Hindi basurahan ang Pilipinas!

PAHAYAG ito ni dating Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III bilang reaksiyon sa ginagawang pagtatapon ng basura ng bansang Korea at Canada sa ating bansa.

Ayon kay Pimentel, dignidad na ng Pilipinas ang nakataya sa mga pangyayaring ganito na hindi dapat palagpasin ng kasalukuyang pamahalaan.

Kung matatandaan, buwan ng Hunyo hanggang Agosto, taong 2013 at December 2013 hanggang January 2014, 50 container van ang dumating sa Pilipinas na punung-puno ng basura. Nangyari ito sa anim na magkakasunod kung saan ay hanggang ngayon hindi kinukuha ng bansang Canada ang mga nasabing basura.

Kamakailan ay 6,500 tonelada ang dumating naman sa Mindanao mula sa bansang South Korea. Mga pangyayaring hindi magandang tingnan dahil sumasalamin ito kung paano binababoy ang Pilipinas hindi lamang bilang isang bansa -- kundi bilang isang nasyon na dapat sana’y may malinaw na pamantayan tungkol sa usapin ng kapaligiran, kalinisan at paghihigpit sa mismong pantalan.

Sa pananaw ng senador, dapat igiit ng Pilipinas ang ating dignidad at co-equal standing bilang sovereign state sa pamamagitan ng hindi pagtanggap ng basura sa ibang bansa.

At kahit sinong bansa ay hindi papayag sa mga ganitong uri ng kababuyan at paglapastangan.

Bagaman nagbigay na ng katiyakan ang pamahalaan ng South Korea na kunin pabalik sa kanilang bayan ang mga tonelada ng basurang ipinasok sa Pilipinas ay hindi dapat matapos sa ganitong uri ng senaryo ang maduming pangyayari.

Ayon kay Pimentel, tumatakbo muli sa pagka-senador ngayong darating na mid-term elections, dapat maging malinaw ang ‘guidelines’ sa pagtanggap ng kargamento sa pantalan -- ito’y basura man, illegal o legal na kontrabando.

Kung matatandaan, napag-usapan pa sa nakalipas na Asean Summit ang ginawang pagpasok ng basura ng Canada sa Pilipinas mula taong 2013 hanggang 2014.  Sa kabila ng binitiwang pangako ni  Canadian President Justin Trudeau na kukuning  pabalik sa kanilang bansa ang mga basura ay wala pa ring nangyayari hinggil dito bagay na kahit usaping pangkalusugan ay dapat na ring pagtuunang pansin ng pamahalaan.

Pabor tayo sa sinabi ni  Pimentel na hindi dapat kinukunsinti ang mga ganitong aksyon at dapat mabigyan ng karampatang parusa ang sinumang kawani ng pamahalaan na nagpabaya para palusutan ng tone-toneladang basura sa bansa.

May binuo nang Technical Working Group (TWG) para pag-usapan kung paano isauli ang mga nasabing basura sa kani-kanilang bansang pinagmulan. Ang TWG ay binubuo ng Department of Justice, Department of Environment and Natural Resources, Department of Foreign Affairs at Bureau of Customs.

Harinawa’y may mangyari sa binuong grupong ito upang bukod sa maibalik na sa Canada at South Korea ang mga dumating sa ating basura ay hindi na ito maulit pa sa mga susunod na araw dahil kapag nangyari uli ito sa atin -- talagang malaki na ang problema sa usaping seguridad sa ating mga pantalan.