Hindi Bureau of Customs ang ‘dahilan’ ng ‘port congestion’

SA isang “huntahan” noong nakaraang linggo sa ilang mga kaibigan mula sa Philippine Ports Authority (PPA), nagulat tayo sa kanilang tinuran na “kasalanan” ng Bureau of Customs (BoC) kung bakit hindi na mabigyan ng damuhong problema ng ‘port congestion.’

Sa partikular, Comm. Jagger Guerrero, alam mo bang “sinasabi” pala ng ilang sektor na ang dahilan ng ‘port congestion’ ay ang pag-iisyu ng Aduana ng mga AOs (alert orders)?

Sabagay nga naman, dear readers, totoo namang “natetengga’ sa mga yarda sa pantalan ang isang kargamento basta “tinamaan” na ito ng AO ng BoC.

Sa narinig naman natin, dear readers, “napabunghalit” tayo ng tawa, hahaha!

Dangan nga kasi, ano ang kinalaman ng AO sa “pagsisikip” ng mga “yarda” sa Port of Manila (POM) at sa Manila International Container Port (MICP), samantalang “napakaliit” lang naman ng “porsiyento” sa may 5,000 containers na dumarating araw-araw sa POM at MICP ang “nahahagip” ng AO, aber?

Ipinunto pa natin na sa termino ngayon ni Comm. Jagger, ang kanyang polisiya ay ‘No confirmed violation, No alert!’

Ayon na rin sa inilabas na pahayag kahapon ni Comm. Jagger, sa ngayon ay aabot na lang sa 94 ang mga kargamento na mayroong AO, mula sa higit 300 nang dumating siya sa BoC noong Oktubre 2018.

Eh, kahit anong “kuwenta” natin dito, mga kabayan, hindi sapat ang dami ng mga container nitong 94 ‘alerted shipments’ para magresulta sa port congestion. Kumbaga, ‘simple logic’ lang naman yan, hindi ba?

At para “mapabilis” pa ang “proseso” sa paglabas sa pantalan ng mga alerted shipment, gumawa pa ngayon si Comm. Jagger ng isang ‘clearing house desk’ upang tiyakin na hindi “matetengga” (at hindi magreresulta sa korapsyon) ang mga naalertong kargamento.

* * *

Ano ang mas tamang paliwanag kung bakit hindi maresolba ang port congestion?

Sa ganang atin at sa opinyon na rin ng iba pang mga miron, “sinasadya” na ng mga ‘arrastre operator’ at ng mga international shipping lines na magkaroon ng port congestion.

Ilang beses na nating naisulat subalit tila kailangan na namang ulitin natin, mistula na kasing isang malaking “raket” ‘yang problema sa port congestion na bilyones ang kinikita ng mga arrastre operator at siyempre, ng mga shipping lines.

Uulitin na naman natin -- habang may port congestion, may dahilan ang mga shipping lines na mangolekta ng mga samu’t-saring ‘additional charges’ sa mga ‘waterfront stakeholder’ katulad ng mga importer, Customs broker at mga ‘trucker.’

Andyan ang ‘import surge charge, holiday charge, detention charge, imbalance charge, etc., etc.

Kung totoo nga kasing “sinsero” ang mga shipping lines na tugunan ang problema ng port congestion, eh, bakit hanggang ngayon, wala pa ring ‘outside CY’ (container yard) ang karamihan sa kanila?

At kung mayroon man, sa mga malalayong lugar na kapag “kinuwenta” siguradong “tatamaan” ang mga trucker at importer sa ‘detention charge’ bago nila maisoli ang mga ‘empty container,’ Translation? “Extra income” ang detention charge sa kanila -- nang wala silang kahirap-hirap, hindi ba?

Sa ilalim ng batas, ang bawat international shipping lines ay dapat may sariling “yarda” para sa kanilang kargamento.

Kung bakit naman hindi ito ipinapatupad hanggang ngayon, eh, “alam na this,” hindi ba, mga kabayan? May nangyayaring korapsyon d’yan!

Pansin pa nga ng mga miron, paano nga bang hindi palaging “masikip” ang mga yarda sa POM at MICP samantalang ang mga “pinagpalang” shipping lines, ginagawang “yarda” ang mga espasyo sa ATI at ICTSI kaya, saan pa “ipupuwesto” ang mga bagong dumating na containerized shipments, aber?

Uulitin din natin na panahon na siguro para ipakita ni Comm. Jagger ang kamay na bakal sa mga shipping lines. Panahon na para may “masampolan” sa mga ito dahil sa pagbalewala sa mga batas at regulasyon.

At isama na rin niya ang kasabwat nilang mga “tulog sa pansitan” na mga opisyales ng Aduana, PPA at iba pa.

Aber, pulos ‘meeting’ na lang ba ang mangyayari hanggang ngayon? Ilang taon na ba ‘yang mga meeting na ‘yan?

Ate ito ay mga ‘meeting’ na mauuwi lang sa panibagong ‘meeting,’ na wala namang nareresolba.

Dapat na ring busisiin ni Comm. Jagger at ni Pang. Duterte ‘yang TABS (Terminal Advance Booking System) na ipinatupad noong panahon ng manlolokong rehimen ni Noynoy Aquino.

Uulitin din natin na ang TABS ay isang ‘private undertaking’ na ang bilyones na kinikita kada taon ay pumapasok sa isang ‘private account number.

At sa hindi pa rin matapos-tapos na problema sa port congestion hanggang ngayon, hindi pa ba malinaw na “inutil” itong TABS ng pangkat ni Noynoy? Eh, anong tawag d’yan? Baka nga “raket” lang din ito? Ano sa palagay mo, kasamang Rey Soliman?

Abangan!