

At hangga’t walang inilalabas na pinal na desisyon ang Comelec, ang mamamayan sa bayan ng Sultan sa Barongis, Mindanao ang labis na naaapektuhan.