Home>Editorial>Opinion>Hi-tech jueteng sa Camarines Sur

Hi-tech jueteng sa Camarines Sur

MAGDADALAWANG buwan nang nakaupo bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) si Gen. Camilo Cascolan sa darating na Nobyebre 2.

Hanggang ngayon, wala pang linaw kung ie-extend ba ng Pangulong Rodrigo Duterte ang termino nito dahil sa darating na Nobyembre 10 ay magdiriwang na ng kanyang ika-56-taong gulang na kaarawan si Cascolan. Sakop ang edad na ito sa tinatawag na ‘PNP mandatory retirement age!’

Ngunit tulad ng sinabi ko noong mga nakalipas na kolum, depende pa rin siyempre kung babasbasan pa ng Malakanyang ang pananatili sa puwesto ni Cascolan bilang ‘Top Cop’ ng bansa.

In fairness kay Gen. Cascolan, tahimik lamang ang liderato nito. Walang masyadong bulilyaso at masasabi nating ‘above average’ naman ang ‘performance’ nito bilang PNP chief.

Tahimik at mabait naman daw talaga ang mama.

Pero matindi rin daw kung magalit, lalo na kung hindi nasusunod ang kanyang mga directives, sabi sa atin ng ilang tropang malapit sa PNP chief.

Marami lang nanghihinayang sa kasalukuyang puwesto ni Cascolan dahil kung ibang opisyal na raw ang nakaupo ngayon bilang PNP chief, malamang ay magpapakitang gilas na ito lalo’t halos tatlong buwan lamang ang pananatili niya sa puwesto.

Kailangan kasi ng isang dumadagundong na performance para naman magkamarka ang isang liderato at mag-iwan ng magandang legacy sa PNP.

Ang nakalulungkot, kahit may pandemya, kabi-kabila pa rin ang krimen sa iba’t ibang sulok ng bansa. Nagpapatuloy naman ang operasyon ng kapulisan laban sa ipinagbabawal na gamot. Katunayan, walang humpay ang ginagawang paghuli ng mga awtoridad sa mga pinaghihinalaang tulak, bagaman wala pa rin tayong naririnig na nasisilo nilang big-time drug pusher – bagay na inaantabayan ng taumbayan!

Sa madaling salita, nakukulangan pa rin ang taong bayan dahil naghahanap sila ng ‘big fish’ na masisilo ng giyera kontra droga.

Ang masaklap, kahit ipinagbabawal na sugal ay talamak na rin ngayon. Lalo na riyan sa probinsiya ng Camarines Sur na hi-tech pa ang operasyon ng jueteng. Kahit nga binabayo ng bagyo, tuloy lang ang operasyon ng illegal na pasugalan.

Lalo na ang bagong style ng jueteng sa probinsiya. Ang tawag sa sugal na ito ay Combat 1-38.

Kung ang jueteng ay 1-37 lamang ang numerong tinatayaan, sa Combat 1-38 ay hanggang 38 numero.

Ang bangka nito ay sina Zaldy at Homer na ipinagmamalaking may direktang koneksiyon sa Police Regional Office (PRO) 5 at sa Camp Crame mismo!

Isang alyas JL nga raw na nagpapakilalang nasa ‘national headquarters’ ang padrino nina Zaldy at Homer kaya kahit may COVID-19 at binabayo ng bagyong Quinta ang buong buong Bicol region, tuloy ang illegal na operasyon ng hi-tech na jueteng.

Bakit ko ‘nga pala nasabing hi-tech na ngayon ang tayaan ng jueteng? Teki na rin kasi ngayon ang lahat ng kubrador at mananaya ng tengwe.

May sarili silang apps sa cellphone at doon mismo ipinadadala ang kanilang taya.

Kahit sa mga patama ay ‘paper less transaction’ na rin dahil ipinapadaan sa GCash at PayMaya ang bayaran.

Lahat ng kabo, kubrador at table manager ay naka-unli load para nga naman sa oras ng tayaan, bayaran at ingreso ay hindi sila mauubusan ng pondo.

Totoong mahirap itong hulihin ng mga awtoridad pero wala naman sigurong kokontra sa matagal nang kasabihan na: ‘Kapag gusto may paraan at kapag ayaw ay may dahilan.’

Kung tutuusin, challenging ang mga impormasyong ganito para sa hanay ng PNP dahil kahit anong lalim ng sindikato – hi-tech man sila o ano pang kakaibang diskarte at pamamaraan – tungkulin, trabaho at obligasyon ng mga awtoridad na sila’y sawatahin.

Matindi yata ang direktiba nina Pangulong Duterte at DILG Sec. Eduardo Ano na bawal na bawal ang illegal na pasugalan, lalo ngayong panahon ng pandemya!

Bukod kay Gen. Cascolan, tinatawagan na rin natin ng pansin si PRO 5 director Brig. Gen. Bart Bustamante dahil sakop at bata nito si Camarines Sur Police Provincial Office commander Col. Roderico Roy, Jr.

Mga Boss Tsip, baka naman puwede n’yong sagasaan ang sindikato nina Zaldy at Homer na ang sentro ng operasyon ay sa Bula, Camarines Sur mismo.

Ayaw man po naming magkumpara, pero bakit naman po si Pangasinan police director Brig. Gen. Rodolfo Azurin ay hinambalos ang pa-jueteng ng isang alyas Tony Ong.

Baka po, puwede ring mangyari ito sa Cam Sur, mga bossing!

Ano po tingin n’yo, Gen.Cascolan, Sir?

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large