Ibabalik ba ang basura sa South Korea?

December 03, 2018

“Pustahan tayo ng saging na saba kung ibabalik ang basura ng South Korea na itinambak sa atin o hindi! Ako ang pusta ko hindi, kasi tumatagal na naman dito ang basura tulad nang nangyari sa basura ng Canada. Idinaan sa kuwento-kuwento, miting-miting, press release- press release, ngayon nandito pa rin ang basura nila.,” tila pabiro ngunit masama ang loob nang pahayag ng  isang binata  sa Parañaque.

“Hoy, illegal gambling ‘yang pusta-pusta! Bawal ‘yan!” sabi ng katabi niyang nanay.

“Nanay naman! Kaya nga saging na saba lang po ang pusta kahit isang piling lang OK na po ‘yon!

“Nangako na raw ang Bureau of Customs sa mga nagprotestang Greenpeace at Ecowaste Coalition sa opisina nila na ginagawa na raw nila ang mga hakbang para maibalik ang mga basura sa South Korea. Inaasikaso na lang daw ang logistics, sabi daw noong tagapagsalitang si Atty. Erastus Austria,” paliwanag ng nanay.

“O kita n’yo na! Pang press release na naman ‘yan! Logistics-logistics naman ngayon ang kuwento! Mahirap po ‘yan nanay. Usaping pera po yan! Baka nga po susunod ay walang barkong gustong magbalik sa Korea nang mabahong basura! ‘Pag gusto po ay may paraan, kung ayaw, maraming dahilan,” giit ng binata.

“Masayado ka namang nega dyan oy!” kontra naman ng isang istudyanteng babae. “Pagbigyan natin sila baka ngayon naman ay may magandang mangyari. Tingnan muna natin. Kung walang mangyayari, sumama tayo sa rali para hindi gawing tambakan ang Pilipinas” habol ng istudyante.

“Aba’y sasama ako sa rali kung hindi nila kukunin ang basura nila. Tama na yung basura ng Canada! Abuso na ‘yan!” galit na sabi ng nanay.

“Rali agad kayo d’yan! Manawagan kaya tayo kay President Duterte? Masamang magalit ang taong ‘yon! Nagmumura at nagbabanta kung hindi masusunod ang gusto niya. Palagay ko naman ayaw niyang tinatambakan ng basura ang bansa niya,” paliwanag ng binata.

“President Duterte ka agad diyan! Tayo na lang muna ang magrali kung hindi maibabalik sa Korea ang basura. Obserbahan muna natin. Huwag ‘yong hala bira agad.” Pagpapahinahon ng nanay.

“Dapat mag-ingat ang mga taga BOC at katatapos lang ng pagsibak sa mga opisyal do’n. Kung walang mangyayari sa isyu ng basura ng South Korea, baka magkasibakan ulit!” habol ng istudyante.

May tiwala, walang tiwala, naghihintay pa rin ang Greenpeace na si Abigail Aguilar na huwag sanang maipit na naman sa mga burukratikong proseso ang usapin ng pagbabalik ng basura ng South Korea.

Nasira na sa maraming Pilipino ang pamahalaan dahil sa walang nangyari sa itinambak na basura ng Canada sa ating bansa. May inakusahan pa ang tanggapan ng Ombudsman na isang opisyal ng pamahalaan sa pangyayaring ito.

Kung nawawalan man ng tiwala ang mga Pilipino sa proseso ng Pilipinas, hindi nila kasalanan ito dahil pinatunayan nang pangyayari sa basura ng Canada na umabot pa sa Lalawigan ng Tarlac. Dinadaan na lang sa sakit na “kalimot.”

Hindi ko na binanggit ang mga pangalan ng mga taong nag-usap sa itaas upang pangalagaan ang kanilang kapakanan at kaligtasan. Nangako naman ako bilang isang peryodista na itatago ko ang kanilang pagkakakilanlan.

Ngunit ang naging usapan naman sa itaas ay isang lehitimo at normal na isyung dapat palagiang pinag-uusapan upang marinig ng mga kinauukulan ang damdamin ng mga Pilipinong nagbabayad ng buwis.

HINDI TAYO TAMBAKAN NG BASURA NG IBANG BANSA LALONG-LALO NA ANG MULA CANADA AT SOUTH KOREA!                        (bangonkalikasan@yahoo.com)