Home>Editorial>Opinion>‘Hamon’ kay Speaker

‘Hamon’ kay Speaker

HINDI pa man “umiinit ang pag-upo” ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang ‘Speaker’ ng Kamara, ay nagsusulputan na ang kaliwa’t kanang isyu na dapat niyang harapin bilang lider ng Kongreso.

Sa mas kagyat, nagmamasid ang kanyang mga kababayan sa Marinduque kung anong agarang tulong ang maibibigay niya, partikular sa pagkumpuni ng mga nasirang imprastraktura sa probinsiya.

Kung hindi pa kasi alam ng mga miron, matindi rin ang ginawang pinsala ng bagyong ‘Rolly’ sa Marinduque at bilang pinakamataas na opisyal ng gobyerno, “nakatingala” siyempre kay Speaker Lord ang kanyang mga kababayan kung gaano kabilis ang kanyang “responde.”

Abangan at bantayan natin ang susunod na kabanata, mga kabayan.

Ang isa pa ay ang hamon kay Speaker Lord ng mga dating komunista na kumilos naman siya upang “imbestigahan” ang ‘Makabayan Bloc’ sa Kongreso sa kanilang kaugnayan sa CPP-NPA-NDFP, na opisyal na idineklara bilang mga “teroristang grupo.”

Ayon pa kay Jeffrey “Ka Eric” Celis, dating kadre ng CPP-NPA na “lumutang” sa publiko noong isang linggo, panahon na upang hubaran ang tunay na pagkatao ng mga kasapi ng Makabayan Bloc.

Ayon kay Celis, handa siya at ang kanyang mga kasamahan na dating kadre ng CPP-NPA na sabihin ang buong katotohanan tungkol sa pagiging umano’y miyembro ng kilusang komunista nina Makabayan Bloc members, Reps. Ferdie Gaite, Eufemia Cullamat, Carlos Zarate, Sarah Elago, Arlene Brosas at France Castro.

Speaker Lord Allan Velasco, I request, we request, let’s suspend the rules in Congress and we will face them—face to face without parliamentary restrictions, and let us speak to the nation through your Congress, through our Congress,” ani Celis.

Inakusahan pa ni Celis ang naturang mga kongresista na ginagamit ang pera ng bayan para isulong ang kanilang mga adhikain na laban sa bayan at laban sa mga iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Hindi ko alam kung tama ako Speaker Velasco, Sir, every Congressman o Congresswoman tumatanggap ‘yan ng P68 million na budget every year.

It is a budget for your consultants, office, sahod, at iba pa. And yet, we are paying them inside Congress to do nothing but to attack, malign, and subvert the authority of the government and bastardize the democratic institutions like the Congress that we have,” giit pa ni Celis.

Hmm. Ano kaya ang gagawin ni Velasco tungkol dito?

Papatulan ba niya ang panawagan o mananahimik na lamang siya?

Kunsabagay nga, nakuha pang depensahan ni Velasco ang Makabayan Bloc mula sa sinasabing “red-tagging” ni Lieutenant General Antonio Parlade Jr., tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Nanindigan pa si Velasco na hindi dapat bumabanat si Parlade laban sa Makabayan Bloc kung wala naman itong ebidensya, at kung meron man dapat ay dalhin niya ito sa korte at doon magreklamo. Responsibilidad daw niya na pangalagaan ang karapatan ng mga miyembro ng Kamara.

Teka lang, nakakalimutan na ba ni Velasco na mismong si Pangulong Duterte ang nagtatag ng NTF-ELCAC kung saan kasapi, hindi lang si Gen. Parlade, bagkus, maging siya, na isang mataas na lider ng gobyerno.

At ano kaya ang ibig sabihin ng pagtatanggol niya sa Makabayan Bloc at naisip na rin ba niya kung ano ang magiging reaksyon ng Malakanyang sa ginagawa niya?

Naku po! Ang daming katanungan ngayon na dapat sagutin ni Velasco.

Abangan natin ang susunod na kabanata. Dito natin malalaman kung paano haharapin ng Kamara ang mga maiinit na isyu na kanilang hinaharap sa ngayon.

Publication Source :    People's Tonight