Huwag magsiga at magsunog

March 10, 2019

Kahit dito sa Kamaynilaan ay may nagsisiga upang makaluto ng pagkain. Ibig sabihin ay hindi lang sa mga lalawigan ito ginagawa.

Mayroon din namang nagsusunog ng mga “basura” tulad ng plastic, papel, mga tuyong dahon at sanga ng punongkahoy upang mawala raw ang kalat sa harap ng bahay nila.

Mayroon ding nagsisiga at nagsusunog ng mga nabanggit kong bagay bilang panluto.

Parehong pagsusunog at pagsisiga ang mga gawaing ito na labag sa batas o ang Republic Act 9003 o Ecological solid Waste Management.

Binigyang diin ng Bangon Kalikasan Movement (BKM) at Ecowaste Coalition (EC)  ang pagsunod sa nasabing batas ngayong  Fire Prevention Month.

Hindi pa nga sumasapit ang buwan ng Marso ay panay na ang tunog ng sirena ng mga trak ng bumbero sa Kamaynilaan upang pumunta sa mga komunidad at apulain ang mga nasusunog na kabahayan.

At nang sumapit ang mismong buwan ng Marso, sa lunsod Quezon pa lang ay marami nang bahay sa mga barangay nito ang nasunog. Kalunos-lunos ang mga pangyayaring ito halos taon-taon.

May nagsasabing ang mga dahilan ng sunog ay depektibong kable ng kuryente, naiwang nakasinding kandila at ilang mga aksidenteng pangyayari tulad ng pagsisiga ng panlutong pagkain.

Sinabi na noon pa man ng Department of Health na masama sa kalusugan ang paglanghap ng mga nasusunog na kahoy, papel at plastic. Kaawa-awa ang mga ina na halos araw-araw ay nahihinga ang carbon mula sa sinusunog na kahoy, papel at plastic.

Sa mga lalawigan, kadalasang gamit bilang panggatong ay kahoy, mga sanga ng puno o papel. Ngunit ang ilan sa mga lutuan sa probinsya ay nakahantad kaya kitang-kita ang usok mula sa lutuan at ang ihip ng hangin ay hindi lamang nakatuon sa taong nagluluto kundi maging sa mga kapitbahay.

Ngunit mapanganib  ito sa kalusugan at buhay ayon sa EC at BKM. Ang pagsusunog, pagsisiga ay lumilkha ng furans at dioxins, mga nakalalasong kemikal na kapag nalanghap ng tao ay maaring magdulot ng malalang sakit tulad ng kanser sa baga. Ang ilan pang sakit ay ubo, sakit sa balat, mata, hika at iba pa.

Sabi nga ng isang kakilala kong tumigil na sa pagsisigarilyo, “kapag nahinga mo ang usok mula sa pagsisiga, para ka na ring naninigarilyo ng isang kahang sigarilyo. Masakit sa dibdib ang amoy ng nasusunog  o nagsisiga.”

Sa aming komunidad nga ay may ilan pa ring pasaway na tao. Ang problema ay ni hindi pa nga ito residente ng aming barangay. Mga manggagawa mula sa  iba’t ibang lugar at  sa isang compound malapit sa amin pinagpapahinga ng contractor at pinagpapahinga ang mga ito. Ngunit nagsisiga, nagluluto  sa garahe na open space na garahe ang mga taong ito! Ang panggatong nila ay mga tira-tirang kahoy sa mula sa isang construction site.

Masakit sa dibdib ang amoy ng usok na nililikha ng pagsisiga. Ang katabi ng garahe ay isang lumang bahay na gawa sa kahoy. Ang garahe ay nasa isang compound na may legal pang usapin tungkol sa pagmamay-ari. Ibig sabihin ay hindi pa malinaw kung may karapatang magpahinga doon ang mga tauhan ng contractor.

Isang 98 taong gulang na retiradong nurse na  babae ang nakatira sa lumang bahay. Dumadaing siya ang anak nito sa tuwing maaamoy ang usok-lasong polusyon. Walang pader na pagitan ang compound at lumang bahay. Isang “dura” lang ang layo ng mga ito.

Bawal ito ayon sa Ecowaste Coalition at Bangon Kalikasan Movement. Ipinagbabawal ito sa mga batas RA 9003, Clean Air Act at iba pang environmental laws.

Sana’y maaksyunan ang isyung ito ng QC Environmentl Department na itinawag ko na sa kanila noon pang nakaraang taon. Tila walang magawa ang pamunuan ng aming barangay. Kung hindi ito malulutas ng mga kinauukulan, gagamitin ko ‘ika nga ang kapangyarihan ng pluma upang matigil ang ganitong masamang gawain laban sa mga tao at Inang Kalikasan. (bangonkalikasan@yahoo. com)