Henry Sy, Sr., ang batang sapatero

January 21, 2019

HINDI ko naman personal na kakilala si Henry Sy, Sr. pero kumpare ang tawag ko sa kanya.

Pero kahit saan ako lumingon, parang nakikita mo ang kanyang mukha, para mo na rin siyang kaibigan dahil kahit saan ka lumingon, may SM Shoermart, may Save More, may SM Cherry Foodarama, may SM Hypermart.

Probinsiya man o lungsod, naroon ang malls ni Ginoong Sy. Sa tuwing magbubukas ng mga magazine, mga libro at mga babasahin tungkol sa success story, makikita mo ang mukha niya.

Sa mga diskusyon ng negosyo, sa mga usapin ng pagtitiyaga, sa mga debate ng pagsisimula nang maliit, ang unang papasok sa isip mo ay si Henry Sy.

Sino ba naman sa atin ang hindi nakabasa ng kuwento niya nang pagtakas sa China para manirahan dito sa Pilipinas at mabuhay nang maayos? Lahat siguro tayo ay nabasa rin ang kuwento ng pagsisimula ni Mr. Sy sa Carriedo na nagtitinda ng sapatos. Isang batang sapaterong pinadpad ng kapalaran sa bansang umampon sa kanya.

Ilang dekada matapos ang giyera, ang pagtitiyaga, ang pagiging masikap, si Mr. Sy na ang pinakamayaman sa buong bansa sa total assets na US$9 bilyon at 52nd richest sa buong mundo batay sa Forbes Magazine.

Isa si Henry Sy sa hinuhugutan ng inspirasyon ng maraming Pilipino, higanteng negosyante man o kahit pa isang backyard hog raisers.

Sa tuwing titingnan mo ang kanyang mga malls, mapag-iisip ka rin kung paano niya iyon nagawa. Mula sa mga department stores, nag-diversify na rin si Sy sa real estate business sa pamamagitan ng kanyang SMDC, pumasok na rin sila sa hotel, resort and casino sa pamamagitan ng Bell Corporations.

SM din ang may-ari ng Radisson Hotels, Condrad, Tagaytay Highlands at MOA Arena.

Sa banking industry, hawak ng SM ang largest bank na BDO at may 30% share sa China Bank. Nabili na rin ni Sy ang National University.

Sa dami ng negosyong pinasok at pinalaki ni Sy, maraming mga Pilipino ang nagkaroon ng trabaho, maraming pagkakataong nakatulong sa malakas na paggalaw ng ekonomiya ng bansa ang kanyang mga negosyo.

Kung mayroon mang Filipino-Chinese na masasabing monumento ng tagumpay, si Henry Sy marahil iyon.

Si Henry Sy ang naging padron ng mga maliliit at malalaking negosyante. Sa pagpanaw niya sa edad na 94, pinasasalamatan natin ang kanyang kontribusyon sa bayan magmula pa lamang sa kanyang pagtakas sa noon ay mahirap na China.

Mas tunay na Pilipino si Henry Sy sa marami sa atin dahil sa kanyang pagmamahal sa bayan.

Mula sa aking pamilya na palaging nakikikain, nakikinood, nakikisaya, namimili, nakikipagkape at kung minsan ay nakikipalamig lang sa kanilang aircondtioned malls, isang taus pusong pakikiramay po ang aking ipinaabot sa mga naulilala ni Henry Sy, Sr!
allanpunglo@gmail.com