Hindi biro ang problema sa BoC

June 02, 2019

MARAMI ang nagsasabing ang pagbalasa sa mga tauhan, lalo na sa mga opisyal, ay isang epektibong paraan para gumanda ang serbisyo sa isang opisina.

Ang problema lang, baka gamitin lang ng isang hepe ang rigodon para lang mailagay sa magandang puwesto ang kanyang mga paboritong kawani.

Sa Bureau of Customs o BoC, ang ginagawa o gagawing rigodon ay walang personalan.

Bunsod lamang ito ng hangarin ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero na malagay sa ayos ang araw-araw na operasyon sa Aduana.

Ang gusto lang ni Commissioner Guerrero ay  mabigyang solusyon ang mga problema sa pantalan.

Hindi biro ang mga problema sa Aduana na nagpapahirap sa mga port user, lalo na sa mga importer at broker na kung saan nanggagaling ang perang napupunta sa  kaban ng BoC.

Dahil sensitibo sa tinatawag na public opinion, marami pa ang gagawing pagbabago sa BoC.
Hindi lang rigodön ng mga tauhan ang inaasahan ng publiko kay Guerrero.

Sa tulong ng maraming sektor ng lipunan, kabilang na ang mga taga-media, magtatagumpay ang “listening” at “action man”  na hepe ng BoC sa kanyang hangaring mapaganda at mapabuti ang serbisyo sa Aduana.

***

Ayon Kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, hindi daw tumigil ang “tara system” sa Aduana.

Pero aminado si Lacson, dating hepe ng Philippine National Police, na walang kinalaman si BoC Chief Rey “Jagger” Guerrero sa illegal operations ng mga tauhan ng BoC.

“Kung kani-kanino napupunta ang nasabing mga tara for his office or the office of the commissioner. I will leave it to Gen. Guerrero to investigate and find out,” ayon kay Lacson.

Bilang parehong produkto ng Philippine Military Academy, alam ni Lacson ang hindi matatawarang integridad ni Guerrero, ayon sa mga mamamahayag na naka-base sa Aduana.

Noon pa mang unang panahon, problema na sa Aduana ang “tara system.”

Sa totoo lang, ang nahihirapan dito ay ang mga importer at broker.
Sila na nga ang nagpapasok ng pera sa gobyerno, sila pa ang nahihirapan dahil sa tara.

Pero naniniwala tayo na ginagawa lahat ni Guerrero ang kanyang magagawa para matulungan ang mga importer at broker.

Ang kailangan niya ay tulong at kooperasyon ng mga port user.
Kailangang iparating sa kanyang tanggapan ang mga problema ng mga nagnenegosyo sa “snake-infested” na pantalan.

Mapapadali ang ginagawang paglilinis ni Sir Jagger kung lahat ay makikiisa  sa paglilinis sa Aduana.

***

Sa araw na ito ay simula na ang klase sa public elementary at high schools sa buong bansa.
Dahil karamihan ng mga nag-aaral sa mga pampublikong eskuwelahan ay mga anak ng mahihirap, dapat siguraduhin ng gobyerno na lahat ng mga bata ay papasok sa eskuwelahan.

Ang problema lang, baka mismong magulang na ang hindi magpa-enroll sa kanilang mga anak.

Hindi sa ayaw nila kundi dahil wala silang pambili ng mga gamit sa eskuwelahan.

Oo nga’t libre ang basic education sa public schools, pero wala namang ibibigay ang gobyerno para pambili ng damit, sapatos, bag, lapis, krayola at iba pang school supplies.

Dahil sa kahirapan, ni wala ngang maibibigay na baong pambili ng meryenda ang mga magulang.
Sa tingin ng marami, talagang dadami pa ang bilang ng mga out-of-school youth sa bansa.
Hangga’t nandiyan ang malawakang kahirapan, may mga kabataang mananatiling street children.

Mananatili silang sakit ng ulo ng mga otoridad at komunidad.

Dapat tutukan ng gobyerno ang kahirapan para mabigyang solusyon ang marami nating problema, kabilang na ang dumaraming bilang ng mga out-of-school youth sa bansa.
(Para sa ibying komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)