Ibala sa kanyon ang mga gusto ng giyera

MADALAS mapahamak ang mga taong mabilis mag-react nang marahas sa mga sitwasyong nagpapainit ng kanyang ulo.

Hindi na mabilang ang mga nakapatay sa road rage. Iyong bigla na lang bubunot ng baril at ipuputok sa nakasagi sa kanya.

Kapag nagbalik na sa ulirat, abot-abot ang pagsisisi habang nasa likod ng rehas. Nasira na ang buong pamilya, hindi na nakapagaral ng mga anak dahil iyong tatay na impulsive, habambuhay ang hatol.

Ganyan ba ang gusto nating reaksiyon ni Pangulong Duterte sa banggaan ng fishing vessel ng China at sa bankang pangisda ng mga kababayan natin?

Gusto na ba nating hagisan agad ng granada ang Chinese embassy at pulbusin ang lahat ng Chinese na makikita sa kanilang embahada tapos bagsakan natin ng bomba ang mga structures sa Spratlys?

Ganoon ba ang klase ng mentalidad na gusto natin sa isang lider na konting kibot ay gusto nang makipag-giyera?

Sa maraming pagkakataon, humahanga tayo kay Presidente Duterte kahit sa mabilis umiinit ang kanyang ulo. Pero sa pangyayaring ito, hindi siya agad kumibo at wala siyang binitiwang salita na lalong magpapainit sa sitwasyon.

Iyong mga  nagsusulsol ng giyera at  ginagamit ang sitwasyon para sirain ang pagkakaibigan ng Pilipinas at China ay ang mga taong makati ang kamay sa gatilyo.

Una, huwag nating kalimutan na kung totoong Chinese vessel nga ang “bumangga” sa Pinoy ship, hindi ito kumakatawan sa gobyerno ng China. Ginamit ko ang word na “bumangga” para doon sa mga naglalabasang ulat na sinadya ang pagbangga. Pero hindi natin ito dapat tanggapin bilang conclusive dahil wala naman tayo sa lugar na pinangyarihan.

Maraming beses nang nangyari sa vehicular accident na nakabundol ng tao ang isang sasakyan at kitang-kita nating lahat na walang pakialam na sinagasaan pa ang kanyang nabundol. Iyon ang tingin natin, sinadyang sinagasaan pero sa bahagi ng driver, tiyak na hindi niya napansin ang kanyang nabudol na nasa ilalim pala ng kanyang sasakyan.

Masyadong maraming nagpapanggap na makabayan ngayon laban sa China pero tanungin mo sila kung nagbabayad ba sila ng buwis, ang sagot ay hindi; kung nagtatapon ba sila ng basura sa mga waterways, ang sagot ay oo; naglilinis ba sila ng kanilang komunidad, ang sagot ay hindi; inaalagaan ba nila ang kalikasan, natural din na hindi!

Ang sukatan ng pagiging makabayan ay hindi lamang makipagpatayan para sa bayan, may tinatawag din na “sense of patriotism” sa isip, sa salita at sa gawa.

Ang dali naman ng solusyon sa banggaan sa Recto Bank kung talagang gusto natin. Kung sino man ang responsable sa insidente, lalo na iyong pag-abandona sa mga mangingisda sa gitna ng karagatan kung totoo nga ito, aba’y panagutin sila sa tulong ng Chinese government at ng United Nationals on Law of the Seas (UNCLOS).

Sabi ng propesor namin sa college Anthropology; ang tao raw minsan ay tinatawag din na “brute” o highest thinking animals. Iyon tipong kahit anong galit mo,  may kapasidad ka pa ring  mag-isip at balansehin ang mga sitwasyon hindi katulad ng mga hayup.

Huwag tayong masyadong mainitIn ang ulo, gamitin natin ang bawat sitwasyon para mag-mature tayo sa ating mga desisyon.  Daanin pa rin natin sa diplomatic solution ang lahat.

Iyong mga gusto ng giyera, sila na lang ang ibala natin sa kanyon para huwag nang madamay ang buong bansa.
allanpunglo@gmail.com