Home>Editorial>Opinion>Hamon sa DENR, gibain ang obstruction sa mga waterways, now na!

Hamon sa DENR, gibain ang obstruction sa mga waterways, now na!

BINAHA na naman ang malaking bahagi ng Metro Manila at mga karatig lalawigan dahil sa bagyong Ulysses.

Alam nating lahat ang natural overflow ng ating mga dam at ng ating mga ilog ay walang ibang pupuntahan ang tubig kung hindi ang kapatagan. Maraming lugar ang hindi naman dati binabaha pero lumulubog na sa tubig sa tuwing umuulan.

Sabihin na nating iyong volume ng ulan ni Ulysses at ni Ondoy ay halos magkasindami. Babalik pa rin tayo sa tanong kung bakit masyadong malawak ang pagbabaha.

Noong unang taon ni Presidente Duterte, ang natatandaan ko ay nagpaimbentaryo siya ng mga waterways. Ibig sabihin, tingnan kung anong mga istraktura ang nakapatong o nakaharang sa natural waterways, lalo na dito sa Metro Manila.

Hindi ko alam kung bakit natigil ang programang ito gayong napakaganda nito bilang unang hakbang sa paglutas sa problema ng pagbabaha.

Bakit naman hindi tayo babahain, hindi na natin kailangang maging taga-DENR para malaman na maraming waterways ang nabarahan na ng mga building, mga malls, mga barangay halls, mga private homes at mismong mga condominium development.

Huwag na tayong lumayo, itanong nga natin sa DENR at sa Marikina local government kung bakit may mga poste ng SM ang pinayagang nakapatong sa mismong Marikina River. Hindi ang kasalukuyang local government ng Marikina ang ating tinutukoy, iyong mga dating naupo dyan.

Hindi ba’t sa batas, bawal ang kahit anong obstruction sa mga daanan ng tubig? Paano sila nabigyan ng building permit? Paano sila nabigyan ng environmental clearance ng DENR? Hindi ba’t magandang itanong sa kanila yan?

Diyan din sa Congressional Avenue sa Quezon City, iyong structure ng isang educational institution, nakapatong sa waterway na nagiging sanhi ng mabagal na takbo ng tubig sa mga creek tuwing umuulan.

May isa na namang itinatayong high rise condo sa Congressional din malapit sa National Bookstore, nagising na lang tayo may boardup na ng condo at nawala na ang tulay na ang ilalim ay ilog na tagusan sa Tullahan River.

Itatanong ulit natin sa dating pamunuan ng Quezon City government at sa DENR kung paanong nabigyan ng building permit at ECC ang istraktura na iyon kahit nakapatong sa ilog at tinakpan ng kanilang karatula ang tulay? Malaking hamon ito kay Mayor Joy Belmonte na itama ang kapabayaan ng dating pamahalaan.

Maraming ganyang kaso sa Metro Manila na ang sanhi lamang ay nakapikit ang mga ahensiya at mga lokal na pamahalaan na dapat ay nagbabantay sa mga gumagahasa sa ating mga natural resources and natural waterways.

Hindi natin masisi si President Duterte kung bakit biglang natigil ang programang pag-imbentaryo sa ating mga katubigan dahil sa dami ng problema ng bansa. Pero ano pa ang silbi ng DENR at mga lokal na pamahalaan kung ang lahat ng kilos para protektahan ang bayan ay magmumula pa sa Palasyo ng Malacanang?

Kahit gaano pang flood control project ang gawin ng DPWH ay magpapatuloy ang pagbabaha sa malaking bahagi ng Metro Manila kung hindi natin gigibain ang mga structures na nakapatong or nakaharang sa mga natural na daluyan ng tubig.

Paging DENR Secretary Roy Cimatu, iparamdam nyo naman sa amin ang inyong bangis sa pamamagitan ng pagdemolish sa lahat ng mga bumara at nagpasikip sa ating mga ilog. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV