Huwag bentahan ng sasakyan kung walang garahe

November 28, 2018

KUNG tatanungin ang sinuman bakit lumalala ang trapik sa Metro Manila at malalaking lungsod sa bansa ay isa lang ang kasagutan -- ang labis na pagdami ng mga sasakyan sa kalsada.

Napakaraming bagong sasakyan ang tumatakbo sa buong MM at malalaking syudad sapagkat napakadaling kumuha ng sasakyan ngayon.

Kung noon ay kailangan ng malaking down payment para bumili ng bagong sasakyan, ngayon ay makakakuha ka ng brand new car na ang down payment ay wala pang limangpung libong piso (P50,000)., mayroon pa ngang walang DP.

Dahil rito ang mga bata at bagong empleyado na wala pang sariling bahay na may garahe ay madaling nakakukuha ng sasakyan. O, ang mga nangungupahan lamang sa mga apartment na walang garahe ay madami ring nakabibili ng .mga bagong sasakyan.

Ang resulta nito’y ang pagsikip ng maliliit na kalye dahil mistula na itong garahe.

Ganito ang hitsura ng Maynila, halimbawa sa Dapitan na ang kaliwa’t kanang bahagi ng kalsada ay ginawang garahe kaya’t masikip daanan at nagdudulot ng matinding trapik.

At dahil ganito ang sitwasyon sa buong Metro Manila, dagsa ang lahat ng uri ng mga bagong kotse sa  kalunsuran kayat ang resulta’y matinding trapik.

Maganda ang may bagong kotse sapagkat ito’y maginhawang sakyan. Subalit kung wala naman tayong paparadahan at makapagdaragdag lang tayo ng trapik sa kalsada ay mas mabuting huwag na lang tayong bumili ng bagong sasakyan.

Unahin natin ang pag-ipon ng sapat na halaga para makapagpagawa ng bahay na may garahe saka tayo bumili ng kotse.

Sana ang pagbili natin ng bagong kotse ay hindi makadagdag sa malalaking problema ng trapik sa ating bayan.

Tama ang panukalang batas na huwag bentahan ng sasakyan ang sinumang walang bahay na may garahe para rito.

Huwag natin unahin ang porma kung makakaperwisyo naman tayo sa ating kapwa at sa bayan.