Hataw ng sinturon

TRADISYONAL sa pamilyang Pilipino ang “sinturon” na siyang bahagi ng pagdidisiplina sa mga bata.

Ang paggamit ni Pangulong Duterte ng veto power sa “Anti-Palo Bill” ay angkop para sa ating populasyon. Maraming nagsasabi na mas mabuting pagsabihan na lamang ang mga salbaheng bata kaysa paluin.

Puwede talaga ang ganito kaya lamang hindi aplikable sa lahat ng uri ng bata. Ang general rule, karamihan sa mga batang hindi napapalo ay mas malaki ang tiyansang maging sutil, maging mapang-bully, maging masama ang ugali.

Ang pagpalo ay isang paraan ng pagtuwid sa mga baluktot na ugali ng bata. Kung halimbawang ang anak mo ay nananakit ng kanyang kapwa bata, hindi mo pa siya sasawayin?

Minsan nga, kahit isang taon pa lang ang bata, kapag nang-aagaw ng laruan ng kanyang kapwa bata ay kailangan mo siyang sabihan na masama iyon. Kahit hindi pa niya naiintindihan ang sinasabi mo, kailangan mo pa rin ibalik sa inagawan ang laruan at sabihin sa anak mo na masama iyon. Kung hindi mo siya  babawalin  sa pang-aagaw ng laruan, akala niya tama ang kanyang ginawa na makakalakihan niya.

Ako ay isang batang nadapa at nahataw ng sinturon. Ang dalawang anak kong  parehong lalaki ay nahataw ko na rin ng sinturon at patpat noong kanilang kamusmusan.

Pero hindi ko ginagawa iyon sa harapan ng publiko. Karaniwan, kung nasa mall  o nasa labas  at may ginawang masama ang mga anak ko, alam na nila ang consequences. Pag dating sa bahay, may hataw sila  ng sinturon pero dalawa lang kami sa kuwarto.

Bawat hataw, sinasabi ko sa kanila ang mga kasalanan nila at kung bakit hindi nila dapat ulitin iyon.

Pero kapag natapos ko na silang paluin, kakandungin ko na sila ulit at sasabihin ko kung bakit sila napalo. Normal lang, parang walang nangyari, wala kaming samaan ng loob. Pero masakit sa akin na pinapalo ang aking mga anak subalit nakita ko ang pangangailangan.

Ang masasabi ko, ang mga anak ko na si Deivid 18 years at  si Bryan, 27 years  ay bahagi na ng  sektor ng mabubuting mamamayan.             Deretsong nakatapos ng pag-aaral ang panganay ko na magkakaroon na rin ng sariling pamilya at 1st year college naman ang bunso na masipag mag-aral.

Ang paniniwala ko, kapag nagawa mong mabuting tao ang dalawang anak mo, nabawasan mo ng dalawang mabigat na problema ang mundo.

Huwag nating kalimutan ang nakasulat sa Bibliya, ang hindi pagpalo sa mga anak ay mistula mo silang ipinalalapa sa mababangis na hayup.

allanpunglo@gmail.com