History at turismo!

TAMA ang panawagan ni reelectionist Senator Sonny Angara na ipalaganap ng Department of Tourism ang ‘storytelling’ o pagkukuwento ng turismo sa Pilipinas.

Ito, ayon kay Angara, ay malaking bagay upang mas maraming dayuhan ang mahikayat na bumisita sa bansa at silipin ang magaganda nating tanawin at lugar.

Ang panghihikayat ng senador ay ginawa nito bago aprubahan ng Senado ang panukalang P3.377B DoT budget noong nakalipas na Lunes.

“Magandang paraan ang “storytelling” o pagkukuwento tungkol sa turismo dahil makukuha natin ang interes ng mga dayuhan na pumunta rito at mapatunayan sa kanilang sarili ang ganda ng Pilipinas,” ani Angara na siya ring chairman ng Senate committee on local government.

Kaisa ni Angara sa panawagang ito sina Senate Majority Leader Migz Zubiri at Senador Richard Gordon na gawing prayoridad sa mga programa ng DoT ang storytelling sapagkat tiyak na mapalalakas nito ang Philippine tourism.

Ani Angara, ang kakulangan sa pag-endorso sa ating naggagandahang tourist destinations ang isa sa mga suliranin kaya’t nananatili tayong kulelat sa usaping turismo sa ating mga karatig-bansa sa Southeast Asia.

Partikular na binanggit ni Angara ang Boracay na sa kabila ng taglay na ganda ay hindi naman “naibebenta” kumpara sa kasikatan ng Bali beaches. Bukod na rin ito aniya sa solidong promosyon ng Indonesia sa naturang tourist destination.

“Kumpara sa Bali, masasabi nating mas malayo ang ganda ng Boracay, maging ng mga karagatan namin sa Aurora. Ang problema lang, wala tayong ipinakakalat na magagandang kuwento tungkol sa angking kagandahan ng ating sariling karagatan,” ani Angara.

Sa datos ng World Bank, nakapagtala lamang ng 5.361 milyong tourist arrivals ang Pilipinas noong 2017, kumpara sa 29.923 milyong tourist arrivals sa Thailand; 25.721 milyon sa Malaysia; 12.051 sa Singapore; 10.407 milyon sa Indonesia at 7.944 milyon sa Vietnam.

“Umaasa tayo na dahil dito, gagawa ng malakas na programa ang DoT para sa turismo at dapat ay isama nila rito ang pagpapalaganap ng kapani-paniwalang kuwento ukol sa kagandahan ng Pilipinas,” pahayag pa ni Angara.

Hiniling din ni Angara sa ahensya na gawing prayoridad pa sa programa ang pagsusulong sa turismo ng mahihirap na probinsya tulad ng Sorsogon, Leyte, Negros Oriental, Zamboanga, Catanduanes at Siquijor upang matulungan din ang kabuhayan ng mga ito na umangat.

“Kung magagawa nating i-promote ang mga lalawigang ito na sa kabila ng kahirapan ay may angkin namang kakaibang ganda, tiyak na hindi lang natin maiaangat ang kanilang ekonomiya, kundi makalilikha rin tayo ng maraming trabaho,” sabi pa ng nangungunang senador sa nagdaang survey ng SWS at Pulse.

Sa ganang akin, tama ang mga panawagang ito nina Angara, Zubiri at Gordon.

Higit na magiging makabuluhan ang ‘kuwentong turismo’ na panukala ng tatlong senador kung sasamahan ito sa paglalahad naman ng mga kuwentong may kinalaman sa kasaysayan ng Pilipinas.

Naniniwala kasi tayong magandang pagkakataon din ito upang ipalaganap sa buong mundo ang pagbibigay kaalaman hinggil sa ‘makulay na kasaysayan’ ng bawat ‘tourist spot’ sa Pilipinas.

Ika ‘nga, hindi lamang basta  paglalabas ng tamang ‘messaging’ para sa angkop na promosyon ng DoT, kundi mas kahanga-hanga ito kung pagsasamahin sa iisang mensahe ang ganda ng turismo at nakahahangang history ng ating bansa!

Alalahanin nating hindi lahat ng tourist spot sa Pilipinas ay ganda lamang ang ‘laman,’ kundi may mga nakabalot din silang magandang kasaysayan!