Home>Editorial>Opinion>Helpline On Wheels!

Helpline On Wheels!

SA tindi ng trapik sa Metro Manila, iba’t ibang eksperimento na ang ginagawa ng awtoridad sa mga kalsada upang kahit paano’y mabawasan ang bigat sa daloy ng mga sasakyan na pang-araw-araw na reklamo ng mga motorista’t commuters.

Isa na rito ang isinusulong ni Senador Pia Cayetano na ‘pop up bike lanes’ lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic dahil ilang kalsada naman sa Kalakhang Maynila ay sadyang maliit na at hindi na kakayanin pa na magkaroon ng hiwalay na bicycle lanes.

Sa Senate Bill 1582 ni Cayetano, maglalaan ang gobyerno ng temporary lanes para sa mga bisikleta at “non-motorized vehicles” upang tulungan na rin ang mga frontliners at iba pang manggagawa na mapabilis at maging ligtas ang kanilang biyahe.

It is time to change our mindset about traffic and find alternative means to move forward from this perennial problem,” paalala pa ni Cayetano.

Maraming ‘bikers’ ang makikinabang nito at sa nakalipas na walong buwang pagpapatupad ng ‘quarantine protocol,’ napatunayan na rin ang kahalagahan ng bisikleta bilang alternatibong sasakyan ng mga kababayang nais makarating sa kani-kanilang tanggapan kahit mapilay pa ang operasyon ng pampublikong transportasyon.

Bukod pa sa katotohanang ang pagbibisikleta ay isang magandang ehersisyo para lumakas ang ating pangangatawan.

Kasabay nito, nagbigay ng papuri at pagkilala ang senadora sa mga non-government organizations at ilang pribdong indibiduwal na nagsusulong sa kanyang programa patungkol sa pagbibisikleta.

Ipinaabot ni Cayetano ang kanyang paghanga sa Filipino Indian Commerce and Welfare Society Inc. (FICWSI) na walang patid sa pagbibigay ng libreng bisikleta para sa mga ‘essential workers’ sa bansa.

Ang FICWSI ay pinamumunuan ni James Kumar, isang matagumpay na negosyante na kinikilala na rin sa bansa dahil sa pagiging pilantropo.

Sa ilalim ng programang Helpline On Wheels at Pilipinas in Action, naglalayorng matulungan ang mga essential workers partikular ang mga healthcare workers na mabawasan ang bigat ng pasanin sa gitna ng krisis.

Pinakahuling nabiyayaan ng programa ang ilang essential workers sa lalawigan ng Cavite kung saan binigyang-prayoridad ang mga solo parent employee ng kapitolyo.

Una na ring namahagi ng bisikleta ang senadora at ang Fil-Indian Community sa mga frontliner sa Cainta, Rizal; Malabon City, Caloocan City at lungsod ng Maynila.

Umabot din ang Helpline on Wheels at Pilipinas in Action hanggang Bacolod at Cebu City para tulungan ang mga manggagawang nangangailangan ng sariling ‘de padyak na tranportasyon.

Labis-labis ang pasasalamat ng mga local government units (LGUs) na pinasyalan ng grupo ni Kumar dahil napakalaking bagay ang mabigyang pansin ang payak na pangangailangan ng ilan nating kabababayan.

Makailang-ulit na nating naisusulat ang dakilang gawa ng FICWSI. Mula pa noon, kabi-kabilang nakahahangang programa at tulong na ang kanilang ibinibigay sa mga pobre nating kababayan.

Mula sa mga biktima ng bagyong Ondoy, Yolanda, pagsabog ng Bulkang Taal at kahit ngayong pandemya, multimillion-pisong halaga ng ayuda na ang naipapamahagi ng prestiyosong samahan ng mga Fil-Indian sa bansa.

At kahit mga bahay-ampunan ay binibisita rin ng FICWSI upang bigyan ng gadget, laptop, desktop computers at kahit pagpapalakas sa kanilang internet na magagamit ng mga batang paslit na walang sariling pamilya at tahanan.

Ang mga pulis, sundalo at hospital ay hindi rin pinagdamutan ng grupo ni Kumar na tunay na nakahahanga dahil kahit hindi siya purong Pinoy, mas Pilipino pa siyang maituturing kumpara sa ilang mayayamang indibiduwal na kuntento nang magpadala nang paminsan-minsang tulong.

Sa napakagandang programa nina Senadora Pia at Kapatid na James patungkol sa pagbibisikleta, nawa’y lumago pa itong lalo habang pinananatili at matiyak na ligtas ang ating mga kalsada.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large