Hindi dapat ‘mag-sorry’ at kaya mo ‘yan, Gen. Tambungan!

SINUSULAT natin ito, mga kabayan, patuloy sa pagiging ‘viral’ ang ‘video’ ni NCRPO director, police major general, Guillermo Eleazar (higit 25,000 views), kung saan nakitang “dinibdiban” at pinagmumura niya ang isang kriminal na pulis sa ‘anti-drugs unit’ ng Pasig City/Eastern Police District na natimbog sa kasong ‘robbery extortion.’

Ang “buwisit” nga lang, eh, sa halip na “papuri” dahil sa pagpapakita ng ‘no tolerance policy’ laban sa mga korap at tiwali sa katauhan nitong si PO2 (police corporal) Marlo Siblao Quibete, may ilan pa tayong mga kababayan na tila “sumama ang loob” sa mga naging aksyon nitong ating kaibigan, dahil ‘violation’ daw naman ito ng ‘human rights’ ng nasabing kriminal na pulis, talaga rin naman, tsk!

Tanong naman natin, napanood kaya nitong mga ipokritong ‘human rights defender’ ang buong video bago nila “hinusgahan” ang naging reaksyon ni RD Eleazar?

Alam din kaya nila na ang ginawang ‘hulidap’ nitong pangkat ni Quibete sa kanilang hinuling drug suspect ang isa sa mga malaking dahilan kung bakit hindi natitigil ang problema natin sa iligal na droga at korapsyon sa hanay ng ating pulisya?

Sa video kasi eh, kitang-kita naman na tinanong pa ni RD Eleazar ang suspek na pulis kung “sino” pa ang kanyang mga kasama subalit, nagsinungaling pa itong ogags na si Quibete at sinabing “wala” siyang kasama na mga kabaro niya sa serbisyo.

Kumbaga, ‘caught in the act’ na itong si Quibete, aba’y “nagmamalinis” pa! Eh, kung “bineybi” kaya siya ni RD, ano sa tingin ninyo ang kasunod?

Eh, ano pa ba, kundi, “lusot” ang kanyang mga kasamahang pulis at “tuloy” ang kanilang mga kawalanghiyaan sa serbisyo habang “nilalakad” nila na “mapagaan” ang kanyang “sentensiya.”

At kapag nalimutan na ang insidente? Eh, balik-serbisyo ang isang ito at ‘part of the gang’ na naman siya.

Translation? Hindi na matutuldukan ang ating problema sa iligal na droga at ang korapsyon na dinadala nito sa hanay ng ating mga pulis, partikular na d’yan sa lugar ng EPD dahil mismong isa nang malaki at malawak na “sindikato” ang mga operatiba nito na pulos pagkakaperahan na lang ang pakay at hindi ang pagbibigay dangal sa serbisyo.

Sabagay, mga kabayan, itong mga ipokritong bumabatikos kay Gen. Eleazar, hindi naman kasi sila pulis na totoong nagmamalasakit sa kanilang sinumpaang tungkulin na maglingkod sa publiko na may dangal at pagpapahalaga sa kanilang trabaho.

At kung pulis man, ay katulad lang din sila nitong si Quibete na kahihiyan sa serbisyo dahil sila ay mga unipormadong kriminal kaya hindi dapat magtaka kung “masama” ang kanilang loob sa sinapit nitong si Quibete.

* * *

Dahil naman sa eskandalo, suportado rin natin ang naging desisyon ni RD Eleazar at Chief PNP, Oscar Albayalde, na “sibakin” ang buong ‘anti-drug unit’ ng Pasig City PNP at ang liderato ng buong EPD, sa isyu ng ‘command responsibility.’

At bilang kapalit ni EPD director, police BGen. Bernabe Balba, alam nating agad na “makukuha” ng mga matitino -- at mga natitira pang ‘police scalawag’ sa EPD -- ang “mensahe” ni Chief PNP Oca, na “seryoso” siyang “mapatino” ang nasabing police district.

Dangan kasi, kosang Non Alquitran, ang itinalaga pala ni Chief PNP na OIC (officer-in-charge) ng EPD ay si police BGen. Chris Tambungan.

Yes, Boss Gus V at Mommy Tess L, itong ating kaibigan na si Gen. Chris, ang bagong EPD director.

Sa mga hindi pa nakababatid, ‘sandamakmak din ang naging reklamo ng mga kumag na pulis sa MPD dito kay Gen. Chris, noong siya pa ang DDA (deputy director for administration) sa termino naman ni DD Jigs Coronel.

Sa totoo lang ay napakabait na tao at magaling na kaibigan itong si Gen. Chris subalit, “istrikto” at ‘disciplinarian’ pagdating sa trabaho.

Kaya nga noong nasa MPD pa siya, aba’y sukdulang “magbayad” sa media itong mga ogags na pulis sa MPD upang “banatan” siya sa isyu pa rin ng “paglabag” umano sa kanilang ‘human rights,’ hehehe!

Eh, isa pa nga tayo, mga kabayan, sa “inalok” para lang banatan itong si Gen. Chris pero “tinabla” agad natin sa katwiran na, “kung wala naman kayong kasalanan at hindi kayo mga gago, hind kayo didisiplinahin ni DDA (Tambugan).”

Kahit paano nga kasi mga kabayan, ay kilala natin ang pagkatao nitong bagong OIC ng EPD kaya “tablado” sa atin ang mga nilubid na buhangin laban sa kanya ng kanyang mga “nasagasaan” na mga abusadong pulis d’yan sa MPD.

Translation? Just keep on doing what is best for the PNP, Gen. Chris dahil, suportado ka namin, tama ba, Boss Gus?

At siyempre, kaya mo yan, basta huwag mo lang dadalhin dyan sa distrito mo ang mga pulis-MPD na may “malalansang reputasyon” katulad nitong si ‘Domingo’ dahil siguradong “ikakanal” ka ng mga yan, hindi ba, Richie Esguerra?

Abangan!