‘Holy week business as usual’

PALASPAS na sa Linggo. Kinabukasan, magsisimula na ang Holy Week na isa sa pinakabanal na tradisyon ng mga Katoliko na tulad ko.

Laki ako sa old school tradition. Ito iyong mga matatandang kaugalian na maaaring out of this world para sa mga millenials.

Noong nasa elementarya pa kami dekada 70s lang iyon, karaniwan na sa amin ang naghihintay ng mga senakulo o kaya’y mga nagpapanata sa ganitong panahon.

May mga hinahataw ang kanilang mga sarili, may mga nagpapapako sa krus, may mga pabasa kaliwa’t kanan at may mga naglalakad ng halos 30 kilometro papuntang Lourdes Grotto  sa Bulacan o kaya’y sa Mt. Banahaw.

Maraming paniniwala  ang “Santu-santo” na hindi na natin masyadong nababalitaan ngayon. Noong araw, ang Holy Week ang pinakatahimik na linggo sa buong taon. Balik lang sa normal ang buhay sa Easter Sunday.

Kapag sumapit na ang Maundy Thursday, wala ka nang makikitang nakabukas na mga commercial stores. Ultimong sari-sari store ay sarado. Kaya nga may panic buying pa kami noon dahil wala nang mabibilhan ng pagkain kapag Huwebes na. Ngayon, wala nang ganitong obserbasyon, mas maingay na ang Holy Week.

Pati pagligo, binabawal ng mga matatanda sa una kapag Good Friday. May nakilala naman akong matanda noong araw sa Sta. Barbara sa Quezon City na si “Mamay” na ang tradisyon naman niya, Biyernes Santo lang siya naliligo.

Hindi lang business as usual ang Maundy Thursday at Good Friday, mas matindi pa ang negosyo dahil nagdadagdag pa ng stocks ang mga negosyante dahil mas maraming potential customers sa ganitong mga panahon.

Sa mga panahong ito kasi maraming nagbabakasyon, nagsu-swimming at kung anu-ano pang aktibidad na hindi nagagawa sa karaniwang panahon.

Pati mga malls, bukas na rin sa ganitong mga araw. Sa aming kabataan, lahat wala, pati telebisyon, sarado lahat ang channels, pati na mga radyo. Ngayon, pareho na lang ang pagtrato sa Holy Week, business as usual lahat.

Bawal kaming maglaro nang “maharot” magmula Lunes Santo dahil tinatakot kami ng mga matatanda na “hindi gagaling ang sugat” kapag nasugatan ka sa ganitong panahon.

Pakiramdam namin noon, lahat ng makakasalubong namin sa kalsada ay parang mga “santong buhay” dahil halos hindi makabasag pinggan sa ingat ng kilos.

Nakakamis din ang mga ganoong panahon dahil malaki na talaga ang pinag-iba. Pakiramdam ko, “matanda ako sa una” na naghahangad bumalik sa mga ganoong panahon.

Gustuhin mo mang gawin ulitin iyon, hindi na rin madali dahil sa maraming pagbabago sa ating paligid.

Ang wish ko, kahit man lang iyong makasalubong ka ng mga “santong buhay” sa ganitong mga panahon ay maulit.

Palagi ko ngang sinasabi, wala pa ring tatalo sa aming kabataan. Wala man kaming gadgets noon, wala man kaming malalaking malls na napupuntahan, masaya kami at kuntento sa simpleng buhay, lalo na sa panahon ng “santu-santo.”

allanpunglo@gmail.com