Hindi nagpapabaya ang gobyerno

January 16, 2019

MAHIGIT tatlumpung buwan na sa Malakanyang si Pangulong Rody Duterte, pero nandiyan pa rin ang mga mabibigat na problemang nagpapahirap sa taumbayan, lalo na ang iligal na droga.

Hindi ibig sabihin na nagpapabaya ang gobyerno.

Ipinapakita lang nito na talagang malala ang mga problema ng bansa bago pa maupo si Pangulong Duterte sa Malakanyang.

Mabuti na lang at sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rody ay nagtulung-tulong ang mga ahensiya ng pamahalaan para masawata ang ismagling ng shabu at iba pang ipinagbabawal na gamot.

Siyempre ang kampanya laban sa drug smuggling ay pinangungunahan ng Bureau of Customs o BoC.

Sa dagat, nandiyan ang Philippine Navy, Philippine Coast Guard at PNP Maritime Group.

Nandiyan rin ang NBI, PNP, PDEA at Local Government Units.

Noong nakaraang taon, naitala ng PDEA ang 35 cases ng bigong ismagling ng mga iligal na droga.

Ang mga bigong maipasok na kontrabando ay ginamit ang mail at parcel services sa bansa.

Sinabi ni PDEA Chair Aaron  Aquino na umabot ng mahigit na P672.1 milyon ang halaga ng mga iligal na droga ang nakumpiska sa mga airport at seaport.

Matagal nang ginagamit ng mga ismagler ang mga mail and  parcel service para magpasok ng  shabu at iba pang bawal na gamot sa bansa.

Ito rin ang gamit na transhipment point ng ilang international drug syndicate.

Kailangan talaga ni BoC Chief Rey “Jagger” Guerrero at DG Aaron Aquino ang tulong ng ibang ahensiya ng gobyerno para masawata ang drug smuggling.

* * *

Maganda ang hinaharap ng bansa at taumbayan.

Ito ay kung tutuparin lahat ng mga kandidato ang kani-kanilang mga pangako.

Pero ang problema, nagkakaroon ng amnesia ang maraming kandidato kapag nasa puwesto na sila.

Nakakalimutan ang mga pangako sa mga botante.

Kapag nasa puwesto, inuuna ang mga personal na interest.

Hindi naman natin nilalahat ang mga kandidato pero hanggang ngayon ay naghihirap pa  rin ang taumbayan.

Nakailang eleksyon na ba tayo mula 1946 nang ibaba ng Estados Unidos ang kanilang bandila sa Luneta?

Maraming beses ng nagka-eleksyon sa bansa.

Napakaraming pangako na ng mga politiko ang napako.

Ang masakit, lalo pa tayong naghihirap.

Hindi na tayo natuto.

Hanggang ngayon, nagpapauto pa tayo sa mga politiko.

* * *

Sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay inaasahang tataas rin ang presyo ng iba pang produkto.

Kaya dapat bantayan ng gobyerno ang mga mapagsamantalang negosyante.

Siguradong magkakaroon na naman ng overpricing, lalo na sa mga probinsiya.

Panahon na para may makulong na mapagsamantalang negosyante.

Kung hindi ay baka dumami pa ang mga magnanakaw, holdaper, mandurukot at swindler dahil sa kahirapan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa

#0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)