Hulihin ang mga mandarayang jewelry shop sa Ongpin at Baclaran!

December 17, 2018

DAGSA ang natatanggap nating reklamo hinggil sa garapalang pandaraya na ginagawa ng mga may-ari ng jewelry shop sa Ongpin, Manila at Baclaran, Parañaque City.

Dahil dito, gusto nating iparating ng direkta ang kanilang reklamo sa Manila City Hall, Parañaque City, mga lokal nilang police stations, Department of Trade and Industry (DTI) at kahit National Bureau of Investigation (NBI).

Karamihan sa nabibiktima ng mandarayang jewelry shops ay mga kababayan nating mahihirap na walang ibang hangad kundi ang magkaroon ng alahas -- panregalo man ito o personal. Iyong iba naman ay gamit mismo sa kanilang kasal o engagement na isa sa pinakamahalagang araw sa isang magkasintahan.

Ang gimik ng mga loku-lokong jewelry shop owners ay dadayain ang ibinibigay na uri ng ginto. Halimbawa ang sinasabi nilang 22 karat gold ay pinapalitan nila ng 18 karat gold.

Iyong bumibili naman ng 18k ay bibigyan ng 14k na ginto.

Hindi ito basta mapapansin ng ordinaryong tao na walang alam kung paano sumuri at kumilatis sa uri ng ginto.

Isa pa sa panloloko ay ang pandaraya sa timbangan. Walang iniwan ito sa mga mandarayang timbangan ng karne ng baka, baboy at isda sa palengke.

Ang ipinagkaiba, maliit ang timbangan sa jewelry shop. Ina-adjust nila ang timbangan mula isa hanggang tatlong gramo. Malaking pandaraya ito dahil ang halaga ng isang Saudi gold ay umaabot sa P400 hanggang P600 kada gramo.

Kung tatlong gramo ang nadaya sa bumibili ng alahas, tiyak nanakawan na sila ng walang kalaban-laban.

May online delivery din ang ilang jewelry shop. At tulad ng binanggit nating modus-operandi, ganito halos din ang panloloko na ginagawa nila sa kanilang parokyano.

Ang tanong, sino ba talaga ang dapat magbantay sa kanila?

Ang DTI, City Hall, lokal na pulisya, barangay o kailangan pa ng NBI?

Hindi basta-basta ang mga sumbong na ganito kasi tulad ng sinabi ko, karamihan sa mga nabibiktima ay mga kababayan nating mahihirap.

Ilan sa lumapit sa atin at naghayag ng reklamo ay mga kababayan na nagpakapagod magtrabaho sa mahabang taon. Nangarap silang magkaroon ng alahas -- iyong iba ay panregalo sa kanilang magulang o kasintahan -- pero nang ipa-double check nila ang nabiling alahas, doon na lamang nila nalaman na nagoyo na sila!

Iyong isa nga, excited pa umuwi sa kanilang probinsiya sa Visaya, pero nang ipasuri na niya ito sa kanilang bayan, doon na lamang nila nalaman na napeke sila ng mga hunghang na jewelry shop owners.

Wala muna tayong tutukuyin na pangalan ng jewelry shop sa Ongpin at Baclaran, ngunit kapag nagpatuloy sila sa ganitong uri ng panloloko, mapipilitan natin silang pangalanan.

Karamihan sa mga may-ari ng tindahan ng alahas ay mga Chinese businessmen. Siguro, panahon na ring pasadahan ang kanilang lisensiya sa tindahan o pati na rin ang kanilang mga ‘Immigration papers.’

Sa kabilang banda, bilib tayo sa tapang, talino at integridad ni Chief Supt. Vicente Danao, direktor ng Manila Police District (MPD).

Kaya umaasa tayong personal niyang uutusan si MPD station 11 commander Supt. Antonietto Eric Mendoza upang sawatahin ang mga manlolokong jewelry shop sa Ongpin.

Gayundin kay Sr. Supt. Jojo Rosales, hepe ng Paranaque City Police, dahil talamak din ang panloloko ng jewelry shop sa Baclaran.

Masipag naman si Chief Insp. Ohmar Bognot, PCP 1 commander sa Baclaran, kaya imposibleng hindi nito mahuli ang mga oportunistang jewelry shop owners sa kanyang nasasakupan.

Sigurado ako na ang ganitong uri ng panloloko ay hindi pa alam ni Bgy. Capt. Jun Zaide dahil tiyak, may paglalagyan sila sa guwapitong barangay chairman.

Mana yata siya sa Kuya Jepoy n’ya!