Humuhugot ang Vincentiments’ ni Senator Sonny Angara!

December 15, 2018

PATOK ang bagong pakulo ni re-electionist Senator Sonny Angara sa social media.

Mga short film ito na may kinalaman sa ‘hugot pag-ibig’ ng mga kabataan na kung tawagin  ‘millenials.’

Sa mga hindi pa nakakapanood ng ‘Angara hugot short film,’ puwede silang pumunta sa Youtube at hanapin nila ang ‘Vincentiments Labeled Love’ ng senador kung saan hiniling ng isang dalaga sa senador na magpasa ng batas na may kinalaman sa ‘karapatang pantao.”

Halimbawa aniya ay ang “Karapatang Magselos; Karapatang Magtanong at Makaalam na may kinalaman sa kanilang crush); Karapatang Mapagod (sa pag-ibig) at karapatang magsawa (sa pag-ibig pa rin!).

Kung tama ang ating tantiya, si Angara lang ang senatorial candidate na naglakas loob na gumawa ng ganitong uri ng ‘short films’ na may kinalaman sa mga pumapag-ibig na millenials.

Likha ito ng Vincentiments, isang online page na nagpo-produce ng short films. Ito ay sinulat at direksiyon ni Daryl Yap, samantalang ang cinematography at editing ay gawa naman ni Vincent Asis.

Isa pang short film ni Angara na takaw  atensiyon ang ‘Rebound’ kung saan  pinapayuhan ng senador ang dalagang bida tungkol sa pag-ibig.

Ani Angara, hindi dapat na tagasalo ang babae sa isang lalaking kalalagpak lamang sa dating pag-ibig.

“Pag-rebound ka, para kang nasa volleyball game. Sa ibang player nakatakdang lumapag ang bola. Hindi lang siya nag-mine kaya ikaw ang tumira,” sabi pa ni Angara.

“You are not a bus stop. You are the destination. Sa isang menu, hindi ikaw ang inoorder. Nagkataon na ikaw lang ang available. Ginusto mong ginusto ka lang. Ikaw ay hindi gamot at hindi dapat gamiting panggamot sa anumang uri ng sakit,” litanya pa ng matalinong anak ni dating Senate President Edong Angara.

Marahil, para sa ibang botante o iyong mga nakatatanda na hindi maka-relate sa trip ng millenials, masyadong ‘mababaw’ o ‘malalim’ ang ganitong linya para intindihin. Isa raw itong ka-cheapan para patulan pa ng isang re-eleksiyunistang senador na kilalang may akda ng Free College Tuition Law sa bansa.

May nagsasabi pa ngang hindi na dapat pang gumagawa ng ganitong uri ng kabaduyan si Sonny kasi  bilang mambabatas, mainam na ang ilatag nitong plata porma de gobyerno ay ang kanyang mga ‘legislative agenda.’

Sa ganang akin, tama lang ang ganitong uri ng gimik. Hindi ito cheap, hindi ito baduy at lalong hindi trying hard.

Oo hindi na milenyal si Angara. Pero hindi ito dahilan para hindi niya pakinggan ang anumang karaingan at pangangailangan ng ating kabataan.

Hindi dapat mawala sa ating salinlahi ang kasabihang  ‘kabataan ang pag-asa ng bayan.’

Kahit ba tungkol sa kababawan sa pag-ibig iyan, may karapatan tayong pakinggan ang kanilang hinaing o pangangailangan.

Bilang magulang, sa mga ganitong uri ng atake sa short film lamang natin maririnig ang kagustuhan ng ating kabataan. Ipagpapalagay na natin na tungkol sa pag-ibig ang trip nilang pag-usapan. Maganda pa ring venue ang social media para mabigyan sila ng tamang aral o tamang payo mula sa nakatatanda sa kanila.

Hindi porke senador na ang trabaho ay tagapaggawa ng batas ay wala nang karapatang magpayo sa kabataan pagdating sa pag-ibig.

Dahil tulad ko at marami pa kaming magulang na may anak ngayong ‘millenial,’ natural na mag-adjust tayo sa paraan kung paano natin papakinggan ang ating mga anak para naman makapag-adjust din sila kung paano naman natin sila matuturuan ng tamang payo -- pag-ibig man iyan o tungkol sa kanilang personalidad at kinabukasan.

Ang magulang, hindi lamang dapat nagsasalita kundi dapat marunong ding makinig sa saloobin ng ating mga anak.

Magaling ang nakaisip ng ‘Vincentiments’ ni Angara.

Mas gusto ko na ang ganitong uri ng pakulo sa pulitika, kaysa naman bukas makalawa, ang ilan nating pulitiko ay abala na para sa black propaganda na walang ibang gagawin kundi sirain ang kapwa kandidato mahila lamang nila itong pababa sa darating na halalan.

Congratulations sa Vincentiments and kudos kay Senador Sonny Angara!

Hugot pa!