Iba talaga ang karisma ni Senador Bong Revilla!

February 17, 2019

MAHIGIT apat na taon siyang nakulong dahil sa bintang na ‘pork barrel scam.’

Pero kamakailan (December 7, 2018) lang ay pinawalang sala siya ng Sandiganbayan!

Bilang patunay at pagpupursigi sa paglalabas ng katotohanan, muling tumakbo si dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. 

Ngayong umarangkada na ang kampanya para sa midterm elections, alam na kaagad natin kung sino ang patok at klik sa masa.

Itabi na muna natin ang mga naglalabasang survey dahil hindi naman talaga natin alam kung gaano ba ito katotoo -- bagaman karamihan pa rin sa atin ang naniniwala rito dahil sayantipiko raw iyon at ginagawang basehan ng sinumang kandidato.

Pang-walo si Revilla sa pinaka-latest na survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Enero 26-31. Nakadikit siya sa isa pang nangungunang senatorial candidate na si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.

Ngunit kung pagbabatayan natin ang bawat rally, sortie at kampanya ng mga kandidato, alam na kaagad natin kung sino ang swak sa panlasa ng mamamayang Filipino.

Una na sa listahang ito si dating Senador Revilla.

Grabe ang tilian sa kanya ng kababaihan -- milenyal man o katandaan.

Kahit noong unang sigwada ng kampanya ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa San Fernando, Pampanga, alam mo kaagad kung sino ang liyamado. 

Nakabibingi ang hiyawan at tilian ng ating kababayan. Wag lang kumaway ang guwapitong senador, nakatili agad ang masa.

Tanggalin lang nito ang sunglass, halos mapatid ang litid ng mga kababaihan sa kakasigaw at kakatili.

Sabi ko tuloy sa aking sarili ay iba talaga ang artista. Lalo na kung  katulad ni Senador Bong na hindi naman talaga marunong magsuplado sa masa.

Tulad ng asawang si Bacoor City Mayor Lani Mercado, madali silang lapitan mag-asawa. Ang problema lang, sa sobrang dami na nagkakagulong fans na makalapit sa kanila, hindi na ganoon kadali para magpa-selfie kay Senador Bong.

Kailangan naman talagang ikontrol ang crowd dahil baka magkasakitan pa.

Sa init na pagtanggap kay Senador Bong ngayon, isa lang ang masasabi ko -- sigurado na ang pagbabalik nito sa Senado.    

‘Vindicated’ na rin siya para patunayan na mali ang bintang sa kanya na kinulimbat nito ang P224 million na bahagi ng PDAF.

At lalong ‘vindicated’ si Senador Bong kapag nakabalik ito sa Senado upang maging miyembro ng papasok na 18th Congress.

Kapag nangyari ito, hindi ko alam kung ano pa ang maitatawag sa dating administrasyong Aquino -- pahiya ba sila o sadyang nananaig lamang ang katotohanan bandang huli.

Taong bayan din ang huhusga kung may kasalanan ba talaga si Revilla o wala.

Sabi nga sa salitang latin, Vox Populi na ang ibig sabihin sa tagalog ay boses ng taong bayan! At ito rin ang magluluklok kay Senador Bong pabalik sa Senado!
    
Good luck po sa inyo, Senador Bong!