‘Historic win’ sa Batangas; ‘Usapang basura’ sa BOC

SA kabila ng maraming kontrobersiya (na naman) sa katatapos na halalan noong Mayo 13, isang “panalo” sa halalang lokal, ang ‘re-election’ ni Batangas Gov. Herminaldo ‘Dodo’ Mandanas, ang sadyang “gumulat” sa ating lahat.

Dangan kasi, kung sa unang “sabak” niya bilang gubernador ng lalawigan ng “Ala Eh!” noong 2016 ay nakakuha lang si Gov. Dodo ng higit 337,000 boto upang talunin ang kanyang apat na katunggali (kabilang na ang isang ‘stray candidate’ na kaapelyido niya), ala’y talaga namang “kagimbal-gimbal—para sa kanyang dalawang kalaban ngayon—ang naging “kuwenta” ng bilangan noong Mayo 13.

At bakit hindi, mga kababayan ko sa Batangas (mula sa Sto. Tomas at Taal ang aming pamilya).

Batay na rin kasi sa datos ng Comelec, “humamig” ng higit isang milyong boto—1,078,447—si Gov. Dodo, kumpara sa naging boto ng kanyang dalawang kalaban na kahit “pagsamahin” pa ay hindi aabot ng 40,000 boto.

Ang panalo ni Gov. Dodo ay masasabing ‘historic win’ para sa sino mang tumakbong gubernador sa lahat ng lalawigan sa bansa; ito ay isang “rekord” na katulad ng mga tagumpay ni Sen. Manny Paquiao sa ‘boxing ring’ ay maaaring umabot ng ilang henerasyon— bago mapalitan.

Bago naging gubernador, wala ring talo bilang kinatawan ng Kongreso si Gov. Dodo, na siyang “patunay,” sa ganang atin, na “siksik, liglig at nag-uumapaw” ang “pagmamahal” at “respeto” sa kanya at sa kanyang liderato ng mga “Batangueno.”

Alam din sa buong lalawigan na ang kanilang gubernador ay “maka”—maka-Diyos at maka-tao— kaya naman bakit nga ba “sasayangin” pa nila ang kanilang boto sa ibang kandidato, hane?

Isa si Gov. Mandanas sa nagsulong upang maitayo ang ‘Montemaria Resort’ sa Batangas City isang proyekto, na ayon sa ating mga kababayan, ay “alay” niya sa Dakilang Ina ng mga Katoliko, ang ating Birheng Maria.

Bukod sa magandang pasilidad nito (bagaman hindi pa natin “napapasyalan”), sinasabi ng ating mga kababayan na magandang lugar ang Montemaria upang “makapagnilay” at “makapagmuni-muni.”

Hindi rin tayo nagtataka kung bakit ayaw nang “pumusta” ng mga Batangueno sa ibang mga nagpoposturang lingkod-bayan dahil nakita na nila ang “pruweba” ni Gov. Dodo, halimbawa na lang ang higit 25,000 ‘scholars’ na pinag-aaral niya sa mga kolehiyo sa Batangas.

Ang paniwala kasi ni “Gob,” ang henerasyong “edukado” ang “magtutuloy” sa progreso na natatamo ng probinsya ngayon.

Dahil na rin sa magandang pamamalakad ni Gov. Mandanas na “bawal” ang korapsyon at ‘red tape’ sa administrasyong panlalawigan, sadyang naging mabilis ang pag-asenso ng Batangas at sa hinaharap, hindi na tayo magtataka kung ang Batangas ang maging sentro ng buong Calabarzon region kaya, wala na tayong masasabi kundi... mabuhay ka, Gov. Mandanas!

***

Marami sa Bureau of Customs (BoC) ang “umaray” sa tinuran noong isang linggo ni Sen. Ping Lacson na kaya patuloy ang pagpasok sa bansa ng mga basura mula sa ibang bansa ay dahil mayroon pa ring mga “korap” sa mga opisyal at empleyado ng ahensiya. “Sila” raw ang dahilan...  

...kung bakit “nakakapasok” ang mga ito sa pantalan.

At para sa isang pulitiko na ang anak ay patuloy ang mga transaksyon sa Aduana, “alam” ni Sen. Ping ang kanyang sinasabi.

‘Yun nga lang ‘dear readers,’ kung “totoo” ang hugot ni Sen. Ping, eh, bakit “naharang” ng BoC ang mga basurang ito, simula sa mga basura galing sa Canada noong termino ni Noynoy hanggang sa tatlong kargamento ng mga basura mula sa South Korea, Hong Kong at Australia sa termino ni PDU30, aber?

Kung “totoo” nga na walang naging pagbabago sa Aduana at panay pa rin ang tanggap ng “tara” ng mga taga-BoC, eh, bakit nasa hurisdiskyon pa rin ng BoC ang lahat ng basurang ito at hindi sila pinayagang makalabas ng “yarda,” aber?

Hindi ba dapat, nailabas na sila ng pantalan at sakali mang naibalita ng media, eh, malamang, andun na ang mga ito sa tambakan ng basura kung saan sila gustong itapon ng mga nagparating nito, tama ba dear readers? Kung ganito ang nangyari, eh, kasama tayo ni Sen. Ping sa pagbibintang na “korap” (pa rin) ang BoC!

Hindi natin tinatawaran ang galing at talino ni Sen. Ping, mga kabayan at sa totoo lang, bilib tayo sa kanyang mga krusada. Subalit, sa pagkakataon na ito, lumalabas na ‘misinformed’ si Sen. Ping sa mga proseso sa Aduana.

Bagaman nga hindi rin tayo “eksperto” ang regulasyon ay, maliban na lang kung may “prior notice” na may darating na kargamentong kontrabando at ipinagbabawal sa batas, “no choice” ang BoC kung hindi payagan na “makadaong” ang isang barko at makapagbaba ng kanilang kargamento.

At sakali man na may ganitong “prior notice,” hindi ang BoC ang may responsibilidad na harangin sa karagatan ang mga kontrabando, bagkus, responsibilidad ito ng Phil. Coast Guard at ng Phil. Navy dahil sila ang mas nasa posisyon para sa mga ‘interdiction mission.’

Sa isyung ito ng mga basura, masasabi bang korap at mga “bayaran” ang mga taga-BoC samantalang sila ang nakabisto sa ginawang maling deklarasyon ng mga ‘customs broker’ at ‘consignee’ na siyang nasa likod ng pagpasok ng mga ito sa bansa?

“Esep-esep” din pag may time, hehehe!

At oops! Ang isa pang “sablay” na ulat (ng ilang mga kapatid sa media) na nabasa natin ay ang “promosyon” ni ex-POM/MICP district collector, Atty. Vener Baquiran bilang bagong deputy commissioner of Customs.