Home>Editorial>Opinion>Helpline ng Fil-Indian organization tuloy-tuloy sa pag-arangkada

Helpline ng Fil-Indian organization tuloy-tuloy sa pag-arangkada

HINDI lamang pamamahagi ng relief goods, gadgets at iba pang kagamitan ang pinagkakaabalahan ngayon ng Filipino Indian Commerce and Welfare Society Incorporated (FICWSI).

Sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic, aktibo na rin ang grupo sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Manjinnder “James” Kumar sa pag-ayuda sa mga tinaguriang modern day heroes o mga manggagawang Pinoy sa ibayong dagat upang makabalik sa Pilipinas at makasama ang kanilang mga mahal sa buhay.

Sa pagsisimula pa lamang nitong buwan, isang kagawad ng Philippine Navy ang kasama sa mga tinulungang OFW ni Kumar katuwang ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) upang makabalik sa Pilipinas sa pamamagitan ng special flight.

Si Firemn Second Class Machinery Repairman Joemari Bag-o, isa sa mga OFW na nakauwi sa pamamagitan ng Special Flight Helpline ng grupo ni Kumar.

Si Bag-o ay na-stranded ng mahigit tatlong buwan sa India makaraan ang mahigit isang buwan ding pananatili sa pagamutan dahil sa kanyang 2nd degree burn nang magkaroon ng sunog sa BRP Ramon Alcaraz noog May 7.

Bukod kay Bag-o, isa pang OFW sa katauhan ni Cecilio Godito ang kasama sa mga OFW na napauwi ni Kumar sa kanilang programa.

Si Godito ay isang dance instructor sa India na nawalan ng trabaho dahil kinailangan namang sumalang sa operasyon at na-stranded sa loob ng limang buwan.

Marami pang OFW ang natulungan ng grupo na nananatiling bukas ang puso sa pagbibigay pa ng suporta at ayuda sa mga higit na nangangailangan sa gitna ng pakikipaglaban ng bansa sa pandemya.

Bukod sa libreng ‘special flight’, sinimulan na rin ng grupo ni Kumar ang kanilang ‘Helpline on Wheels’ kung saan namahagi sila ng mga bisikleta sa mga frontliners sa lungsod ng Caloocan.

Kakaibang tuwa rin ang dulot ng grupo sa kanilang programang ‘Helpline for Online Schooling’ na ang layunin ay makatulong sa mga nangangailangang estudyante upang matiyak na hindi sila mapag-iiwanan sa ipinatutupad na online-distance learning.

Ang pamamahagi ni Kumar ng mga tablets at iba pang gadgets ay nakarating na hanggang sa dulo ng Norte o sa Cagayan Valley at target pang palawakin.

Kung maraming Filipinong katulad ni Kumar ang handang ibigay ang kanyang kayang itulong sa mga nangangailangan, nakatitiyak akong sabay-sabay nating malalagpasan ang krisis dulot ng COVID-19.

Umaaasa tayo na hindi magsasawa ang grupo ni Kumar sa pagpapaligaya sa ating mga kababayan at nawa’y patuloy siyang bigyan ng lakas at kasiglahan upang maipagpatuloy ang pagtulong sa ating mga kababayan.

Salamat at Mabuhay ka James Kumar!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large