Huwag takutin ang mga botante-Pangulong Rody Duterte

December 12, 2018

NAGBABALA si Pangulong Rody Duterte sa mga politiko at kandidato na huwag nilang tatakutin ang mga botante.

Ang gusto kasi ni Pangulong Duterte ay maging free, honest at orderly ang darating na halalan sa Mayo 13, 2019.

Alam ng punong ehekutibo na may mga politikong walang ginawa kundi takutin ang taumbayan.

Ang gusto ng mga ungas na ito ay manatili sa puwesto kahit isinusuka na sila ng taumbayan.

Sa panahon ni Pangulong Duterte ay hindi na puwede ‘yan. Kaya ang utos niya sa taumbayan ay i-report sa kanya ang ginagawang kabulastugan ng mga politikong ito.

Si Duterte daw ang aaresto at kakaladkad sa mga nananakot na politiko.

Huwag na kayong matakot magsumbong dahil nandiyan naman ang celfon at social media.

Walang makakaalam na kayo ang nagsumbong sa Malakanyang.

Tumulong kayo kay Pangulong Duterte para makawala na kayo sa “kuko” ng mga walanghiyang lider na ‘yan.

At dapat ilagay na sa Comelec control ang mga bayan na pinaghaharian ng mga political warlord.

* * *

Marami ang nagsasabing alam na alam na ni Customs Commissioner Rey Guerrero kung gaano kahirap ang maging hepe ng Aduana.

Kahit hindi armado ng baril, bomba at granada ang mga kalaban, sakit talaga sila sa ulo.

Magkakaroon ka ng migraine, alta presyon at sakit sa puso.

Ang problema -- nanggagaling sa kung saan-saan.

Ito ang mga tawag sa telepono, celfon, radyo at text.

Humihingi ng tulong, pabor, nakikiusap, nagrerekomenda ng tao, nagpapa-promote at kung anu-ano pa.

Mabuti sa giyera, kapag alam mo kung nasaan ang  kalaban kaya mong pulbusin ang mga ito sa pamamagitan ng bomba at kanyon.

Sa aduana, hindi mo puwedeng gawin ito dahil ang madalas na nagbibigay ng sakit ng ulo ay mga kaibigan, kakilala at kapanalig.

Kung anu-ano ang hinihingi.

Sa totoo lang, maraming matitinong tao ang lumayas sa aduana na luhaan.

Kaysa magkasakit o masira ang ulo, hayun lumayas na lang sa aduanang pinamumugaran ng mga makamandag na ahas.

* * *

Kung nabigong makamit ng Bureau of Customs  ang collection target ng nakaraang buwan, dapat mag-isip-isip si Commissioner Rey Guerrero.

Lalo siguro kung tuloy-tuloy ang “malas” ng BoC sa buwang ito.Huwag nating kalimutan na nagawang lampasan ni dating BoC Chief Isidro Lapeña ang buwanang assigned tax take ng ahensya mula Abril hanggang Oktubre.

Kung nagawang lampasan ni Lapeña ang collection target ng sunod-sunod na pitong buwan ay walang dahilan para hindi ito magawa ni Commissioner Jagger.

Kagaya ni Lapeña, buo ang suporta ni Pangulong Duterte kay Guerrero.

Nandiyan pa ang tropa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard.

Ang kailangan lang siguro ay i-refine ang mga programa ni Lapeña na nagpaangat ng koleksyon ng ahensya.

At kagaya ng sinasabi ng ilang mamamahayag, dapat salaing mabuti ang mga taong nagboboluntaryong tumulong kay Sir Rey.

Siguradong karamihan sa mga iyan ay may “hidden agenda,”

Kaunting ingat po, Commissioner Jagger, dahil nagkalat ang mga demonyo sa aduana.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)