Hindi na dapat ipagpaliban ang barangay at SK elections

July 24, 2019

IPINATUTUPAD na ng gobyerno ang fuel marking program.

Ito ay pagkatapos ng publication ng joint circular (JC) ng Bureau of Customs (BoC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Finance (DoF).

Sinabi ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero na ang programa ay naglalayong i-address ang  oil smuggling  problem sa bansa.

Ayon pa kay Guerrero, dating hepe ng Armed Forces of the Philippines, palalakasin ng programa ang kampanya laban sa iligal na pagpasok sa bansa ng langis at iba pang produktong petrolyo.

Ang JC “requires the use of an official fuel marker in refined, manufactured or imported gasoline, diesel and kerosene in the Philippines.”  

Ayon sa JC, may kapangyarihan ang BoC at BIR na mangolekta, mag-monitor at manghuli ng mga lumalabag sa batas tungkol sa fuel marking.

Ang mga produktong petrolyo na walang marker o may marker nga pero mababa sa required level ay “presumed to have been withdrawn or imported” na ang intensyon ay para hindi magbayad ng duties at taxes.

Ang mga produktong ito ay puedeng “subject for confiscation and forfeiture.”

Inaasahang mahìhirapan na ang mga oil smuggler dahil sa pagpapatupad ng fuel marking program.  

Ang kailangan lang, dapat bantayang mabuti ni Sir Jagger ang mga nagpapatupad ng programa.

Dapat ang mga magpapatupad ay may mga “malinaw na paningin.”
Tama ba kami, Depcom Raniel Ramiro?

***

Malamang na hindi na nakakatulog ngayon ang mga ismagler at nagtitinda ng mga kontrabando sa merkado.

Paano nga ba sila matatahimik, eh, super busy ang mga tauhan ni Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro.

Isang dating matinik na intelligence officer ng militar, si Ramiro ay “tinik sa lalamunan” ngayon ng mga taong sangkot sa ismagling.

Noong Lunes nga ay ipinakita sa media nina Heneral Ramiro ang mga kumpiskadong counterfeit goods na nagkakahalaga ng P2 bilyon.

Ang mga produkto ay galing sa ilang tindahan sa 5th floor ng “999 shopping mall” sa Binondo, Manila.

Ang mga nakumpiska ay kinabibilangan ng mga pekeng “Gucci,” “Louis Vuiton,” “Hanes,” “Levi’s,” “Converse,” “Nike,” at “Adidas.”

Bago nito ay nakatanggap ng report ang BoC na may mga nakaimbak na kontrabando sa lugar.

Dahil hindi kayang bantayan ng mga otoridad ang mahabang coastline ng bansa, dapat ang bantayan ang mga shopping mall at iba pang nagtitinda sa buong bansa.

Ang tingin ng marami ay napipilitang mag-outright smuggling ang mga tusong negosyante.

Mahirap na kasing magparating ng kontrabando sa pamamagitan ng technical smuggling.

Nandiyan ang mga X-Ray machine, sniffing dog at mga eagle-eyed na taga-BoC.

Tapos na ang mga maliligayang araw ng mga ismagler sa Aduana.  

***

Tapos na ang leadership fight sa Senado at Kamara de Representante.
Pero hindi ibig sabihin nito ay tatahimik na sa Kongreso.

Magsisimula pa lang ang “madugong” labanan.
Marami kasing kontrobersyal na Panukalang Batas na nakahain sa Kongreso.

Nandiyan ang death penalty, charter change, pagtataas ng suweldo at pagpapaliban ulit ng barangay at SK elections.

Maraming hindi pabor  na muling ipagpaliban ang dalawang halalan.

Dalawang beses na kasing hindi natuloy ang nasabing dalawang eleksyon.
Maraming mandurugas na opisyal ng barangay, kasama na ang mga sangkot sa iligal na droga.

Madami ng tinanggal si Pangulong Duterte na tiwaling lingkod bayan,  eh, bakit pipigilan natin ang mga botante na tanggalin ang mga tiwaling opisyal ng barangay?

Kapag ipinagpaliban muli ang barangay polls, parang ayaw nating mawala ang mga “bugok” sa barangay.

Sa totoo lang,  marami sa mga opisyal ngayon ng barangay ay matatagal na sa puwesto.

Huwag nating hayaang manatili sa poder ang mga walang silbing nanunungkulan sa barangay.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)