Huwag maligo sa Look ng Maynila

February 09, 2019

KULANG na kulang  ang isang taon  para mapababa ang coliform bacteria mula sa tinatayang 330 milyon units per cubic meter sa ligtas na 100 units per cubic meter, para mapagpaliguan, malanguyan at mabuhay na muli ang isda  sa look ng Maynila na pinagmamalaki  ng ating bansa na may pinakamagandang tanawin sa paglubog ng araw.

Bagamat matagumpay ang isinagawang paglilinis ng basura sa baybayin ng look ng Maynila, nananatiling peligroso ang tubig nito na tinaguriang inidoro ng dumi. Hindi ko papayagan ang anak ko na lumangoy sa swimming pool na punong-puno ng dumi.  Ang mga pamilya na nagkamali ng akala na ligtas languyan ang look dahil wala ng basurang nagkalat at nakalutang sa tubig ay punong-puno ng pagsisisi. May mga nakainom ng tubig nito sa kanilang paglangoy at agad na dinapuan ng “waterborne” na karamdaman. Maraming taon pa at maraming  kilos pa ang dapat gawin ng pamahalaan at ng sambayanang Pilipino para makumpleto ang rehabilitasyon ng makasaysayang look batay sa Manila Bay Coastal Strategy na binabantayan ng Korte Suprema.      

May dalawang dekada na ang lumipas nang magsama-sama ang ilang mga estudyante ng batas para ipagsakdal ang pamahalaan sa Korte upang utusan ito na linisin ang look ng Maynila.  1999 pa lang nirereklamo na ang baho, basura, at maruming kulay ng tubig ng look na may 1 milyon Unit ng bacteria kada cubic meter ng mga panahong iyon.  

Umabot sa Korte Suprema ang usaping ito at pinagbigyan ang panawagan ng mga estudyante noong 2008.  Nagbaba ng “continuing mandamus” ang Korte Suprema para utusan ang 11 ahensiya ng pamahalaang nasyonal at mga lokal na pamahalaan na linisin at buhayin ang look ng Maynila at magsumite kada 90 araw ng quarterly progress report.

Inatasan ang DENR na magbalangkas at ipatupad sa lalong madaling panahon ang isang  Manila Bay Coastal Strategy. Si Mahistrado Velasco Jr. ang ponente at si Punong Mahistrado Renato C. Corona ang nangasiwa sa En Banc session na nagpalabas ng kautusan na sinang-ayunan ng lahat ng mahistrado ng Korte Suprema (MMDA et Al vs Concerned Residents of Manila Bay, G.R No 171947-48, Dec .8, ,2008, 574 SCRA 661).

Ang bantog na abogado Antonio A. Oposa Jr.  na dalubhasa sa  public interest  environment law ang pangunahing abogado ng mga estudyanteng nagreklamo sa kaso.  Isa siyang 2009 Ramon Magsaysay Awardee at pinarangalan ng United Nations nuong 1997 na makasama sa UNEP Global 500 Roll of Honor dahil sa kanyang “path-breaking and passionate crusade to engage Filipinos in acts of enlightened citizenship that maximize the power of the law to protect and nurture the environment, for themselves, their children, and generations yet unborn”.

Ang parangal ng UN ay bunga ng ginawa ng abogado sa Oposa vs Factoran (G.R No 101083, July 30, 1993, 224 SCRA 792) kung saan 43 mga batang Filipino ang nagsampa ng reklamo laban sa Kalihim  ng DENR  para makansela ang mga “Timber License Agreements” o TLA  at mapahinto ang paglabas ng mga bagong TLA.   

Kinilala ng Korte Suprema sa kauna-unahang pagkakataon ang “doctrine of intergenerational responsibility on the environment”. Kilala rin ito bilang Oposa doctrine: may karapatan ang mga bata na magsampa ng kaso para sa kanilang mga sarili at mga susunod pang henerasyon na isisilang pa lang sapagkat bawat henerasyon ay may responsibilidad sa susunod na henerasyon na pangalagaan upang mapanatili ang kalikasan.

Si Oposa ay may tatlong mungkahi dapat tutukan para sa rehabilitasyon ng look ng Maynila : 1) basura 2) “ sewage and septage” ( dumi sa alkantarilya/ poso negro) 3) relokasyon ng mga squatter o informal settlers. ( How to rehab Manila Bay-earth lawyer Oposa, Gotcha , Jarius Bondoc, Philstar , January 18, ,2019) .

Ayon kay Oposa, parangalan  ang mga makakalikasang  pamayanan sa tamang pagtatapon at pagreresiklo ng basura. Kabilang dito ang mga nakatira sa mga subdivision at condominium, at townhouses na masigasig sa waste segregation, composting at recycling.  Simple lang ang layunin: tularan ang mga modelong pamayanan at turuan ang iba pa. Iyong mga pasaway, hulihin at parusahan ng pamahalaan.  

Trabaho ng MWSS ang pagsipsip ng mga poso negro. Ang ahensiyang ito ang nakabantay sa Manila Water Co at Maynilad Water Resources. Mula pa 1997, naniningil ang dalawang ito ng sewerage fees na kasama sa billing na binabayaran ng mga kustomer nila. Ang sewerage fees na ito ay dapat gamitin sa pagpapatayo ng mga sewage treatment plants upang malinis na tubig lang ang dadaloy patungo sa look ng Maynila. Dapat pagpaliwanagin ang Manila Water at Maynilad kung  saan napunta ang pera at bakit ang bacteria Level ay tumaas mula 1Milyon units nuong 1999 sa 330 Milyon units ngayon 2019. Libu-libong poso negro ang dapat itayo at hindi ito kayang matapos sa loob lamang ng 12 buwan.

Ang relokasyon ng mga informal settlers ay tungkulin ng mga opisyales ng Housing at mga Mayor at Gobernador ng mga lokal na pamahalaan. Kailangan ang paglilipatan nila ay may sapat na sewerage system, palaruan, open space, at madaling makasakay sa pampublikong transportasyon at makapaglakbay sa paaralan , palengke, ospital at  opisina.  

Tama lang na ipasara muna ang Manila Zoo na 60 taon ng walang poso negro. Ang dumi ng mga hayop at tao ay tumutuloy sa Estero de San Antonio Abad na dumadaloy sa look ng Maynila. May 1.3 Bilyon parts per liter ng coliform bacteria sa esterong ito.  Pinagsabihan na ng DENR ang ilang malls at hotels na wala rin sapat na sewerage system na ayusin ang problemang ito kung hindi ay ipapasara sila.    

Hindi ko alam kung sinama ng DENR si Oposa sa pagbalangkas ng Manila Bay Coastal Strategy. Kung hindi pa, mainam na isali siya.  Maraming kilalang dalubhasa sa kalikasan si Oposa na makatutulong para sa ating layunin na mapaliguan, malanguyan at makapangisda sa look ng Manila.  Sa takbo ng pangyayari, huwag tayong mangako na sa loob lamang  ng 12 buwan ay makakamit natin ito.