Home>Editorial>Opinion>Guidance counselling sa bawat paaralan palakasin

Guidance counselling sa bawat paaralan palakasin

IBA na raw ang ugali ng kabataan ngayon na madalas na naiuugnay sa makabagong teknolohiya o mga aktibidad o programang nakikita sa internet o sa iba’t ibang social media platform.

Napakadali raw maimpluwensyahan ang kabataan ngayon at sadyang marami ang nagsasabi na mahirap na raw intindihan ang kanilang mga pag-uugali.

Napakalaking papel ang ginagampanan hindi lamang ng mga magulang at guro sa paghubog sa kabataan kundi ang mga counselors o mga adviser o di kaya ang iba pang opisyal sa paaralaan na pinagkakatiwalaan ng kabataan.

Noon kapag pinatawag ang isang estudyante sa guidance alam nang may kakaharapin itong parusa dahil sa kalokohang ginawa.

Pero ngayon, tila hindi na nagiging matunog ang guidance counselor sa mga paaralan.

Ito ay dahil maraming paaralan ang halos hindi na rin kumukuha ng bukod na guidance counselor dahil wala rin ang nagnanais na pumasok.

Dahil dito, isinusulong ni Senador Lito Lapid ang panukala para sa pagbuo ng sapat na plantilla position para sa mga guidance counselor sa elementary at high school.

Sa paghahain ng Senate Bill 1067, ipinaalala ni Lapid na mahalaga ang guidance and counseling sa holistic development ng isang mag-aaral upang makayanang harapin ang anumang sitwasyon at pagsubok.

Sinabi ni Lapid sa kanyang explanatory note na nahihirapan din ang Department of Education sa pagkuha ng mga guidance counselors dahil sa mababang pasweldo.

Sa panukala ng senador, iginiit ang pagtatakda ng sapat na plantilla positions sa DepEd para sa guidance counselors at iba pang guidance-related personnel at pagtaaas na pa ng kanilang basic salaries bukod sa mga insentibo.

The DepEd, in consultation with the Department of Budget and Management, shall ensure that there is sufficiennt number of plantilla positions for guidance counselors in every public elementary and high schools,” pahayag ni Lapid sa panukala.

Iginiit ni Lapid na dapat matugunan ang recommended ratio na isang guidance counselor para sa bawat 200 estudyante sa public elementary at high school.

Ipinapanukala rin na mula sa Salary Grade 11 ay itataas sa Salary Grace 16 ang katumbas na sahod ng Guidance Counselor 1 at ang pinakamataas na posisyon na Guidance Service Specialist IV na may Salary Grade 22 ay itataas sa Salary Grade 23.

Nakasaad sa panukala na ang pondong kinakailangan sa pagpapatupad ng mga probisyon ay magmumula sa savings ng DepEd sa unang taon ng implementasyon habang sa mga susunod na taon ay kukunin sa General Appropriations Act.

Tandaan na sa bawat henerasyon ay sadyang naiiba ang paniniwala, kaugalian at maging ang pag-aasal ng bawat isa kaya naman napakahalaga na may gagabay sa ating mga kabataan hindi lamang upang magkaroon sila ng maayos na kaalaman kundi upang maging matatag sila sa bawat pagsubok na daraanan.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large