Hindi lahat ng taga-Bureau of Customs ay korap, masama

November 18, 2018

MAHABANG panahon nang problema ang katiwalian at korapsyon sa mga opisina ng gobyerno.

Kagaya na lang sa Bureau of Customs, maraming beses nang pinamunuan ng mga magagaling at matitinong  lingkod-bayan ang ahensiya.

Pero nandiyan pa rin ang mga katarantaduhan sa Aduana, na pinamumugaran daw ng mga “makamandag na ahas.”

Kamakailan nga ay tinawag mismo ni Pangulong Rody Duterte na “anarchy” ang BoC, na nasa ilalim ng Department of Finance.

Ayon mismo kay Pangulong Duterte, magpapatuloy ang korapsyon sa BoC kahit sino ang mamuno dito.

Pagkaupo ni Duterte noong 2016 ay inilagay si dating Philippine Marines Captain Nicanor Faeldon bilang BoC chief.

Pinalitan naman ni retired 3-star Police General Isidro Lapeña si Faeldon.

At ngayon nga ay si dating 4-star military General Rey “Jagger” Guerrero ang bosing diyan sa Aduana.

Walang dudang seryoso si Sir Jagger na linisin ang Aduana.

Pero ang problema ay hindi niya mababantayan 24/7 ang libu-libong kawani ng BoC.

Sabi nga ni Senador Richard “Dick” Gordon: “He’s  (dating BoC Chief Lapeña) ok but things have been happening behind his back. It’s a jungle out there.”

Tama si Senador Gordon, na miyembro ng 1971 Constitutional Convention.

Ang tawag nga sa Aduana ay  “snake-infested” dahil sa dami ng mga mandurugas dito.

Pero katulad nang lagi nating sinusulat, hindi lahat sa BoC ay korap at masama. Mas marami pa rin ang matino. Kung makikita niyo lang ang buhay ng ibang kawani ng BoC ay maaawa kayo.

Karamihan sa kanila ay wala man lang sariling bahay at lupa. Marami din sa kanila ang baon sa utang.

Kaya sana, tingnan din naman natin ang kanilang kalagayan bago husgahan.

Masakit para sa mga nagtatrabaho nang maayos ang mga maling paratang.

* * *

Kagaya ng sinasabi natin, mapipilitan ang mga ismagler na magparating ng mga kontrabando sa pamamagitan ng outright smuggling.

Sa tingin natin ay “very risky” ang technical smuggling.

Dati ay paborito nila ang misdeclaration, undervaluation at iba pang pandaraya.

Pero nang maupo si Lapeña sa BoC ay mahirap nang lumusot ang mga kontrabando.

Gumawa siya ng mga paraan para dumaan sa butas ng karayom ang mga kontrabando.

Ang resulta? Outright smuggling na lang.

Pero nandiyan naman ang Philippine Navy, Philippine Coast Guard at Philippine National Police.

Hindi kagaya ng BoC, ang Navy, Coast Guard at PNP ay may mga patrol boat na hahabol sa mga ismagler sa dagat.

Kamakailan nga ay nakasabat ang Coast Guard at pulis ng mga smuggled na sigarilyo sa Jolo, Sulo.

Nagkakahalaga ng P7 milyon, ang mga sigarilyo ay dinala sa Zamboanga City para i-turnover sa BoC.

* * *

Panahon na para isama sa high school curriculum ang tungkol sa eleksyon.

Dapat ituro sa mga bata ang masamang epekto ng vote-buying tuwing may halalan sa bansa.

Huwag nating kalimutan na kaya may mga abusado, magnanakaw at iba pang tiwaling  lingkod-bayan ay dahil sa pamimili ng boto.

Sinasamantala ng mga maperang kandidato ang kahirapan ng maraming botante.

Ang totoo niyan, maraming nagpaparehistrong botante hindi dahil gusto nilang bumoto kundi gusto nilang magbenta ng boto.

Kung wala ka kasi sa voters’ list ng Comelec ay hindi ka makakatanggap ng “regalo” mula sa mga politiko.

Kaya habang bata pa lang ay dapat ipamulat sa mga estudyante ang kahalagaan ng “clean and honest election.”

Ito ay kung gusto nating mawala na ang katiwalian at korapsyon sa bansa.

Hindi gagastos ng malaki ang isang kandidato kung alam niyang hindi niya mababawi ang poll expenses niya.

Ito ang hindi naiintidihan ng mga nagbebenta ng boto.

Ang mahalaga sa kanila ay “datung.”

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-
4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)