Hindi lulusot sa pinagsanib na pwersa ng BoC at PDEA sa NAIA

April 21, 2019

NAPAPADALAS ang paglabas ng pangalan ni NAIA Customs Collector Mimel Talusan sa diyaryo, radyo at telebisyon.

Ang maganda, kaya laging nasa limelight si Collector Talusan ay dahil sa kanyang mga accomplishment.  

Lalo na sa kampanya ng gobyerno laban sa mga ipinagbabawal na gamot.

Huwag natin kalimutan na ang pagbaka sa “drug monster” ang siyang pangunahing programa ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

At katulad ng Philippine Drug Enforcement Agency, malaki ang papel na ginagampanan ng Bureau of Customs o BoC sa anti-drugs campaign ni PRRD.

Ngayon kasi napipilitan na ang mga drug syndicate na mag-import ng illegal drugs.

Ito ay kaugnay ng seryoso at walang humpay na kampanya ng PDEA na malansag ang mga itinatayong shabu laboratory sa bansa.

Sa katunayan, marami ng foreign chemists ang naaresto at nakakulong ngayon.

Sa tingin nga natin, takot na ang mga banyagang  gumagawa ng shabu sa bansa dahil sa pinaigting na kampanya laban sa drug menace.

Kahit walang death penalty (na dapat ng magkaroon) sa bansa ay sigurado namang mabubulok sila sa kulungan kapag nahuli sila.

Malas lang nila kapag lumaban sila sa mga otoridad.

Dahil karamihan ng mga lumaban sa mga ay napapatay.

Balik tayo kay Collector Talusan.

Puwede nga siyang bansagang “Iron Lady” kung ang pag-uusapan ay ang kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.

Sa dami ng nasasakoteng shabu at iba pang ipinagbabawal na gamot ay siguradong “numero uno” siyang kaaway ng mga pusher at durugista.

Kamakailan nga ay nakasakote na naman ang NAIA Customs ng ibat-ibang klase ng illegal drugs na nagkakahalaga ng P2 milyon.

Sinabi ni Talusan na nadiskubre ang mga gamot na nakalagay sa magkakahiwalay na pakete.

Ang mga pakete ay nakita ng mga taga-BoC-NAIA sa isang bodega malapit sa Ninoy Aquino International Airport.

Mga sniffing dog ang ginamit para masigurong mga ipinagbabawal na gamot ang laman ng mga pakete.

Idinanaan din ang mga epektos sa X-Ray Machine.

Walang kawala ang mga ipinagbabawal na gamot sa pinagsanib na pwersa ng BoC-NAIA at PDEA na idinadaan sa pangunahing international airport ng bansa.

* * *

Pahirap sa mga mahihirap na mananakay ang planong pagsasara ng mga provincial bus terminal sa EDSA.

Sa Hunyo ay nakatakdang ipasara ng MMDA ang apatnaput-pitong bus terminal sa EDSA.

Maraming nagsasabi na anti poor at anti-commuter ang balaking ipasara ang mga bus terminal sa EDSA.

Kawawa ang mga senior citizen, mga bata, mga buntis, mga may sakit at mga may mabibigat na bagahe.  

Sa dami ng mga masasamang tao ay baka maholdap at mapatay pa ang mga probinsyanong palipat-lipat ng bus o jeep.

Isa pa, kumpara sa bilang ng mga pribadong sasakyan na dumadaan sa EDSA, iilan lang naman ang mga provincial bus na dumadaan sa pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Pabor sa mga may-ari ng mga PUV at city bus ang pagsasara ng mga bus terminal sa EDSA.  

Lalaki ang kita nila.

Hindi nga makapapasok sa Metro Manila ang mga provincial bus pero papasok  naman ang mga bus na pi-pickup ng mga pasahero sa mga terminal sa labas ng Metro.

Bawal nga ang mga bus na galing probinsya pero puwede namang pumasok ang  mga bus na kukuha ng mga pasahero sa tinatawag nilang common terminal.

Isa pa, siguradong darami ang mga PUV na bibiyahe.
Paki bantayan lang, baka ngayon pa lang ay may mga kumukuha na ng bagong prangkisa sa mga tinatawag na common terminal.

Abangan!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)