Huwad na pagtulong sa panahon ng Kapaskuhan

December 12, 2018

ANG araw ng Pasko ang isa sa pinakamahalagang okasyong ipinagdiriwang ng bawa’t Pilipino dahil dito nakapaloob ang diwa ng pagbibigayan, pagpapatawad at pagmamahalan.

Pero hindi rin naman maikakaila na ito rin ang panahong hinihintay ng ilang tiwaling opisyal ng pamahalaan upang magsamantala at kumita ng limpak-limpak na salapi tulad ng pagpapahintulot sa mga manininda na maka-puwesto sa bawal na lugar tulad ng bangketa at mismong sa kalsada. Katuwiran nila, pagbigyan na lang muna ang mga ito na sakupin ang lugar na inilaan sa motorista at pedestrian para sila kumita sa “marangal” na paraan.

Hanep ang dating! Parang nasa puso talaga ang pagtulong pero wagka, paraan nila ito para kumapal ang laman ng kanilang bulsa. Bahala na ang mga motorista na mawindang sa masikip na daloy ng trapiko at  pedestrians na maglakad sa mismong lansangan at mabundol ng sasakyan.

Tanong ng mga motorista at pedestrian, ganyan ba talaga ang wastong paraan ng pagkakaloob ng pribilehiyo tuwing sasapit ang Pasko? Paano naman ang karapatan ng mga estudyante, manggagawa, mga ordinaryong mamamayan, mga motorista at mga naglalakad sa lansangan?

Dito nga lang sa kahabaan ng Libertad sa Pasay City, halos hindi na makita ng mga mananakay ang daan patungo sa LRT station dahil napuno na ng vendors ang bangketa at sinakop pa ang lansangan. Maging sa Taft Avenue Ext. patungong Baclaran, wala na rin halos madaanan ang mga motorista dahil sinakop na ng vendors, hindi lang bangketa kundi ang mismong kalye.

Tanong pa ng mga apektadong mamamayan ng Pasay, paano nila susuportahan ang kandidatura ni Cong. Emy Calixto-Rubiano sa nalalapit na halalan kung ganito nang ganito ang kalbaryong inaabot nila sa tuwing sasapit ang Pasko?

Ganito rin ang sitwasyon sa Rizal Avenue sa Carriedo dahil nasa mismong lansangan na sa ilalim ng LRT Carriedo Station ang isang katerbang vendors kaya hindi na halos makadaan ang mga mananakay ng tren.

Isa raw kasing opisyal ng city hall ang nagbigay ng permiso sa mga “kawawang vendors” na makapaghanapbuhay ng “marangal” sa Kapaskuhan kaya pinayagang sakupin ang kalye at lansangan kaya ang masikip na daloy ng trapiko patungong C.M. Recto ay umaabot hanggang sa MacArthur bridge.

Ang siste, hindi naman pala lahat ng vendors ay taga-Maynila dahil karamihan ay mga dayuhan na bitbit ng organizer ng kausap ng isang opisyal para sakupin ang lansangan at siyempre, katumbas ng tamang halaga.

Naku, panalangin niyong huwag mag-ikot si Mayor Erap dahil kapag nakita niya ang sitwasyon ngayon sa Carriedo at reklamo ng mga mananakay ng LRT, baka hindi lang masibak sa puwesto ang opisyal na promotor dito. Kilala naman niyo si Mayor Erap, nananampal nga ng tiwaling pulis yan, baka sapok na ang abutin sa kanya ng tiwali niyang opisyal.

Libreng lambat at bangka

May 80 mahihirap palang mangingisda sa lungsod ng Navotas ang pinalad dahil nabigyan sila ng libreng lambat at fiberglass na bangka mula sa lokal na pamahalaan.

Sa ilalim kasi ng NavoBangka-buhayan program nina Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco, ang mga kuwalipikadong mangingisda na walang bisyo ay napagkalooban ng lambat at bangka na may 18hp na makina.

Ayon kay Mayor Tiangco, hangad nilang mabigyan ng regular na pinagkakakitaan ang mga mahihirap na mangingisda upang makaahon sila sa hirap at matustusan ang mga pangangailangan. Pinaalalahanan din niya ang mga benepisyaryo na maging responsable sa pangingisda, maging masinop at tumulong sa pangangalaga at pagreserba sa kalikasan.

Binati naman ni Cong. Toby ang mga tumanggap ng biyaya at nilinaw na hindi lamang ang mga mangingisda ang hangad nilang tulungan kundi pati ang mga nangangailangan ng hanapbuhay sa pamamagitan ng ipinatayong dalawang training center. May pagkakataon na aniya ang mga Navoteño na magkaroon ng technical-vocational skills sa training centers, pati na ang nagnanais magsimula ng sarili nilang negosyo sa inilunsad namang entrepreneurship caravan.

Samantala, nasaksihan ng mga Navoteño ang husay sa sayaw at indak nina Mayor John Rey Tiangco at Vice Mayor Clint Geronimo nang makiisa sila sa parangal na ipinagkaloob ng Navotas sa may 1,800 na guro sa idinaos na concert para sa pagdiriwang ng Navotas Teachers Day na tinampukan ng mga kilalang bituing mang-aawit, kabilang sina Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Martin Nievera, Gabby Concepcion, Julie Anne San Jose at iba pa

Sinabi ng alkalde na ang pagkakaloob ng libreng concert ang paraan nila upang parangalan ang sakripisyo ng mga guro sa kabataang Navoteño at sa pagtulong na maging responsableng mamamayan ang kabataan,

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.