Hugpong ng Pagbabago sa Malabon City

Noong isang linggo ay nagtungo ang Hugpong ng Pagbabago sa Malabon City. Sa pangunguna ni presidential daughter at Davao City Mayor Inday Sara Duterte, pumirma tayo kasama si Vice Mayor Jeannie Sandoval ng kasunduang magpapatibay pa sa ating pagiging partners for change.

Isang political phenomenon ang HNP. Mula noong naging kongresista ako noong 1998, ito ang unang beses na merong regional party na kayang makipagsabayan sa mas matatagal nang partido.

Hindi na ito nakakagulat dahil gaya ng ama niyang si Pangulong Duterte, tila ni-reset ni Mayor Sara ang political landscape sa bansa. Sa pagpasok ng HNP, hindi na Manila-centric ang mga personalidad sa policy-making.

Sa pamamagitan ng isang Pangulo nating taga-Mindanao at isang regional party na base sa Mindanao, aminin natin na mas namumulat tayo sa mga isyu sa ibaba ng Luzon.

Kasama ito sa pangakong pagbabago -- ang bigyan ng tinig ang mga dati’y paminsan-minsan lang natin naririnig.

Kung natuwa nga tayo na idinugtong ng Department of Transportation ang Malabon City sa riles ng tren sa unang pagkakataon sa loob ng ilang dekada, ano pa kaya ang nararamdaman ng mga taga-Mindanao dahil magkakatotoo na ang pagtatayo ng railway sa kanila?

Hindi ko lubos maisip ang benepisyong matatamo ng mga naninirahan dun sa aspeto ng komersyo, turismo, at tranportasyon sa oras na may riles na ng tren sa Mindanao. Ang usapin ng seguridad habang itinatayo ito at sa oras na tumatakbo na ito ang malaking hamon para sa ating mga law enforcement agencies.

Hindi lang ang pagpapatayo ng train system sa Mindanao ang ginagawang realidad ng administrasyon. Inimbitahan tayo kamakailan ng DOTr para saksihan ang inagurasyon ng unang Metro Manila Subway.

Sabi nga ni Sec. Art Tugade: “When we announced that we are doing the subway, many sectors did not believe. Sabi nila, ‘Subway station? Drawing lang ‘yan. Hindi totoo ‘yan.’ Sa mga nagduda, ang Subway Station po ay totoo. Ito ang magbibigay sa ating mga Pilipino ng comfortable life.”

Sa bilis nitong 80kph, aabutin na lang nang 31 minuto ang biyahe mula Quezon City patungong NAIA Terminal 3. Incredible din ang connectivity ng Metro Manila Subway dahil magkakaroon ito ng apat na Common Stations na konektado sa LRT at MRT. Accessible din mula sa mga istasyon ng subway ang mga land-based transport tulad ng bus, taxi at jeepney.

Kamakailan din ay saksi kami ni Vice Mayor Jeannie sa inagurasyon ng NLEX Harbor Link Segment 10 at groundbreaking ng NLEX Connector.

Ginamit na nga ito ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian. Sabi niya, inabot lang ng 45 minutes ang Valenzuela to Roxas Boulevard na dati ay inaabot ng dalawang oras.

Marami pang naka-linyang proyekto sa Build Build Build Program. Habang isinusulat ko nga ito ay nabalitaan kong tuloy na tuloy na ang LRT-1 Cavite Extension Project. Marami sa mga programang ito ang matatapos lampas pa sa termino ng Pangulong Duterte. Marahil problema kung itutuloy ba ito ng susunod na administrasyon.

Sa pagbisita ng HNP sa Malabon, alam kong may next in line na tayo para ipagpatuloy ng pagbabago.

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)